"Margy, may malapit na dagat dito. Magpasama ka na lang sa kuya mo." Narinig kong sagot ni Tita Vian.
Nagtatanong kasi ako kay Tito Levi kung may pwede bang matambayan dito sa lugar nila. Gusto ko lang makapag-isip-isip. Lalo na sa sinabi nila Mama kanina.
"Sige po, magpapasama na lang po ako kay kuya."
Hinanap ko agad ang kuya kong kanina ko pa hindi nakikita. Magkahiwalay kasi kami ng kwarto. Malawak ang bahay nila. Ngayon ko lang din nakita at naikot. Maraming halamang bulaklak na nakapaligid sa buong bahay. May iilang puno rin na nagbibgay lilim sa dinadaanan ko.
Pagkarating ko sa likuran, nakarinig ako ng tunog ng gitara. Nakita ko ang pigura ng lalaking nakupo sa sementadong upuan at may hawak itong gitara. Lumapit ako sa kaniya saka nakilala kung sino ang taong ito.
"Kuya, samahan mo 'ko." Mahinang sabi ko sapat lang para marinig niya ang boses ko.
"Saan?" Walang ganang sagot niya. Pati siguro siya di rin makapagdesisiyon.
"May malapit daw na dagat dito. Gusto ko sana pumunta. Marunong ka naman magmaneho ng motor 'di ba?" May motor kasi si Tito Levi. 'Yon na lang daw ang gamitin naming kung sakaling aalis kami.
"Tara na." Tumayo siya agad at inabot ang gitara sa akin.
"Anong gagawin ko rito?" Nagtatakang tanong ko.
"Bitbitin mo dadalhin natin yan. Ilalabas ko lang yung motor." Sagot niya.
Sumunod ako sa kaniya sa garahe. Daig niya pa ako kapag may dalaw, napakasungit. Pero buti na lang pumayag siya. Wala rin naman siyang choice kung hindi samahan ako.
"Halika na." Sumakay na agad ako sa likuran habang hawak ang gitara. Medyo mabigat pero ayos lang.
Sampung minuto lang pala ang layo sa bahay. Pwede rin lakarin na lang. May madamo pang dadaanan bago makarating sa mismong dagat. Ang presko ng hangin. Talagang malalasap mong nasa probinsiya ka. Ibang-iba sa hangin na nalalanghap sa Maynila.
Unang langhap, alikabok agad.
Pagkatapos ng limang minutong lakaran bumungad sa'min ang napakalinaw na kulay ng dagat. Ang mas nakamamangha pa ay ang buhangin na sobrang puti. Walang kahit anong basura sa paligid. Hindi rin siya private property dahil wala naman kaming nakitang karatula.
Lumapit ako sa tubig at inilublob ang paa ko rito. Malamig ang tubig pero hindi sobra. Nakakagaan ng pakiramdam yung lamig . Nakakatuwa pa na may mga maliliit na isda ang tila nanonood sa paa ko sa tuwing humahakbang ako. May nakita pa akong malaking startfish sa di kalayuan. Nang magsawa ako ay pumunta ako sa putol na punong naging upuan sa dalampasigan.
Kagabi akala ko sa panaginip ko lang narinig yung boses nila Mama. Sigurado akong ako yung tinutukoy nila dahil wala naman ibang tao sa kwarto kung hindi ako lang. Kaya nagtanong ako kanina.
Pag kagising ko ay lumapit ako kanila kay Mama at Papa na nagkakape sa may sala.
"O, ang aga mo namang nagising?" Nagtatakang saad niya.
"Good Morning." Bati ko sa kanila. "Kagabi po pala, ano yung tinutukoy niyo na kung papayag ako? Nagkatinginan silang dalawa"
"Ikaw na ang magpaliwang sa kaniya." Biglang tumayo si Papa bitbit ang tasa niyang wala ng laman patungo sa kusina.
Inantay ko na magsalita si Mama. Bumuntong hininga siya bago nagsimulang magsalita.
"Bago naming matanggap yung balita tungkol sa reunion ng batch namin, may natanggap na business offer ang Papa mo. Nasa kabilang lungsod lang. Magandang business din yun. Galing sa mga kaibigan niya na taga rito. Matagal na ang planong business na iyon kasama ang mga kaibigan niya. Kaya nagdesisyon siyang pumayag na sumali sa business na iyon." Panimula niya. Mataman naman akong nakinig dahil alam kong may kasunod pa ang sasabihin niya. "May kalakihan ang business na iyon kaya, matagal pa bago matapos. Napagdesisyunan namin na rito na lang muna kayo ng kuya mo mag-aral." Nakatingin siya sa mata ko habang sinasabi ang mga impomasyon na dapat kong malaman. Tila binabasa niya rin ang mga emosyon na namumuo sa mukha ko.