Kabanata 29

33 3 2
                                    

"Kumain ka na."

Tumalim lang ang paningin ko kay Caleb at muling bumalik sa pagkakataklob ng kumot. Dalawang linggo na ang nakalilipas simula noong nawala si Samuel at pilit na nilang tinatatak sa kokote kong pâtay na ang lalaking pinakamamahal ko.

Hindi ako naniwala. Kaya hangga't kaya ko, pinaninindigan ko ang hindi pagkain at pagkukulong sa kuwarto upang mag-isip kung paano ba tuluyang makakaalis sa lugar na ito. Ngunit sa haba ng mga araw at wala pa ring ibinibigay na balita sa akin patungkol sa pagkakalipat niya sa bilibid ay napipigtas din ang aking pasensiya.

"'Wag ka nang mag-inarte, Nanis! Kumain ka na!" pilit niyang tinatanggal ang kumot sa aking katawan ngunit hinihigpitan ko rin ang pagkakahawak dito.

"Tantanan mo na ako, Caleb! Kung totoo ang sinasabi ninyong wala na nga si Samuel. Siguro nga mas mabuting mawala na rin ako!" sigaw ko.

"Hindi ako nakikipagbiruan sa 'yo, Nanis. Kung gusto mong magpákamátay, 'wag dito sa pamamahay ko!"

Pinakiramdaman ko ang aking sarili kung maliban sa galit sa kaniyang pinagsasabi ay may iba pa ba akong nararamdaman ngunit wala. At gusto ko na lang siyang murahin nang murahin para magising siya sa katotohanang kasalanan niya kung bakit ako nandito.

"At sinong nagsabing nakikipagbiruan ako sa 'yo? Ikaw ang nagdala ng problema sa sarili mo, kaya panindigan mo, Caleb! Ni hindi ko ginustong mapunta rito!"

Kung hinayaan na lang siguro nila kaming dalawa ni Samuel na pumunta ng Maynila. Tahimik sana kami sa sari-sarili naming buhay. Hindi sana kami nagkakaganito ngayon. Hindi sana siya nahihirapan at hindi sana ako nasasaktan.

Biglang tumahimik ang kapaligiran ngunit hindi ko muna sinubukang tanggalin ang kumot sa aking katawan. Gusto ko lang naman nang katahimikan. Iyon lang. Pero kahit ang tangi kong gusto, ni hindi man lang maibigay ni Caleb dahil lagi niya akong ginagambala. At hanggang sa panaginip ko, nakikita ko ang kaniyang mga pamimilit na pumasok sa buhay ko.

Kung naiba lang siguro ang situwasyon naming dalawa, nakaya ko pa sigurong sikmurahin na makasama siya. Ngunit nang unti-unting lumabas ang kaniyang ugali ay unti-unti na rin akong nasusuka.

"Hindi ka babangon diyan?"

Natahimik ako nang marinig ang kaniyang boses. Hindi ako nagsalita. Kung posibleng isa na naman ito sa napaka pangit niyang paraan para mapasunod ako sa kaniya ay hindi na ako magugulat.

Noong nakaraan, pinaso niya ako dahil ayokong sumama sa kaniyang makipag-usap sa tauhan ng pamilya nila. Na hanggang ngayon ay hindi pa rin gumagaling dahil natanggal mismo ang balat.

"Clarence Jane!" tila kulog ang kaniyang boses nang tawagin ang pangalan ko. "Tatlong segundo lang. 'Wag mo akong pabilangin."

Hindi ako gumalaw. Siguro dahil sa mga ginagawa niya sa akin ay nawawalan na ako ng pake kahit ilang beses niyang durugin ang pagkatao ko. Nagawa na niya. At nakikita kong sinasagad na niya.

"Tatlo!"

Napapikit ako nang mariin noong maramdaman ko ang isang malamig na bagay na yumakap sa aking katawan. Hindi no'n masiyado in-absorb ng aking balat dahil makapal naman ang kumot na gamit ko.

"Tangina ka, Nanis! Tumayo ka na diyan!"

Ngunit tanging pag-iling lang ang ginawa ko.

Isinusumpa kong hinding-hindi kita mapapatawad Caleb. At sisiguruhin kong lumuhod ka man sa harapan ko ay hinding-hindi mo ako makukuha.

"Gising na siya, pre."

Napabangon ako mula sa pagkakahiga nang maramdaman kong may kamay na umalalay sa akin sa pag-upo.

Dauntless MelancholiaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon