ANG KALUPI (part3)

141 1 0
                                    

"Natitiyak ho ba ninyong talaga na siya ang dumukot ng inyong pitaka?" tanong ng pulis kay Aling Marta.

"Siya ho at wala nang iba," sagot ni Aling Marta.

"Saan mo dinala ang dinukot mo sa aling ito?" mabalasik na tanong ng pulis sa bata. "Magsabi ka ng totoo, kung di ay dadalhin kita."

"Wala ho akong dinukot na maski ano sa kanya," sisiguk-sigok na sagot ng bata.

"Maski kapkapan!" sabad ni Aling Marta. "Ano pa ang kakapkapin namin sa iyo kung ang pitaka ko, e naipasa mo na sa kapwa mo mandurukot! O, ano, hindi ba ganoon kayong mga tekas kung lumakad, isa-isa, dala-dalawa, tatlu-tatlo! Ku, ang mabuti ho yata, Mamang Pulis, e ituloy na natin iyan sa kuwartel. Baka roon matutong matakot iyan at magsabi ng totoo."

Tumindig ang pulis. "Hindi natin kara-karaka madadala ito nang walang evidencia. Kinakailangang kahit paano'y magkaroon tayo ng maihaharap na katibayang siya nga ang dumukot ng inyong kuwarta. Papaano ho kung hindi siya?"

"E, ano pang evidencia ang hinahanap mo?" sabi ni Aling Marta na nakalimutan ang pamumupo. "Sinabi ko nang binangga ako nang pasadya, na naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking bulsa. Ano pa?"

Sa bata nakatingin ang pulis na wari'y nag-iisip ng dapat gawin. Maya-maya, muling naupo at dumukot ng isang lapis at isang maliit na kuwaderno sa kanyang bulsa.

"Ano ang pangalan mo?" ang tanong niya sa bata.

"Andres Reyes po."

"Saan ka nakatira?" ang muling tanong ng pulis.

Lumingon ang bata sa kanyang paligid, inisa-isa ang mga mukhang nakatunghay sa kanya. "Wala ho kaming bahay," ang sagot. "Ang tatay ko ho, e may sakit at kami ho, kung minsan, ay sa bahay ng Tiyang Ines ko nakatira, sa Blumentritt. Kung minsan naman ho, e sa mga lola ko sa Quiapo at kung minsan, e sa bahay ng kapatid ng nanay ko rito sa Tondo. Inutusan nga lang ho niya 'kong bumili ng ulam, para mamayang tanghali."

"Samakatwid ay dito kayong mag-ama nakatira ngayon sa Tondo?" ang tanong ng pulis.

"Oho," ang sagot ng bata, "pero hindi ko nga lang ho alam ang kalye at numero ng bahay dahil sa noong makalawa lang kami lumipat at saka hindi ho ako marunong bumasa, e."

Ang walang-kawawaang tanong at sagot na naririnig ni Aling Marta ay nakabagot sa kanyang pandinig; sa palagay ba niya ay para silang walang mararating. Lumalaon ay dumarami ang tao sa paligid at ang pulis na umuusig ay tila siyang-siya sa kanyang pagtatanong at pagsusulat sa kuwaderno. Nakaramdam siya ng pagkainis.

"Ang mabuti ho yata, e dalhin na natin iyan kung dadalhin," sabi niya. "Pinagkakaguluhan lamang tayo ng mga tao rito ay wala namang nangyayari. Kung hindi naman ninyo kaya ay sabihin ninyo at tatawag ako ng ibang pulis."

"Hirap sa inyo ay sabad kayo nang sabad, e," sabi ng pulis. "Buweno, kung gusto n'yong dalhin ngayon din ang batang ito, pati kayo ay sumama sa akin sa kuwartel. Doon n'yo sabihin ang gusto n'yong sabihin at doon n'yo gawin ang gusto n'yong gawin."

Inakbayan nito ang bata at inilakad patungo sa outpost, kasunod ang hindi umiimik na si Aling Marta at ang isang hugos na tao na ang ilan ay ngingti-ngiti habang silang tatlo ay minamasdan. Sa harap ng outpost ay huminto ang pulis.

"Maghintay kayo rito sandal at tatawag ako sa kuwartel para pahalili," sabi sa kanya at pumasok.

Naiwan siya sa harap ng bata, na ngayon ay tila maamong kordero sa pagkakatungo, sisiguk-sigok, nilalaro ng mga payat na daliri ang ulo ng tangang bangos. Luminga-linga siya. Tanghali na; iilan-ilan na lamang ang nakikita niyang pumapasok sa palengke. Inisip niya kung ilang oras pa ang kinakailangan niyang paghintay bago siya makauwi: dalawa, tatlo o maaaring sa hapon na. Naalaala niya ang kanyang anak na dalagang magtatapos, ang kanyang asawa na kaipala ay naiinip na sa paghihintay; at para niyang naririnig ang sasabihin nito kung siya'y uuwi na walang dalang anuman, walang dala at walang pera. Nagsiklab ang poot sa kanya na kangina pa nagpupuyos sa kanyang dibdib; may kung anong sumulak sa kanyang ulo; mandi'y gagahanip ang tingin niya sa batang kaharap. Hinawakan niya ito sa isang bisig at sa pagdidilim ng kanyang paningin ay pabalingat niyang pinipilit sa likod.

EMOTIONSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon