Finding Treasure... Finding Love - Part 6

198 4 0
                                    

NIYAYA si Elisa ng daddy niya sa basement. Iyon ang nagsisilbing stockroom nila pero mula nang magretiro ito sa trabaho ay naging libangan na nito ang mamalagi roon. Kaya mas mukhang library na iyon ngayon kaysa bodega. Pinagtiyagaan nitong iayos ang mga gamit doon, partikular ang mga librong inaalikabok na pero walang nagtitiyaga na buklatin.

"Wala ka pa ring ideya kung saan ka pupunta, Elsie?" tanong nito.

Nagkibit-balikat siya. "Basta somewhere in the north. Siguro sa Pagudpud. Maganda ang beach doon, 'di ba?"

"Maganda rin ang beach sa Claveria. Bakit hindi ka doon pumunta?"

Sandali siyang nag-isip. "Puwede rin. Bakit mo isina-suggest ang Claveria, Dad?"

Sa halip na magsalita ay inilabas nito ang isang makapal na notebook, parang journal iyon. "Nakita ko ito sa mga gamit ng Lolo Bernardo mo. Hindi ba, naging kuwentista sa magazine na Hiligaynon ang lolo mo? Binasa ko ito. Saka ko lang naalala, isang panahon sa buhay niya ay tumira siya sa Sta. Praxedes."

"And?"

Itinulak nito sa gawi niya ang notebook. "Baunin mo iyan. Hindi ko alam kung bunga lang ng kanyang imahinasyon ang mga nakasulat diyan pero mukha namang totoo. Kung itutulak ka pa ng pagiging abenturera mo, pumasyal ka sa Sta. Praxedes. Tingnan mo kung nag-e-exist pa rin ang bahay na iyan. At tingnan mo rin kung totoo ba ang isinulat ng Lolo Bernardo mo o kathang-isip lang niya."

Napukaw ang curiosity ni Elisa. "Ano ang nakasulat dito, Dad?"

"Something about a treasure," kaswal na sagot nito.

Kumunot ang kanyang noo. "Treasure? Bakit hindi kayo ang pumunta roon? Bakit hindi kayo ang magbaka-sakali?"

Ngumiti ang kanyang ama. "Sabi ko nga, puwedeng totoo iyan, puwede ding kathang-isip lang. Wala akong balak na sumugal, Elisa. Isa pa, hindi naman ako interesado. Ibinibigay ko iyan sa iyo, una para basahin mo dahil nakakalibang basahin. Kung matindi ang magiging kuryosidad mo, nasa iyo na iyan kung aalamin mo kung totoo ba o hindi ang mga nakasulat diyan. Paalala lang, anak. Kung sa palagay mo ay delikado, huwag kang tumuloy. Hindi matutumbasan ng kahit gaano kalaking kayamanan ang buhay ng isang tao."

"Sta. Praxedes," sambit niya. "Napunta ka na ba sa lugar na iyon, Dad?"

Umiling ito. "Lagalag ang Lolo Bernardo mo noong binata pa siya. Pero nang mag-asawa at magsimulang magkaroon ng pamilya, pumirmi na dito sa Sierra Carmela. Dito na ako ipinanganak at lumaki. Pero natatandaan kong madalas niyang banggitin noon ang Sta. Praxedes. Sinasabi pa niya noon sa akin na babalik daw siya doon.

"Wala naman akong naisip na malalim na dahilan para gustuhin niyang bumalik doon. Inakala ko lang na nagustuhan niya ang lugar na iyon dahil ayon na rin sa kanya ay tahimik ang paligid at malaya siyang nakakapagsulat ng mga kuwento. Nangangarap din siyang makapagsulat ng isang kuwento na iiwan daw niya bilang isang pamana sa kanyang angkan. Gusto niyang isali iyon sa pambansang paligsahan at kapag nanalo raw ay magiging karangalan ng buong pamilya." Bumuntong-hininga ito.

"Sampung taon lang ako nang maaksidente si Tatang na siyang ikinamatay niya. Nakalimutan ko na ang tungkol sa Sta. Praxedes. Kapag tinatanong ko naman ang Lola Ester mo tungkol doon ay wala siyang maisagot. Isa pa, ayaw niyang pag-usapan ang anumang bagay tungkol sa Lolo Bernardo mo. Masyadong masakit sa kanya ang pagkawala ni Tatang. Kaya nga itinago rito sa basement ang mga gamit ni Tatang para makaiwas siya sa mga alaala. Nang ang lola mo naman ang namatay, itinago ko lang din dito ang mga personal niyang gamit. Nang maisipan kong ayusin ang mga gamit dito, saka ko lang natuklasan ang tungkol sa journal na iyan."

Binuklat ni Elisa ang journal. Naninilaw na ang mga page niyon at parang mapupunit na ang papel. Maayos ang pagkakasulat ng bawat salita roon, malinaw ang bawat guhit ng letra.

"Hindi ko alam kung ang mga nilalaman niyan ay ang pinapangarap niyang kuwento. Kung kathang-isip nga lang iyan, talagang maganda. Hindi malayong magkaroon ng parangal. At kung totoo naman, hindi rin malayong maghatid ng kayamanan sa ating pamilya. Pero uulitin ko, anak, kung manganganib ang buhay mo sa pagtuklas sa kayamanang binabanggit sa kuwentong iyan, huwag ka nang tumuloy at mag-enjoy ka na lang sa pagbabakasyon. Hindi importante sa atin ang kayamanan. Napagtapos na kita sa pag-aaral at napaghandaan ko na rin ang nalalabing taon sa pag-aaral ng kapatid mo. Para sa amin ng mommy mo, iyon ang kayamanang iiwan namin sa inyo. Ang edukasyon."

--- i t u t u l o y ---

If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Class Picture Series 5 - Finding Treasure... Finding LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon