PAGKATAPOS ng hapunan, masarap mang kasama si Art ay itinaboy na ito ni Elisa pabalik sa villa. Naisip niya ang sinabi nito noon na mga taong-labas. Baka mamaya ay mapagkamalan pa ito at mabihag.
Nang mag-isa na siya sa inuupahang cottage ay hindi niya naiwasang ma-miss agad ang binata. Para tuloy gusto na niyang hatakin ang oras para mag-umaga na. Nagkasundo sila na susunduin siya nito pagkatapos ng almusal.
Hindi agad siya nakatulog. Pero sa halip na muling basahin ang journal, ang bagong paperback ang binasa niya. Isa iyong Detective story. Pero pagkatapos ng ilang pahina ay ibinaba na niya ang libro. Hindi niyon nakuha ang atensiyon niya dahil ginugulo pa rin ni Art ang kanyang isip.
Parang umuulit sa isip ni Elisa ang kuwento ng binata. Hindi detalyado iyon pero sapat na ang tono nito para maramdaman niya ang sakit ng pagdurusa nito. Hindi lang simpatya ang nararamdaman niya para kay Art, higit pa roon.
Naalala rin niya nang itanong nito ang tungkol kay Miguel.
Pumikit siya at kinapa ang damdamin. Sa nakalipas na araw ay hindi na niya masyadong naiisip si Miguel. At kung maisip man niya ay hindi na siya kasingdesperada ng dati, parang nagtagumpay na rin siyang makagawa ng proteksiyon para hindi na masaktan pa. O posible kayang natauhan na siya at nakalimutan na rin niya si Miguel?
"If that's the case, well and good," natutuwang sabi niya sa sarili. "I have to move on. Wala akong kinabukasan sa katangahan ko kay Miguel."
Nang magising siya kinabukasan, ang usapan nila ni Art agad ang pumasok sa isip niya. Mabilis siyang naligo at namili ng isusuot. Gusto niyang maging magandang-maganda sa paningin ng binata.
Tamang-tama na patapos na siya sa pag-aalmusal nang makitang pumasok sa resort ang pickup nito. Isang matamis na ngiti ang isinalubong niya kay Art nang lumapit ito sa kanya.
"Good morning! Ang aga mo yata?"
"Maaga akong nagising," maluwang din ang ngiting sagot nito. "Siguro excited." Tumawa pa ito. "Hindi ko nga nakuhang mag-almusal. Nagkape lang ako at nagpunta na rito."
"Mag-breakfast ka muna," sabi niya. Sinenyasan niya ang waiter. "Gusto mo ng tapsilog?"
Tumango ito. "Samahan mo ng kape." Naupo ito sa silyang katapat ng inuupuan niya. "Kumusta ang paa mo?"
"Okay na. Wala na akong nararamdamang sakit. Humupa na rin ang pamamaga."
"That's good. May baon akong damit sa sasakyan," anito.
"For what?"
"Pang-swimming. Naisip ko kasi, nandito na rin lang tayo sa resort, baka biglang mabago ang plano at magkayayaan tayong lumangoy."
"Ikaw lang. I told you, hindi ako marunong lumangoy."
"At sinabi ko rin sa iyo na tuturuan kita."
"At sinabi ko rin na hopeless case ako," natatawang sabi ni Elisa.
"Malay natin. Baka ako pala ang makakapagturo sa iyo na lumangoy."
"Talagang nacha-challenge kang maturuan akong lumangoy, 'no?" tanong niya at tumitig sa binata. Ang presko nitong tingnan. Maaliwalas ang bukas ng mukha nito, bagong ahit din. Naaamoy pa niya ang bango ng aftershave lotion na ginamit nito.
"Alam mo, kung willing kang matuto, hindi imposibleng matuto ka," anito.
"Ibig sabihin, iibahin natin ang plano?"
"Kung puwede, bakit hindi? We have all the time in the world. Pareho tayong hindi naghahabol ng oras."
Luminga si Elisa sa paligid. "Kaya lang, sobrang init. Ayokong masunog ang balat ko."
"Mayroon akong alam na beach na hindi masyadong exposed sa araw. Kung gusto mo, doon tayo."
"Dito rin sa Claveria?"
"Nope. Sa Pagudpud. Okay lang sa iyo na mag-out of town?"
Pagudpud. Iyon ang unang naisip niyang pagbakasyunan.
"Hindi na tayo papasyal sa villa?"
"Anytime, welcome ka sa villa. Kung gusto mo, mamaya, pagkagaling natin sa Pagudpud, tumuloy na tayo sa villa. Wala ka namang ginagawa rito sa resort. Nagbabayad ka pa araw-araw. Bakit hindi ka na lang sumama sa akin? Free of charge at libre pa ang tour guide," alok nito.
Hindi agad nakasagot si Elisa. Parang hindi sapat ang sagot na "nakakahiya." Isa pa, hindi rin yata magandang tingnan na basta na lang niya susunggaban ang alok nito. Pero kung tatanggapin niya iyon ay magkakaroon uli siya ng pagkakataon na tuklasin ang tungkol sa baul ng kayamanan.
Pinagalitan niya ang sarili sa isiping iyon. Sinabi na niya sa sarili na hindi na siya interesado sa nakatagong kayamanan.
Hindi ka ba nanghihinayang sa pagkakataon? Baka hindi pa natutuklasan ni Art ang tungkol doon. Kung ikaw ang makakakita, ang suwerte mo, anang materialistic na bahagi ng kanyang utak.
"Mukhang nag-iisip ka pa ng isasagot," amused na sabi ni Art. "Habang nag-iisip ka, kakain na ako, Tara, kain ka uli."
Ngumiti lang siya bilang sagot.
Mabilis itong natapos sa pagkain.
"Puwede naman sigurong mamaya na mag-decide kung sa villa ko itutuloy ang bakasyon ko. Ang naisip ko ngayon, 'yong sinasabi mong beach sa Pagudpud. Parang gusto kong puntahan iyon. Sandali at ihahanda ko ang dadalhin kong damit," aniya nang makitang ang kape na lang ang inuubos nito.
"Take your time," sabi nito.
--- i t u t u l o y ---
If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
BINABASA MO ANG
Class Picture Series 5 - Finding Treasure... Finding Love
RomanceKasabay ng pagbabakasyon ni Elisa, sinubukan din niyang puntahan ang lugar na ayon sa journal ng kanyang lolo ay may nakatagong kayamanan. At sa lugar na iyon, nakilala niya si Art, ang tumulong nang bigla siyang mawalan ng malay sa daan. Dinala siy...