CHAPTER SIX: Danger

938 38 5
                                    

            Tinititigan lang ni Simon ang address na nakasulat sa pinilas niyang papel mula sa kanyang notebook. Gusto niya sanang personal na sabihin sa mga ito ang kanyang nalalaman tungkol sa mga taong nawawala.

            Tahimik lang na nakaupo sa tabi ng driver seat si Carlo. Pinagmamasdan lang nito ang paligid ng daan na kanilang binabagtas. Napansin naman iyon ni Simon at nagsimula na siyang magtaka.

            “Bakit ba parang kanina ka pa palinga-linga? Sino bang hinahanap mo?” pagtataka ni Simon.

            Humarap si Carlo kay Simon saka umayos ng upo. “Hindi mo ba natatandaan ang lugar na ‘to? Dito ‘yong may pabrika ng kemikal dati. ‘Yong pinasara kasi delikado sa mga taong naninirahan dito?”

            Pilit inalala ni Simon ang sinabi ni Carlo. Dati ngang may nakatayong pabrika dito. Malawak iyon na halos sakupin na nito ang buong kagubatan. Pero dahil sa hindi inaasahang pangyayari, isinara ang pabrika at hindi na muli pang binuksan sa publiko.

            “Naaalala ko nga pero napakatagal na rin no’n,” sagot ni Simon.

            “Pero nakakapagtaka kasi. Simula nang isara ang pabrikang iyon, wala ng nagtangkang pumunta sa lugar na ito kaya nakapagtataka na may nakatayong resort pala malapit dito,” saad ni Carlo.

            “Malay ko,” matipid naman niyang sagot. Ilang saglit lang ay nakarating na sila sa kanilang destinasyon. Bumungad sa kanila ng napakagandang resort. Tila isang paraiso ang lugar dahil na rin sa dagat na malapit dito. Dumiretso sila sa main gate ng resort.

            Napansin nila ang katahimikan ng buong lugar kaya minabuti na nilang pumasok nang walang pahintulot. Wala naman silang gagawing masama kaya ayos lang kung dire-diresto lang sila.

            Sinilip nila sa mga bintana kung may tao sa loob ngunit wala. Sinubukan rin niyang tawagan ang numero ng kanina’y tumawag.

            “Out of coverage area,” nasambit niya. “Saan naman kaya silang lupalop pumunta?” pagtataka niya. Naglakad-lakad sila sa dalampasigan upang doon ay maghanap. Doon na lang din nila hihintayin ang mga ito.

            Dumako ang mga mata niya sa kagubatan na bumabalot sa resort. Halatang hindi pa ginagalaw ang kagubatan at tinatayuan ng mga establishment dahil sa katandaan na ng mga puno.

            “Sa tingin mo, naghanap din sila?” sabi ni Carlo habang nakatingin sa kagubatan.

            Mariing tumingin lang si Simon sa gubat at pinagmasdan.

            Tahimik na naglalakad sina Allison at Luke. Nahihiya sila sa isa’t-isa dahil na rin siguro sa naganap na pagtatapaat ni Luke kay Allison ng tunay nitong nararamdaman.

            “Aaahh!” tili ni Allison nang biglang may bumagsak na sanga ng puno mula sa itaas. Agad naman siyang nilapitan ni Luke na nag-aalala.

            “Ayos ka lang ba?” tanong ni Luke. Tumango naman siya bilang tugon.

            “May nahulog lang na sanga,” sagot niya. Nagpatuloy lang sila sa paglalakad at paghahanap. Nauunang maglakad si Luke habang nasa likuran naman niya si Allison.

            Ilang saglit lang ay nakarinig siya ng kaluskos sa ‘di kalayuan. Napahinto siya at tiningnan ang lugar na pinanggalingan ng ingay. Iginala niya ang kanyang mata sa buong paligid.

            “Cindy?” tawag niya rito. Nagtaka naman si Luke sa kanyang inasal.

            “Bakit?” pagtataka nito.

            Sumenyas naman si Allison na tumahimik si Luke habang patuloy na nilalapitan ang ingay ng kaluskos. Marahan siyang lumalapit sa pinanggagalingan nito.

            Ngunit ganoon na lamang ang panlalaki ng kanyang mga mata nang makita ang mga dugo sa paligid. Nangangatog ang mga binti niya dahil sa nakikita. Lalo pa siyang nagimbal nang makita ang isang lalaki habang kumakain ng sariwang unggoy.

            Nailagay niya ang kanyang mga kamay sa bibig dahil sa pandidiri.

            “Bakit? Anong mayroon?” Lumapit si Luke sa tinitingnan ni Allison. Maging ito ay halos masuka sa nakita. Nagkalat ang dugo sa paligid. Wakwak rin ang tiyan ng unggoy habang sarap-sarap na kinakain ng isang lalaki ang lamang-loob nito.

            Dahan-dahang lumingon sa kanila ang lalaki. Duguan ang bibig nito na may matutulis na ngipin. Nakatiklop ang isa nitong mata na animo’y tinahi. Patulis rin ang ilong nito.

            Ngumiti ito sa kanila ng nakakaloko.

            “Kapag sinabi kong takbo, takbo,” wika ni Luke.

            Nananatiling nakikipagtitigan sa kanila ang lalaki. Pawisan na ang kanilang mga noo. Nanginginig pa rin ang kanilang mga tuhod.

            Nagitla sila nang biglang sumigaw ang lalaki na tila ba’y nagwawala. Ito na ang hudyat para sila ay tumakbo.

            “TAKBO!” malakas na utos ni Luke. Mabilis na kumaripas nang takbo ang dalawa. Hindi nila alam kung sila mapapadpad nang kanilang pagtakbo. Basta ang alam nila ay gusto pa nilang mabuhay. Sumisigaw sa kanilang likuran ang lalaki at patuloy lang sa paghabol sa kanila.

            “Gusto ko pang mabuhay,” pagsusumamo ni Allison.

            “Hawakan mo lang ang kamay ko,” paninigurado ni Luke. Hinawakan naman ni Allison ang kamay nito habang patuloy na tumatakbo. Napansin nilang hindi na sila hinahabol ng lalaki. Pero hindi sila nagpakampante, nagpatuloy pa rin sila sa pagtakbo.

            Sa hindi inaasahang pangyayari, nadapa silang pareho at napahiga sa kakahuyan. Nagsusumigaw naman si Luke sa sakit na nararamdaman.

            “Bakit? Anong nangyari sa’yo?” pagtataka ni Allison. Napansin niyang hawak-hawak ni Luke ang kanyang binti habang patuloy na namimilipit sa sakit.

            Isang bakal ang umipit sa paa ni Luke na marahil ay ginagamit sa pangangaso.

            “Wait lang, tutulungan kita.” Lumapit si Allison sa bakal na kumagat sa paa ni Luke. Pilit niyang pinaghihiwalay ang mga talim ngunit lalo naman itong bumabaon sa binti ni Luke. Halos paghiwalayin na nito ang kanyang binti at paa.

            “Humingi ka na lang ng tulong kina Mikael,” wika ni Luke. Agad namang kinuha ni Allison ang kanyang cellphone. Ngunit sa kasamaang-palad, walang signal sa lugar.

            “Badtrip!” iritableng sabi niya.

            “Bumalik ka na lang muna sa resort,” utos ni Luke.

            “Hindi kita iiwan dito!” naluluhang sabi ni Allison. Hinawakan naman ni Luke ang kanyang kamay.

            “Ayos lang ako dito,” pagsisiguro ni Luke.

            “Babalik kaagad ako. Siguraduhin mong ayos ka lang. Dahil kung hindi… hindi mo na ako mapapangasawa.” Matapos ‘yon ay agad na tumayo si Allison at bumalik sa resort.

            Naiwan namang may ngiti sa labi si Luke. Tila hindi na niya maramdaman ang sakit dahil sa tuwang nararamdaman.

            

CANNIBALISM (ON-GOING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon