ANG KALUPI ni Benjamin Pascual
____________________________________
Mataaas na ang araw nang lumabas si Aling Marta sa bakuran ng kanilang maliit na barung-barong. Aliwalas ang kanyang mukha: sa kanyang lubog na mga mata na bahagyang pinagdilim ng kanyang malalagong kilay ay nakakintal ang kagandahan ng kaaya-ayang umaga. At sa kanyang maninipis na labi, na bahagyang pasok sa pagkakalapat at maputla, ay naglalaro ang isang ngiti ng kasiyahan. Araw ng pagtatapos ng kanyang anak na dalaga; sa gabing iyon at tatanggapin nito ang diploma bilang katunayang natapos niya ang apat na taong inilagi sa mataas na paaralan. Ang sandaling pinakahihintay niya sa mahaba-haba rin namang panahon ng pagpapaaral ay dumating na: ang magkaroon ng isang anak na nagtapos sa high school ay hindi na isang maliit na gaya niya. Sa mapangarapin niyang diwa ay para niyang nakikita ang kanyang anak na dalaga sa isang kasuutang puting-puti, kipkip ang ilang libro at nakangiti patungo sa lalo pang mataas na hangarin sa buhay, ang makatapos sa kolehiyo, magpaunlad ng kabuhayan at sumagana.
Maaaring balang araw ay magkaroon din siya ng mamaniganging may sinasabi rin naman. Nasa daan na siya, para pa niyang naririnig ang matinis na halakhak ng kanyang anak na dalaga habang paikut-ikot nitong isinusukat sa harap ng salamin ang nabuburdahang puting damit na isusuot sa kinagabihan. Napangiti siyang muli.
Mamimili si Aling Marta. Bitbit ng isang kamay ang isang pangnang sisidlan ng kanyang pamimilhing uulamin. Habang daan, samantalang patungo sa pamilihang-bayan ng Tondo, ay mataman niyang iniisip ang mga bagay na kanyang pamimilhin. Hindi pangkaraniwang araw ito at kinakailangang magkaroon silang mag-anak ng hindi pangkaraniwang pananghalian. Bibili rin siya ng garbansos. Gusting-gusto ng kanyang magtatapos na anak ang minatamis na garbansos.
Mag-iikasiyam na nang dumating siya sa pamilihan. Sa labas pa lamang ay naririnig na ang di-makamayaw na ingay na nagbubuhat sa loob, ang ingay ng mga magbabangos na pakanta pang isinisigaw ang halaga ng kanilang paninda, ang salit-salitang tawaran ng mga mamimili. Linggo ng umaga at ang palengke ay siksikan. Sa harapan niya piniling magdaan. Ang lugal ng magmamanok ay nasa dulo ng pamilihan at sa panggitnang lagusan siya daraan upang magdaan tuloy sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng mantika. Nang dumating siya sa panggitnang pasilyo at umakmang hahakbang na papasok ay siyang paglabas ng humahangos na isang batang lalaki, na sa kanilang pagbabangga ay muntik na niyang ikabuwal. Ang siko ng bata at tumama sa kanyang kaliwang dibdib.
“Ano ka ba?” bulyaw ni Aling Marta. “Kay sikip na ng daraanan ay patakbo ka pa kung lumabas!”
“Pasensiya na kayo, Ale,” sabi ng bata. Hawak nito ang isang maliit na bangos na tig-bebente, sa loob-loob ni Aling Marta. Ang bata ay takot na nakatingin sa kanya. “Hindi ko ho kayo sinasadya. Nagmamadali ho ako, e.”
“Pasensya!” sabi ni Aling Marta. “Kung lahat ng kawalang-ingat mo’y pagpapasensyahan nang pagpapasensyahan ay makakapatay ka ng tao.”
Agad siyang tumalikod at tuluy-tuloy na pumasok. Paano’t paanuman, naisip niya, ako ang huling nakapangusap. Higit kong daramdamin kung ako na itong nagawan ng di mabuti ay sa kanya pa manggagaling ang huling salita. Mataman niyang inisip kung may iba pang nakakita sa nangyari. Marahas ang kanyang pagkakapagsalita sa bata at maaaring may kakilala siyang nagdaraan na nakarinig ng kanyang mga sinabi. Dumating siya sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng isang kartong mantika.
“Tumataba yata kayo, Aling Godyang,” ang bati niya sa may kagulangan nang tindera na siya niyang nakaugaliang bilhan. Nakangiti siya at ang babae ay ngumiti rin.
“Tila nga ho,” ani Aling Godyang. “Tila ho nahihiyang ako sa pagtitinda.”
Natawa si Aling Marta at pagkaraan ay dumukot sa bulsa ng kanyang bestido upang magbayad.
“Bakit ho?” anito.
“A, e, nawawala ho ang aking pitaka,” wala sa loob na sagot ni Aling Marta.
To be continued.,
BINABASA MO ANG
EMOTIONS
Randomcompilation of short stories that i like.. You can use this in educational purposes like book reports or You can just read this as past time and inspiration. Enjoy Reading and gain some learnings from this stories. >>mimae08<<