"GOOD morning!"
Nagising si Elisa sa malambing na pagbati ni Art. Nang magdilat siya ng mga mata ay nakita niyang nakaupo ito sa gilid ng kanyang kama at nakatingin sa kanya.
"Time to wake up!" nakangiting sabi nito.
"Inaantok pa ako," nag-iinat na sabi niya.
"Get up, sleepyhead. Tulungan mo akong mag-prepare ng almusal natin."
Humikab si Elisa. "Okay. Susunod na ako."
"Sigurado kang babangon ka na?" paniniguro nito.
"Oo na. Ginising mo na ako, eh."
"Wala bang good-morning kiss?"
Pinanlakihan niya ito ng mga mata, na-conscious bigla. "Hindi pa ako nagmumumog man lang!"
Tumawa si Art at walang sabi-sabing hinalikan siya sa mga labi. "Who cares?" sabi nito nang pakawalan ang kanyang mga labi. "Bangon na, darling. Sumunod ka na sa kitchen, okay?" Tumayo na ito.
Bumangon na nga si Elisa. Magaan ang kanyang pakiramdam. Napangiti siya. Iba talaga kapag masaya. Kahit na gusto pa sana niyang matulog ay mabilis na siyang kumilos para mag-freshen up.
Pagkatapos mag-almusal ay nagpunta sila sa Magno para mamili ng pagkain. Dinamihan ni Art ang pinamili dahil hanggang para sa susunod na araw na raw iyon. Nang bumalik sila, sa kusina na naman sila tumuloy at magkatulong pa ring naghanda ng pagkain.
"Mas marunong kang magluto kaysa sa akin," sabi ni Elisa.
"Ikaw ang babae, hindi ba, ikaw ang dapat na mas sanay sa ganito?" tanong naman ni Art.
"Hindi ko hilig ang magluto, eh. Mas hilig kong kumain."
"Dehado naman pala ako," kunwari ay reklamo ng binata. "Dapat ay may pampalubag-loob naman ako. Ako pala ang palaging cook."
"At ano namang pampalubag-loob ang gusto mo?" nakataas ang isang kilay na tanong ni Elisa, ngiting-ngiti.
"You know." Pinatulis nito ang nguso.
Natawa siya. Lumapit siya at mabilis itong hinalikan sa mga labi. "Ganyan ba?"
"Ang tipid naman," reklamo ni Art. "Puwedeng isa pa? 'Yong mas matagal?"
"Later," pagpapakipot niya. "Magluto ka muna."
"Later?" exaggerated na ulit ng lalaki. Binitiwan nito ang sandok na ipanghahalo sana sa nakasalang na ulam at hinapit siya. "Walang later-later sa akin." At siniil siya nito ng halik.
Buong puso namang nagpaubaya si Elisa. Ang bawat halik na pinagsasaluhan nila ay parang isang espesyal na pangyayari sa kanyang buhay. Natutuhan na niyang gumanti sa bawat halik nito. Parang nasanay na rin siya sa maya't mayang paglapat ng kanilang mga labi. At kahit kailan, hindi yata siya magsasawang ipaubaya ang mga labi niya sa bawat halik ni Art.
*****
ILANG araw na sa villa si Elisa. Halos doon din lang sila nananatili ni Art. Hindi niya maipagkakaila na hindi niya pinagsisisihan ang bawat lumilipas na araw. Masayang-masaya siya na kapiling ang binata at alam niyang masaya rin ito.
Mas may taginting na ang tawa nito ngayon, tawa na umaabot na ngayon sa mga mata nito. Hindi na niya nakikita sa mga mata ni Art ang lungkot na parang kinikimkim nito noon.
Dumaan ang araw ng Pasko na pinalipas nila na parang bale-wala lang. Hindi sila nag-abalang maglagay ng Christmas decoration sa villa. Kung hindi lang sila aware sa petsa ay malamang na hindi rin nila maiisip na Pasko pala ang araw na iyon.
BINABASA MO ANG
Class Picture Series 5 - Finding Treasure... Finding Love
RomanceKasabay ng pagbabakasyon ni Elisa, sinubukan din niyang puntahan ang lugar na ayon sa journal ng kanyang lolo ay may nakatagong kayamanan. At sa lugar na iyon, nakilala niya si Art, ang tumulong nang bigla siyang mawalan ng malay sa daan. Dinala siy...