A/N - Class Picture series was written in 2002. Timeline of these stories revolved around that period. I hope you enjoy them.
*****
"OKAY na siguro itong attire ko," sabi ni Elisa sa kapatid na si Baby na nakabantay sa kanya habang nag-aayos siya. Kahit hindi siya sanay na may ibang tao kapag nagbibihis, iba ito. Sanay na siyang nakatanghod ang kapatid sa kanya. Sa kabila ng sampung taong pagitan ng mga edad nila, magkasundo silang magkapatid.
"Isuot mo 'yong kuwintas ko na bagong bili, 'yong uso ngayon. Bagay iyon sa blouse mo," sabi nito.
Napangiti siya. Iyon ang isa sa bentahe na naroroon si Baby. Kritiko niya ito pagdating sa uso. Madalas ay wala siyang tiwala sa mga napipiling isuot, palibhasa ay nasanay na siyang teacher's uniform ang suot. Kapag walang pasok ay nakapirmi lang siya sa bahay. Ni wala siyang interes magbago ng style ng pananamit. Kung hindi teacher's uniform, pantalong maong at baby tee ang palagi niyang suot.
"Baka naman alangan sa akin ang kuwintas mo, magmukha akong tanga."
"Sus, ano ka ba naman? Pagmumukhain ba kitang tanga? Saka alam mo naman na kapag uso, hindi ka magmumukhang tanga. Bagay nga iyon sa damit mo. Sandali at kukunin ko." Pumihit lang ito sa isang bahagi ng silid na pinaghahatian nila at binuksan ang isang drawer. "Here. Isang ethnic beads, isang swarovski crystal beads. Kahit alin dito, bagay sa iyo."
Tiningnan ni Elisa ang mga kuwintas at ang suot niyang printed shirt. Tulad ng dati ay maong pa rin ang pantalon niya. Pero kahit paano ay nasa uso naman iyon. Ang biro nga ni Baby, sumeksi siya sa pantalong iyon.
"Itong swarovski na lang," sabi niya. "Napapanood ko na ganito ang suot ng mga artista kahit naka-shirt sila. Bagay naman."
"Oo naman! Nasa pagdadala lang iyan. Ikaw naman kasi, masyado mong pinaninindigan ang pagiging noble teacher, mukha ka na tuloy old maid."
"Baby, ha?" inirapan niya ang kapatid. Seventeen years old lang ito pero kung magsalita ay parang magkabarkada lang sila.
"Ate, puwede ka namang maging fashionable nang hindi nagmumukhang bastusin," sabi pa nito.
"Oo na. Ikaw na ang consultant ko. Dali na, ikabit mo na iyan sa leeg ko at aalis na ako. Nakakahiya naman sa mga kaklase ko. Naturingang nandito lang ako sa Sierra Carmela, male-late pa ako."
"Sana marami ka pang kaklaseng binata," sabi nito habang isinusuot sa kanya ang kuwintas. "Malay mo, may kaklase ka pala noon na crush na crush ka at wala lang lakas ng loob na manligaw sa iyo. What if this is your moment?"
Pinaikot ni Elisa ang mga mata. "Dadalo ako sa reunion, hindi maghahanap ng mapapangasawa!"
"Grab the opportunity, Ate. Aba, hindi ka na bumabata. Sige ka, kapag daw nagtreinta na ang babae, mahirap nang manganak."
"Matagal pa bago ako magtreinta!"
"Akala mo lang iyon. Ako nga feeling ko, high school lang ako kahapon. Pero ilang buwan na lang, magde-debut na ako. Kaya dapat mag-asawa ka na, Ate. Hindi ka ba naaawa kina Daddy? Nanghihiram sila ng apo sa mga pinsan natin kasi hindi mo pa sila nabibigyan ng apo."
Pinandilatan niya si Baby. "Busalan ko kaya iyang bibig mo? Daig mo pa si Mommy sa pagiging nagger, ah."
Ngumisi ito. "Kanino pa ba ako magmamana?"
"Kung ligpitin mo na kaya itong kuwarto nang maging productive ka kaysa ini-stress mo ang panga mo sa kakasalita? Punasan mo ang salamin sa mga bintana at maglampaso ka. Iyang mga unan, palitan mo ng punda. Aalis na ako."
BINABASA MO ANG
Class Picture Series 5 - Finding Treasure... Finding Love
RomanceKasabay ng pagbabakasyon ni Elisa, sinubukan din niyang puntahan ang lugar na ayon sa journal ng kanyang lolo ay may nakatagong kayamanan. At sa lugar na iyon, nakilala niya si Art, ang tumulong nang bigla siyang mawalan ng malay sa daan. Dinala siy...