"MAGBABAGONG taon pa lang, mukhang nasabugan na ng plapla ang kamay mo. Bakit ba?" usisa ni Baby kay Elisa. Nasa kusina sila at tumutulong sa kanilang ina sa paghahanda ng pagkain. Iyon talaga ang papel nilang magkapatid kapag bisperas ng Bagong Taon, tagahimay sila o tagabalat ng mga ingredients sa ihahandang putahe ng kanilang ina."OA mo," ani Elisa sa kapatid.
"Eh, wala kang kibo. Daig mo pa ang pasan ang mundo. Hindi ka ba nag-enjoy sa bakasyon mo?"
"Pagod lang ako. 'Sabi ko nga, malayo ang Claveria. Maghapon din akong nagbiyahe."
"Eh, noong isang araw ka pa dumating. Huwag mong sabihing hindi ka pa nakakabawi sa pagod? Kahapon, maghapon ka lang na nakahiga."
"Sa pagod nga ako. Ang kulit mo," napipikon nang sabi ni Elisa.
"Tumigil nga kayong dalawa. Kanina pa kayo nagbabangayan," saway ng kanilang ina. "Ikaw, Baby, sumaglit ka sa palengke. Nakalimutan kong bumili ng pickles. 'Yong kinikilo ang bilhin mo. One-fourth lang."
"Mommy, ang dami-daming tao sa palengke!" reklamo ni Baby.
"Natural, magbabagong taon. Sige na, sa bungad lang may mabibili ka na. Kapag hindi ka bumili, hindi sasarap itong sarsa ng hamon."
Palibhasa paborito ni Baby ang homemade ham ng mommy nila, napilitan na rin itong sumunod.
Mayamaya ay lumapit sa kanya ang daddy niya. "Anak, hindi mo man lang ako binabalitaan tungkol sa naging lakad mo. Pumasyal ka ba sa Sta. Praxedes?"
Tumango si Elisa. "Nakita ko ang villa, Dad. Pero hindi ko na hinanap ang sinasabi ro'n sa journal. May nakatira sa villa. Apo mismo ni Señor Arturo."
Tumango ito. "Hindi ka naman nahirapan sa pagpunta roon? Medyo na-guilty rin ako dahil buong bakasyon mo ay hindi mo naalalang mag-text man lang. Nag-alala ako na baka napahamak ka na roon."
"Hindi naman, Dad. Wala lang signal doon ang cell phone kaya hindi ako naka-text."
Ngumiti ito. "Masaya akong narito ka na. Iba pa rin kung sama-sama ang buong pamilya kapag bagong taon."
"S-siyempre naman, Dad," sagot niya.
Pero sa tingin ni Elisa, ang darating na bagong taon ang pinakamalungkot para sa kanya. Nami-miss niya si Art. At iniisip din niya kung ano ang naging reaksiyon nito nang malamang umalis siya.
Kung mayroon man siyang hiling para sarili sa bagong taon, iyon ay ang mahalin sana siya ni Art. Hindi naman siguro masamang humiling.
Sumapit ang gabi. Habang lumalapit ang pagpatak ng alas-dose ay lalong nagiging maingay ang paligid.
Masaya ang ambience sa bahay nila kaya naman pinilit na rin niya ang sarili na maging masaya. Kung may lungkot man siyang nararamdaman ay sasarilinin na lang niya.
Maliwanag na ang buong kalsada. Inilabas na ng mga kapitbahay nila ang mga fountain at paputok na inihanda ng mga ito. Gaya ng nakagawian ay lumabas din sila at nakinood sa pailaw ng mga kapitbahay. Naroon sila sa may gate hanggang sumapit ang alas-dose.
Nang matapos ang putukan ay nakipagbatian sila ng "Happy New Year" sa mga kapitbahay, pagkatapos ay nagyaya na ang mommy nila na pumasok sa bahay para pagsaluhan ang pagkaing inihanda nito.
Sa buong panahong iyon ay sinikap maging masigla ni Elisa. Walang dapat na makahalata na nagdurugo ang kanyang puso. Pero nang makakain ay hindi na rin siya nakatiis, nagpaalam na siya na magpapahinga na.
"Bukas na lang ako tutulong magligpit, Mommy. Inaantok na ako, eh," pagdadahilan niya.
"Sige, magpahinga ka na. Kayang-kaya ko na ito," sagot naman ng mommy niya na ipinagpasalamat niyang hindi napansin ang pagiging matamlay niya.
BINABASA MO ANG
Class Picture Series 5 - Finding Treasure... Finding Love
RomanceKasabay ng pagbabakasyon ni Elisa, sinubukan din niyang puntahan ang lugar na ayon sa journal ng kanyang lolo ay may nakatagong kayamanan. At sa lugar na iyon, nakilala niya si Art, ang tumulong nang bigla siyang mawalan ng malay sa daan. Dinala siy...