Sa wakas, nang mahimbing nang natutulog ang lalaki patiyad na naglakad si Psyche patungo sa pinaglagyan niya ng punyal at lampara. Kinuha niya ang mga ito.
Sinindihan niya ang lampara. Dahan-dahan siyang lumapit sa kaniyang asawa. Laking ginhawa at kaligayahan ang nag-uumapaw sa kaniyang puso nang masilayan niya sa unang pagkakataon ang hitsura ng kaniyang asawa. Hindi halimaw ang kaniyang nakita kundi pinakaguwapong nilalang sa mundo. Nang madapuan ng liwanag ang kagandahan ng lalaki ay tila ba mas lalong tumingkad ang liwanag ng lampara. Sa labis na kahihiyan at kawalan ng pagtitiwala, lumuhod siya at binalak na saksakin ang sarili. Nang akma na niyang itatarak ang punyal sa kaniyang dibdib, nanginig ang kaniyang kamay, at nahulog ang punyal. Ang panginginig ng kaniyang kamay ay kapwa nagligtas at nagtaksil sa kaniya.
Sa pagnanais niyang pagmasdan pa ang kaguwapuhan ng kaniyang asawa, inilapit niya ang lampara at natuluan ng mainit na langis ang balikat nito.
Nagising ang lalaki at natuklasan ang kaniyang pagtataksil. Lumisan ang lalaki nang hindi nagsasalita. Sinundan ni Psyche ang asawa subalit paglabas niya, hindi na niya nakita ang lalaki.
Narinig na lamang niya ang tinig ng asawa. Ipinaliwanag nito kung sino siyang talaga. " Hindi mabubuhay ang pag-ibig kung walang tiwala," wika niya bago tuluyang lumipad papalayo.
"Si Cupid, ang diyos ng pag-ibig!" ang naisip ni Psyche. " Siya ang asawa ko.
Ako na isang hamak lamang ay hindi tumupad sa aking pangako sa kaniya.
Mawawala na nga ba siya sa akin nang tuluyan?" wika niya sa kaniyang sarili.
Inipon niya ang lahat ng nalalabi niyang lakas at nagwikang "Ibubuhos ko ang bawat patak ng aking buhay upang hanapin siya. Kung wala na siyang natitirang pagmamahal sa akin, maipakikita ko sa kaniya kung gaano ko siya kamahal." At sinimulan ni Psyche ang kaniyang paglalakbay. Sa kabilang banda, umuwi si Cupid sa kaniyang ina upang pagalingin ang kaniyang sugat. Isinalaysay niya sa kaniyang ina ang nangyari.
Nagpupuyos sa galit si Venus at lalong sumidhi ang pagseselos niya kay Psyche. Iniwan niya si Cupid nang hindi man lang tinulungang gamutin ang sugat nito. Determinado si Venus na ipakita kay Psyche kung paano magalit ang isang diyosa kapag hindi nasiyahan sa isang mortal. Patuloy na naglakbay si Psyche at pinipilit na makuha ang panig ng mga diyos. Siya ay palagiang nag-aalay ng marubdob na panalangin sa mga diyos subalit wala sa kanila ang nais maging kaaway si Venus. Nararamdaman ni Psyche na wala siyang pag-asa sa lupa o sa langit man. Kaya minabuti niyang magtungo sa kaharian ni Venus at ialay ang kaniyang sarili na maging isang alipin. Sa ganitong paraan ay umaasa siyang lalambot din ang puso ni Venus at huhupa rin ang kaniyang galit. Nagbabakasakali rin siyang naroon sa kaniyang ina si Cupid.
Sinimulan na niya ang paglalakbay.
Nang dumating si Psyche sa palasyo ni Venus, humalakhak nang malakas ang diyosa. Pakutya niyang tinanong si Psyche, "Nagpunta ka ba rito upang maghanap ng mapapangasawa? Tiyak kong ang dati mong asawa ay wala nang pakialam sa iyo, sapagkat muntik na siyang mamatay dahil sa natamong sugat mula sa kumukulong langis na dulot mo. Isa kang kasumpa-sumpang nilalang. Kailanman ay hindi ka magkakaroon ng asawa kung hindi ka daraan sa butas ng karayom." Sinabi ng diyosa na tutulungan niya si Psyche sa pagsasanay. Ibinuhos niya sa harap ni Psyche ang isang malaking lalagyan na puno ng iba't ibang uri ng maliliit na butong pinaghalo-halo niya. Inutusan niya si Pysche na bago dumilim dapat ay napagsama-sama na niya ang magkakauring buto. Agad lumisan ang diyosa.
To be continued
BINABASA MO ANG
EMOTIONS
Randomcompilation of short stories that i like.. You can use this in educational purposes like book reports or You can just read this as past time and inspiration. Enjoy Reading and gain some learnings from this stories. >>mimae08<<