Sa bagong bayan ay ako ang tampok kung saan ako pansamantalang naidlip upang takasan ang langsa at nakasusulasok na pook.
Kaya't sa aking pagdilat ay bago na ang lahat ng simula. Lumagok ako ng hangin at masarap sa pakiramdam. Sa wakas ay nagbunga ang aking sakripisyo.
Wala na ang amoy pulbura. Wala na ang langitngit ng granada. Wala na ang palahaw ng mga taong tinabak at tinarakan ng tanso sa laman. Wala na ang likidong pula sa kalupaan. Moderno na ang lahat mula sa aking kinatitindigan hanggang sa mga kulisap na nagsasalimbayan sa kaitaasan, ang mga kasuotan, ang mga hugis ng dila'y hindi ko na mamukhaan. Ito ba'y dahil sa ako'y napag-iwanan o dahil sa impluwensiyang dinidikta ng dayuhan?
Bumaba ako sa aking kinatatayuang monumento na nagsilbi kong tahanan kung saan tanaw ko ang mga tao.
N-ngunit... nagkamali ako.
Dahil sa ang inaakala kong bansang malaya ngayo'y nakatanikala. Nakabaluktot ang mga tuhod na nakatarak sa lupa habang pinapanginoon ang may katangkara't may kaputlaang balat na hindi naman panginoon na malayo sa natural na kalagayan at anyo ng dumadaloy sa ating dugo.
"H-hindi ako nagpaka-erehe para sa w-wala... kaya't b-bakit kayo nagpaalipin s-sa b-banyaga?" garalgal kong bulong sa sarili.
BINABASA MO ANG
Mga Dagling Pinanday sa Isip
Short StoryAng mga dagling tampok ay masusing hinabi sa pamamagitan ng malikot na pag-iisip na tumatalakay sa iba't-ibang isyu sa lilim ng lipunan. Naisulat ang koleksyong ito sa panahon ng kwarantina. Kung may pagkakatulad man sa totoong pangyayari, pangalan...