Chapter IV

4.2K 119 4
                                        

Napakunot ang noo ni Cedric. Saglit siyang natigilan. Dinama niya ang kamay ng dalaga na nakahawak sa pisngi niya. "Mukha ba kong kuya? Maka-kuya ka riyan," aniya habang pinagmamasdan ang maamong mukha ng dalaga. "Bakit ka ba kasi naglasing?" aniya habang inaayos ang nagulong buhok nito. May kakaibang nararamdaman si Cedric habang pinagmamasdan niya ito. Magaan ang loob niya sa dalaga na para bang matagal na niya itong kakilala.

Sa halip na sumagot sinunggaban siya ng yakap ni Thea. Mahigpit na mahigpit na halos masakal na siya.

"Teka lang!" ani Cedric habang pilit kinakalas ang mga kamay ng dalaga sa leeg niya.

"I miss you, Kuya!" sambit ng dalaga.

Napakunot ang noo ni Cedric. Napaisip tuloy siya kung sino ba ang kuya na tinutukoy ng dalaga. Kuya, na kapatid o kuya-kuyahan na lihim nitong gusto. Grabe kasi ito kung makayakap sa kanya.

"Oo, na! Sige na. I miss you too," kunwa'y sagot niya para lang bumitaw ito sa kanya. Hindi na kasi siya makahinga sa higpit nang pagkakayakap nito. Unti-unting lumuwag ang pagkakahawak ng dalaga sa leeg niya hanggang sa lumaylay na ang ulo nito sa balikat niya. Nakatulog na pala ito sa sobrang kalasingan.

Naantala ang biyahe pauwi ng dalawa dahil sa nasusunog na shopping mall na nadaanan nila. Nagkalat ang mga nakikiusyoso sa daan. Nakatigil ang mga sasakyan dahil nakabara ang mga truck ng bumbero sa daan. Hindi naman magawang iurong ni Cedric ang kotse dahil wala naman siyang ibang malulusutan. Sinulyapan niya si Thea sa tabi niya, mahimbing pa rin ang tulog nito. Ilang oras din silang natengga ro'n bago sila nakaraan.

Nang makarating sila sa condo, binuhat niya ang dalaga paakyat. Pero bigla itong nagising nang ipapasok na niya ito sa unit niya. Nagpupumiglas ang dalaga kaya agad niya itong ibinaba.

"Bakit buhat-buhat mo ako? May binabalak kang masama sa akin, noh?" angil ng dalaga na tila nahimasmasan na. Mahaba-haba na rin kasi ang naging tulog nito.

Napaawang ang mga labi ni Cedric sabay napailing. "Ayos ka rin naman pala talaga. Ako na nga ang nagmalasakit, ako pa ang masama?"

"Anong malasakit pinagsasabi mo riyan? Huli ka na nga, magde-deny ka pa. Kabisado ko na ang mga tulad mo. Habang natutulog ako, dadalhin mo ko sa unit mo. Pagkatapos gagawan mo ako ng kahalayan," ani Thea.

Natawa Cedric. Masyado kasing malayo ang narating ng imahinasyon ng dalaga. "Miss, halos nakatulog ka na sa bar kanina kaya nagmagandang loob akong iuwi ka. Kung hindi kita inuwi, baka nangyari nga 'yang iniisip mo dahil may lalaki kanina na masama ang tingin sa'yo," singhal niya rito.

"Oh, talaga? Kung nagsasabi ka ng totoo bakit nandito tayo sa unit mo? Alam mo naman kung nasaan ang unit ko, 'di ba? Bakit dito mo ko pinasok? Hindi riyan sa unit ko?" aniya na ituro ang kabilang pinto.

Napabuga ng hangin ang binata. Mukhang kahina-hinala nga ang ginawa niyang 'yon. Hindi niya nga dapat ito dineretso sa unit niya. Pero ngawit na ngawit na kasi siya kaya idineretso niya muna ito sa unit niya para sana pansamantalang ibaba.

"Hindi ko po kasi alam ang passcode niyo, Ma'am. At isa pa ngawit na ngawit na rin ako sa bigat niyo. Ibababa lang naman sana muna kita sa sofa atsaka ko kakapain ang bulsa mo. Baka kasi nagdadala ka rin ng extra key gaya ko. Mabuti na lang pala at nagising ka nang mas maaga. Baka kapag nagising ka ng kinakapa ko ang bulsa mo, mas lalo mo pa akong pag-isipan ng masama."

Natigilan ang dalaga nang marinig ang paliwanag ni Cedric. Valid naman ang reason nito. Aminado naman siyang mabigat talaga siya dahil 'yon ang laging sinasabi ng Kuya Thirdy niya sa tuwing pumapasan siya sa likuran nito. Dalawa ang paraan ng pagbukas ng pintuan nila. Through passcode at ordinaryong susi. Minsan nagloloko nga ang passcode kaya lagi rin niyang dala ang susi niya. Kaya alam niyang hindi naman nagpapalusot ang lalaki.

Stranger in My RoomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon