Kabanata 5

63 5 21
                                    

Unti-unting namamatay ang apoy ng pag-asa para sa aming magkakaibigan noong ikatatlong linggo na at wala pa rin kaming balita sa kung anong nangyayari kay Rona.

Pero alam kong hindi puwedeng sumuko dahil katumbas lang 'yon sa kawalan ng pag-asang mahahanap pa nga namin siya.

Naghahanda na rin kaming magkakaibigan para mag-enroll sa huling taon namin sa kolehiyo at naghahanap-hanap na rin kami ng mga part-time na trabahong puwedeng pasukan, pansamantala.

Lagi na ring gabi kung umuwi si Papa. Minsan, gabi naman siya umaalis at umaga bumabalik ngunit kaunti na lang ang nahuhuli.

"Sa tingin mo, maayos lang kaya ang kalagayan ngayon ni Rona?"

Bumaling ang ulo sa akin ni Samuel at napangiti. "Naka-ilang tanong ka na niyan simula kaninang umaga? Oo naman, siguro. Hindi naman siguro siya pababayaan ni Raul kung nasaan man sila ngayon."

"At paano ka nakasisigurong naaalagaan nga siya? Ni hindi mo nga kilala si Raul, e."

Hindi ko lang talaga maiwasang hindi mag-alala para kay Rona. Alam kong kahit may katapangan naman ang pagkatao niya, e madali siyang matitibag kapag alam niyang hindi na tama ang ginagawa sa kaniya.

"Ako pa ba ang hindi makakakilala kay Raul, Nanis? Dati kong malapit na kaibigan 'yon kaya kabisado ko siya," aniya.

"Dati 'yon, Samuel. Noon, kahapon, dati. Nakaraan na kaya hindi mo na alam ang takbo ng utak niya para masabing kabisado mo pa rin siya."

Tumango siya sa akin at sinuklay ang buhok niya bago muling sumandig sa hawakan dito sa parola. Pinagmamasdan naming dalawa ang mg bangkang pumapalaot habang pinapanood ang paglubog ng araw.

"Sabagay. Hindi na rin naman kami nagpapansinan no'n simula nang mag-highschool. Para kasing yumabang eh. Alam mo namang ayaw ko sa mga gano'n."

Natawa ako sa sinabi niya. "Oo. Kasi ang gusto mo, ikaw lang ang mayabang."

"Hindi naman sa ganoon. Talagang iba na yung datingan niya eh. Parang kung umasta, para kaming hindi naging matalik na magkaibigan dati. Silang dalawa ni Caleb, naging ganoon. Porket natuklasan na kung gaano sila kataas, ayon, sumabay naman sa hangin."

Hindi nakalagpas sa tainga ko ang isang pangalan. "Si Caleb ba kamo? Hindi ko alam na naging magkaibigan kayo. Ang akala ko ba, sinabi mo noong nasa party nila tayo na ipinakilala lang siya sa inyo?"

"Malamang, may pride pa rin naman ako. Ayokong isipin nilang porket naungusan na nila ako, ako pa ang luluhod sa kanila? 'Di no. 'Di ko kailangan ng mga kaibigan na katulad nila."

"Ayun naman pala. Baka naman nagkawatak kayo dahil sa taas ng pride mo? At saka, kaya ba ako ang pinagtyatyagaan mo dahil ramdam mo, hindi mo na ka-lebel yung mga dating kasing uhugin mo lang?"

Umingos siya at natatawang nilingon ako. "Para lang malaman mo, Clarence Jane, kung ikukumpara tayong dalawa—mas uhugin ka pa nga sa akin. At saka, hindi ganoon 'yon. Kasi kahit naman hindi pa kami magkakaibigan nina Raul at Caleb, nagtitiis na ako sayo. Nakilala ko lang ang dalawang 'yon dahil magkakaklase kami noon."

Palihim akong ngumiti habang nakatitig pa rin sa mga bangkang nauubos na sa mababaw na parte ng dagat. "Sus, ang sabihin mo, tama talaga ako. Hindi naman ako masasaktan kung aaminin mong opinyon mo lang ako."

Natigilan siya kaya napalingon ako sa kaniya. Hindi na ngayon matimpla ang itsura niya dahil pinaghalong dismaya, pagtatampo at irita ang mukha niya.

"O, bakit natahimik ka?"

Umiling siya sa akin at lumayo nang distansya. "Wala."

Tuluyan na akong humagalpak ng tawa dahil sa inaasal niya. Lumapit ako sa kaniya at tinusok ang tagiliran niya.

Dauntless MelancholiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon