DOON natapos ang nakasulat sa journal. Ayon sa daddy ni Elisa, aksidente ang ikinamatay ng kanyang Lolo Bernardo. Hindi niya alam kung saan patungo ito nang mangyari iyon.
Isa lang ang malinaw sa kanya: hindi nakabalik sa Sta. Praxedes ang kanyang abuelo.
"Alas-onse na!" Parang nagulat pa siya nang makita ang oras. Mabilis siyang tumayo, inisip kung may dumating na kayang jeep na bibiyahe pabalik sa Magno.
Binilisan niya ang mga hakbang pabalik. Mas may kinabukasan na ngayon ang naiisip niya. Nagpasya siyang bumalik na lang sa San Luis kapag mas may linaw na ang pupuntahan niya. Hindi baleng mag-arkila siya ng sasakyan papunta roon. Sa ngayon ay mas desidido siyang bumalik na lang sa Claveria.
Halos tumakbo si Elisa pabalik sa barangay hall. Pagdating niya sa pakurbang daan ay nakarinig siya ng ugong ng sasakyan. Tumakbo siya nang mabilis, ikinaway ang mga kamay nang makitang nakabuwelta na ang jeepney.
"Para!" sigaw niya.
Pero malayung-malayo ang distansiya niya sa jeepney. Parang pinakain lang siya niyon ng alikabok. Nanlulumong huminto siya. Hingal-kabayo pa siya dahil sa ginawang pagtakbo pero mas mabigat ang pakiramdam niya sa pag-aalalang baka wala na siyang masakyan pabalik sa Magno.
Naghanap siya ng mauupuan para ipahinga ang nangangatog na mga tuhod. Medyo kinakabahan na rin siya at nagugutom.
Pansamantala niyang inalis sa isip ang paghahanap sa Villa Samaniego. Ang gusto niya ngayon ay makabalik sa Claveria. Kailangan pa niya ng higit na paghahanda sa paghahanap sa Villa Samaniego. Sa ngayon, katawa-tawa mang aminin ay para siyang isang sundalo na sumugod sa giyera nang walang dalang baril at bala.
Hinimas-himas ni Elisa ang mga binti. Magpapahinga lang siya nang kaunti at babalik na sa barangay hall. Umaasa siyang pagdating doon ay mayroon na siyang mapagtatanungan. At sana ay mayroon din siyang maarkilang masasakyan na puwedeng maghatid sa kanya sa Magno kapag nagkataong wala nang biyahe ng jeep.
Nang sa palagay ni Elisa ay kaya na niya ay muli siyang tumayo at naglakad. Binilisan niya ang mga hakbang. Pero iyon yata ang malaking pagkakamali niya. Dahil nagkabuhol ang kanyang mga paa at natapilok siya.
"Aray!"
Naramdaman niya ang parang pagkaipit ng ugat sa bandang ibaba ng kanyang sakong. Wala siyang choice kundi ang tumigil. Napangiwi siya pagkatapos hawakan ang parteng sa palagay niya ay naipitan ng ugat.
"Minamalas ba ako o naeengkanto?" bulong ni Elisa. Umiikang naghanap siya ng mapagpapahingahan. Sinubukan niyang maglakad kahit paika pero matindi ang atake ng sakit. Naisip niyang mas dapat na ipahinga muna niya iyon, tutal naman ay natatanaw na niya ang barangay hall kahit malayo pa iyon. Malamang ay matanaw na rin siya ng driver kung may darating na jeep. Kakawayan na lang niya iyon para maisakay siya.
Lumampas ang alas-dose. Dumaan ang ala-una at alas-dos pero nananatiling nakaupo si Elisa roon. Napaiyak na siya at tumahan pero naroroon pa rin siya. Lumipas na rin ang kanyang gutom. Sinaklot ng takot ang kanyang dibdib at nagtapang-tapangan na siya pero hindi pa rin siya makaalis. Namamaga na rin ang paa niyang natapilok kaya lalo siyang hindi makalakad.
"Huwag naman sana akong abutin ng gabi rito," bulong niya.
Miserableng-miserable na ang pakiramdam ni Elisa. Ayaw niyang mawalan ng pag-asa na wala na siyang masasakyan pero iyon mismo ang kanyang nararamdaman. At ni hindi niya maisip kung ano ang mangyayari sa kanya sa lugar na iyon kapag naggabi.
Ayon sa kanyang relo ay alas-kuwatro na. Muling sinakmal ng takot ang dibdib niya. Sa nakalipas na mga oras, ni bisikleta ay wala siyang nakitang dumaan sa kalsadang iyon. Kung hindi sana siya natapilok, kahit matagal ay malamang na nakarating na siya sa Magno sa halos limang oras na lumipas.
Unti-unti na ring lumalatag ang dilim. Malalago ang mga puno sa paligid kaya natatakpan ng makakapal na mga sanga at dahon ang pagbaba ng araw. Sa ayaw man niya at gusto ay kakagat ang dilim. Mabuti sana kung mananatili siyang nakaupo lang doon kahit abutin ng susunod na umaga. Pero paano kung may mga gumagalang hayop kapag gabi?
Kulang na lang ay manghaba ang mga tainga ni Elisa nang may marinig siyang ugong ng sasakyan. Kahit masakit ang paa ay pinilit niyang tumayo. Nang matanaw niya ang paparating na sasakyan ay pinara niya iyon kahit alam niyang private vehicle iyon.
Huminto sa tapat niya ang isang bagung-bagong pickup. Tinalasan niya ang mga mata at agad na binasa ang plate number niyon. Sa Maynila ang rehistro ng serye ng plaka na iyon.
"'Need any help, Miss?" tanong ng driver na nagbaba ng bintana sa gawi niya.
Napanganga si Elisa nang makita ito. "Miguel?!" bulalas niya. Sa pinagsama-samang relief, lumipas na gutom, at pagkabuhay ng pag-asa ay naramdaman niyang nanlambot ang mga tuhod niya.
--- i t u t u l o y ---
If you want to buy this book, available ito sa Shopee shop : MicaMixOnlineDeals
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
BINABASA MO ANG
Class Picture Series 5 - Finding Treasure... Finding Love
RomanceKasabay ng pagbabakasyon ni Elisa, sinubukan din niyang puntahan ang lugar na ayon sa journal ng kanyang lolo ay may nakatagong kayamanan. At sa lugar na iyon, nakilala niya si Art, ang tumulong nang bigla siyang mawalan ng malay sa daan. Dinala siy...