ANG KALUPI (part2)

29 1 0
                                    

"Ku, e, magkano naman ang laman?" ang tanong nga babae.

Ang tanda niyang laman ng kanyang kalupi ay pitumpong piso na siyang bigay na sahod ng kanyang asawa nang sinundang gabi, Sabado. Ngunit aywan ba niya kung bakit sa di pa ma'y nakikiramay nang tono ng nagtatanong ay nakapagpalaki ng kanyang loob upang sabihin, "E, sandaan at sampung piso ho."

Nanatili siya sa pagkakatayo nang ilang saglit, wari'y tinakasan ng lakas, nag-iisip ng mga nakaraang pangyayari. Mayamaya ay parang kidlat na gumuhit sa kanyang alaala ang gusgusing batang kanyang nakabangga. Tumama ang siko nito sa kanyang dibdib, sa kanyang katawan! Dali-dali siyang tumalikod at patakbong lumabas. Hindi pa marahil iyon nakakalayo; may ilang sandali pa lamang ang nakararaan. Inisip niya kung ano ang kasuutan nito na maaari niyang pagkakilanlan, ang tabas ng mukha, ang gupit, ang tindig. Sa labas, sa harap ng palengke na kinaroroonan ng ilang tindahang maliliit at mangilan-ngilang namimili at mga batang panakaw na nagtitinda ng gulay, ay nagpalinga-linga siya. Patakbo uli siyang lumakad, sa harap ng mga bilao ng gulay na halos mayapakan na niya sa pagmamadali, at sa gawing dulo ng pusisyon, na di-kalayuan sa natatanaw niyang karatig na outpost ng mga pulis, ay nakita niya ang kanyang hinahanap. Nakatayo ito sa harap ng isang bilao ng kangkong at sa malas niya ay tumatawad. Hindi siya maaaring magkamali; ang wakwak na kamiseta nito at ang mahabang pantalon na wari'y salawal ding ginagamit ng kanyang ama ay sapat nang palatandaan upang ito ay madaling makilala. At ang hawak nitong bangos na tig-bebeinte.

Maliksi siyang lumapit at binatak ang bata sa liig.

"Nakita rin kita!" ang sabi niyang humihingal. "Ikaw ang dumukot ng pitaka ko, ano? Huwag kang magkakaila!"

Tiyakan ang kanyang pagkakapagsalita; ibig niyang sa pagkalito ng bata sa pag-aapuhap ng isasagot ay masukol niyang buung-buo. Ngunit ang bata ay mahinahong sumagot:

"Ano hong pitaka?" ang sabi. "Wala ho akong kinukuha sa inyong pitaka."

"Anong wala!" pasinghal na sabi ni Aling Marta. "Ikaw nga ang dumukot ng pitaka ko at wala nang iba. Kunwa pa'y binangga mo 'ko, ano, ha? Magaling, magaling ang sistema ninyong iyan. Kikita nga kayo rito sa palengke!"

Marami nang nakapaligid sa kanila, mga batang nagtitinda, lalaki at babaing mamimili. Hinigpitan ni Aling Marta ang pagkakahawk sa liig ng bata at ito'y pilit na iniharap sa kababaihan.

"Aba, kangina ba namang pumapasok ako sa palengke, e banggain ako," sabi niya. "Nang magbabayad ako ng pinamili ko't kapain ko ang bulsa ko, e wala nang laman!"

"Ang mabuti ho'y ipapulis ninyo," sabing nakalabi ng isang babaing nakikinig. "Talagang dito ho sa palengke'y maraming naglipanang batang gaya niyan."

"Tena," sabi ni Aling Marta sa bata. "Sumama ka sa akin."

"Bakit ho, saan ninyo 'ko dadalhin?"

"Saan sa akala mo?" sabi ni Aling Marta na pinisil ang liig ng bata. "Ibibigay kita sa pulis. Ipabibilanggo kita kapag di mo inilabas ang dinukot mo sa akin."

Pilit na nagwawala ang bata; ipinamulsa niya ang hawak na bangos upang dalawang-kamayin ang pag-aalis sa mabutong daliri ni Aling Marta na tila kawad sa pagkakasakal sa kanyang liig. May luha nang nakapamintana sa kanyang mga mata at ang uhog at laway ay sabay na umaagos sa kanyang liig. Buhat sa likuran ng mga nanonood ay lumapit an isang pulis, na tanod sa mga pagkakataong tulad niyon, at nang ito ay malapit ay sinimulan ni Aling Marta ang pagsusumbong.

"Naseguro ko hong siya dahil sa nang ako'y kanyang banggain, e naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking bulsa," patapos niyang pagsusumbong. "Hindi ko lang ho naino kaagad pagka't akoy nagmamadali."

Tiningnang matagal ng pulis ang bata, ang maruming saplot at ang nagmamapa-sa-duming katawan, pagkatapos ay patiyad na naupo sa harap nito at sinimulang mangapkap. Sa bulsa ng bata, na sa pagdating ng pulis ay tuluyan nang umiiyak, ay lumabas ang isang maruming panyolito, basa ng uhog at tadtad ng sulsi, diyes sentimos na papel at ang tig-bebeinteng bangos.

To be continued.,

EMOTIONSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon