CHAPTER NINE: Bravery

894 40 5
                                    

            Nakabalik na sa resort sina Mikael at Jane kasama ang lalaking natagpuan nila sa lumang bahay sa gitna ng kagubatan. Agad nila itong inupo sa sofa at ginamot ang mga sugat upang malagyan ng paunang lunas nang hindi na ito lumala.

            “Ano bang pangalan mo?” tanong ni Jane sa lalaki.

            “M-manuel…” nanghihina nitong sabi. Biglang sumagi sa isipan ni Mikael ang katiwala nila sa resort na nagngangalang Manuel. Bigla kasi itong nawala nang wala man lang pasabi kung saan pumunta o sadyang iniwan na lang ang trabaho nito bilang katiwala.

            “Ikaw ba ‘yong katiwala namin dito? Matagal ka na namang hinahanap. Akala ko’y umalis ka na. Ano bang nangyari sa’yo?” tanong ni Mikael.

            Bigla namang naalala ni Manuel ang mga paghihirap na dinanas niya sa kamay ng tatlong lalaking may kakaibang itsura. Tila gumuguhit sa kanyang katawan muli ang matatalas na pangil ng mga ito. Maging ang mga patalim na ginawang panghiwa sa kanyang sariwang balat ay bumabalik sa kanyang alaala.

            “M-mga h-hayop s-sila!” nanginginig niyang sabi dahil sa sobrang galit. Nangunot naman ang mga noo ni Mikael at Jane dahil sa sinabi nito. Wala silang ideya sa dinanas ni Manuel maliban na lamang sa mga sugat na mayroon ito na marahil ay mula sa labis labis na pagpapahirap.

            “Ano bang ginawa nila sa’yo?” tanong muli ni Mikael.

            Nakayukom ang mga kamay ni Manuel. Halatang nagpipigil ito ng kanyang galit na may tyansang sumabog. “Hindi sila mga tao! Mga hayop sila!”

            “Hindi ka namin maintindihan. Ano bang sinasabi mo? Sinong sila?” pagtataka ni Mikael.

            “Hindi sila mga tao. Kakaiba ang mga itsura nila. Animo’y mga hayop kung umasal sila! Nakakapangilabot ang mga ngiti nila.” Habang ikwinikwento ang mga lalaking nagpasakit sa kanya, kasabay no’n ang pangangatog ng kanyang katawan dahil sa takot.

            “Mabuti pa nga’y magpahinga ka na muna.” Tinulungan nila si Manuel na makahiga upang makapagpahinga na rin pansamantala. Iniwan na muna nila ito at dumako sa dalampasigan.

            Tahimik ang dalawa matapos marinig ang kwento ni Manuel. Tila may kutob sila na may nangyayaring kababalaghan sa lugar.

            “Hindi kaya, sila rin ang kumuha kay Cindy? Sa tingin mo?” tanong ni Jane sa tahimik na si Mikael.

            “Hindi ko rin alam. Mahirap paniwalaan ang mga sinabi niya sa atin. Lalo na’t wala namang pruweba na makapagsasabi na may ganoon nga.”

            “Pero parang totoo. Hindi naman siya matatakot nang ganoon kung hindi totoo, ‘di ba? Saka paano mo maipapaliwanag ‘yong mga sugat niya sa katawan? Hindi naman pwedeng nanggaling ‘yon sa mga mababangis na hayop dito sa gubat,” kinakabahang sabi ni Jane.

            “Siguro. Mabuti’y tawagan na muna natin sila Allison. Magtatakip-silim na rin. Ipagbukas na lang natin ulit ang paghahanap.” Kinuha ni Mikael ang cellphone sa kanyang bulsa. Sa kasamaang-palad ay walang signal sa lugar kung nasaan sila Allison.

            “Kinakabahan tuloy ako,” saad ni Jane habang hawak-hawak ang kanyang dibdib.

            “Mag-iingat kayo, Allison at Luke,” bulong ni Mikael sa kanyang sarili.

            Mag-isang ginalugad ni Allison ang masukal na kagubatan. Tahimik pa rin ang lugar. Sinusundan na lamang niya ang dugo kung saan ito patungo. Mabato ang daang kanyang tinatahak. Puro puno rin na matatayog ang makikita.

            “Luke,” tawag niya rito. Sapat lang para marinig upang hindi rin siya gaanong makalikha ng ingay.

            “Luke,” tawag pa niyang muli.

            Napansin niya ang isang lalaking nakahandusay sa hindi kalayuan. Minabuti niyang lapitan iyon upang makasiguro. Ngunit ganoon na lamang ang kanyang pagkagimbal nang makita ang itsura nito. Naliligo ito sa dugo at wakwak ang tiyan. Nagkalat rin ang mga lamang-loob nito sa lupa.

            Napaluhod siya nang makilala ang lalaking nakahandusay. Si Luke! Halos tapyas na ang mukha nito na kitang-kita na ang bungo. Nakilala lamang niya ito dahil sa suot na damit.

            Naluluha siya habang nilalapitan ang kaawa-awang katawan ni Luke. Hindi niya mapigilan ang humagulgol dahil sa sobrang lungkot.

            “Luke!” sigaw niya sa sobrang galit sa gumawa nito.

            Hindi niya lubos maisip na mamatay ang kanyang kaibigan. Galit na galit siya sa taong gumawa nito. Hindi niya mapapatawad ang taong gumawa nito kay Luke. Sisiguraduhin niyang magbabayad ang taong gumawa nito.

            Kumuha na lamang siya ng mga dahon saka inilagay sa katawan ni Luke.

            “Magbabayad ang gumawa sa’yo nito. Hindi ko sila mapapatawad,” galit na sabi ni Allison.

            Naglakad na siya sa kagubatan ng buong tapang habang bitbit ang rebolber na nakuha niya mula kay Simon. Handa niyang patayin ang salarin sa pagkamatay ni Luke.

CANNIBALISM (ON-GOING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon