CHAPTER ONE: Start

2.8K 75 19
                                    

            Halos apat na oras ang binyahe ng magkakaibigan papuntang Laguna kung saan sila muna ay magbabakasyon matapos ang madugong semester. Si Mikael ang nagmamaneho ng sasakyan na siya ring may-ari ng kanilang tutuluyan na resort. Kasama niya ang mga kaibigan niyang sina Allison, Luke, Cindy at Jane.

            “Excited na ako. Makakalanghap na rin ako ng fresh air,” maligayang sabi ni Cindy, ang kikay sa grupo. Nakangiti itong tinitingnan ang daan na binabagtas.

            “Kahit ako. Masyado tayong exhausted dahil sa finals. Sumakit talaga ang ulo ko at kailangan ko talaga ‘tong sulitin na bakasyon,” pagsang-ayon naman ni Allison. Bigla itong nakaramdam na may kamay na gumagapang sa balikat. Napalingon naman ito upang makita kung sino ang nagmamay-ari ng kamay. Nangunot ang noo nito nang malaman kung kanino.

            “Pwede ba? Alisin mo nga ‘yang kamay mo!” iritableng sabi ni Allison kay Luke.

            “Ayaw mo pa kasi sagutin si Luke,” pang-aasar ni Mikael, “at ikaw naman Luke, ang hina mo rin kasi dumiskarte.”

            Binato naman ng unan ni Luke si Mikael. Nauwi lang sa tawanan ang buong biyahe. Maya-maya’y nakarating na sila sa destinasyon. Isang malaking resort na makikitaan ng modernisasyon at asul na dagat ang tumambad sa kanila.

            Manghang-mangha ang mga kaibigan niya sa nakikita. Tila isang paraiso kung ilalarawan ang lugar. Tamang-tama ang lugar na ito para makapagpahinga matapos ang madugong bakbakan sa kolehiyo.

            “Hindi mo naman sinabing may ganito kayong kagandang resort,” manghang sabi ni Allison. Hindi nito maalis ang mga mata sa nakikita dahil sa sobrang pagkamangha.

            “Kamakailan ko lang rin naman nalaman na may ganito kaming kagandang resort,” paliwanag ni Mikael, “Teka nga, nasaan na ‘yong katiwala namin? Tsk. Akala ko pa naman ay may sasalubong sa atin.”

            “Dapat nga matuwa ka pa kasi walang magsusumbong sa pwede nating gawin,” paliwanag ni Luke.

            “Loko ka,” puna niya. Kanya-kanyang buhat ng mga gamit ang magkakaibigan. Pumasok na sila sa loob. Lalo pa silang namangha dahil sa disensyo ng buong resort. Tila napakalaki ng ginastos para mapagawa ang ganitong kagandang interior.

            “May anim na kwarto dito. Pumili na lang kayo ng gusto niyo,” saad ni Mikael. Nagsipasok na sila sa mga napiling kwarto. Matapos ‘yon ay agad silang nagtungo sa dalampasigan para makalanghap ng sariwang hangin mula sa asul na dagat. Naiwan naman sa loob si Mikael para kontakin ang mga magulang niya upang sabihin na wala ang katiwala.

            “Okay po, Ma. Maraming salamat.” Matapos ‘yon ay ibinaba na niya ang telepono. Lumabas siya upang samahan ang mga kaibigan. Abala ang mga ito na naglalakad sa dalampasigan. Naupo na lamang siya sa bench at doon na lamang magpapahinga dahil sa matagal-tagal na pagmamaneho.

            Habang nakaupo, napansin niya sa kanyang paanan ang pulang likido.

            “Ano ‘to?” pagtataka niya. “Wala talagang kwenta ang caretaker dito.”

            Nagising sa isang mahimbing na pagkakatulog si Manuel. Ramdam niya ang pangingirot ng kanyang ulo dahil sa hampas na natamo sa hindi niya makilalang tao. Iginala niya ang kanyang mata upang tingnan ang kabuuan ng lugar. Tanging sa mga butas lang ng kabahayan nanggagaling ang liwanag. Sa tingin niya ay tanghali palang dahil sa tingkad ng kulay ng paligid.

            Pinilit niyang kumilos ngunit napansin niya na nakagapos ang pareho niyang kamay maging ang kanyang mga paa ay nakatali rin. Pinagmasdan niya ang sarili. Naliligo siya sa dugo. Naalala niyang tinamaan pala siya ng palaso sa magkabilang balikat.

            “Tulong…” mahinang sambit niya. Hindi niya alam kung may nakaririnig sa kanya. Sa tantiya niya, nasa isang masukal na gubat siya kaya marahil ay wala talagang makakarinig sa kanya.

            Nanghihina ang buo niyang katawan. Hindi niya rin magawang makalag ang pagkakatali dahil sa sobrang higpit. Maya-maya’y nakarinig siya ng kaluskos. Pinakiramdaman niya ang buong paligid.

            Dahan-dahang bumukas ang pintuan kasabay ang pag-ingit nito. Tumambad sa kanyang harapan ang isang lalaki na kakaiba ang itsura. Halos lagas ang buhok nito na kulay puti. Matangos na patulis ang ilong nito. Puro kulubot din ang mukha na akala mo’y peke ang balat dahil sa sobrang pagkakulubot. Matulis rin ang ngipin nito na iilan lang ang bilang.

            Lumapit ito sa kanya at siya’y pinagkatitigan. Iniwas naman niya ang kanyang tingnan dahil sa nakakasukang itsura nito. Nagitla siya nang biglang hawakan nito ang kanyang damit. Sinira nito ang kanyang suot at hinawakan ang kanyang katawan. Tila isang takam na leon na naglalaway sa karne ang hitsura ng lalaking nasa kanyang harapan.

            Pumunta ito sa mesa at kinuha ang isang kutsilyo. Nanlalaki naman ang kanyang mata habang tinitingnan ang palapat na kutsilyo sa kanyang katawan.

            Isang mariin na pagsaksak ang ginawa nito sa kanyang katawan. Tumagas mula roon ang napakaraming dugo. Napasigaw siya nang malakas dahil sa sobrang sakit.

            “Ahhhhhh!” sigaw niya. Tila bingi naman ang lalaking nasa harapan niya. “Maawa ka,” pagsusumamo niya.

            Inilapit nito ang bibig sa tumatagas na dugo mula sa katawan ni Manuel. Ininom nito ‘yon at tila sarap na sarap pa. Patuloy ito sa pagsipsip. Napaatras naman si Manuel dahil sa sobrang sakit. Kinakagat na nito ang kanyang balat upang lalo pang lumabas ang napakaraming dugo.

            Tila nagdidilim na muli ang paningin ni Manuel. Umiikot ang kanyang buong paligid. Unti-unting bumabagsak ang kanyang mata hanggang sa mawalan muli ng malay.

CANNIBALISM (ON-GOING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon