Kabanata 4 : Anghel Ria

32 7 0
                                    

Naiwang nakatingin si Paul sa kalangitan na para bang naghihintay ng himala at awa galing sa Diyos ngunit wala talaga ni isang senyales ng pagkahabag sa sitwasyon niya. Minabuti na lang ni Paul na sundin ang sinabi ng anghel na si Feliz. Lumakad na siya papunta sa itinurong edipisyo, hindi naman ito kalayuan kung kaya't madali lang din siyang nakarating.

Tumigil si Paul sa harap ng bakod nito at tiningnan niya ang paligid. Walang masyadong tao sa daan at ang nakita lang niya ay isang pusang pagala gala at isang sasakyan na nakaparada sa harap ng isang bahay sa malapit. Binalik ni Paul ang tingin sa harapan at sa pagkakataong iyon ay nakita niyang bumukas ang isang pinto. Isang babae ang lumabas. Nakapusod ang buhok, may katangkaran, at kahit medyo maedad na ang kaniyang itsura ay maganda pa din ang postura nito. Elegante din ito maglakad.

"Ikaw ba si Paul?" Tanong nito pagkalapit.

"Ako nga po." Tugon ng isa.

Binuksan ng babae ang tarangkahan at pinatuloy si Paul. Lumakad ito pabalik sa kung saan galing na pinto matapos isarang muli ang tarangkahan na siya naman sinundan ni Paul sa paglakad.

"Tuloy ka." Sabi nito kay Paul pagtapat nila sa pinto kung saan lumabas ang babae kanina. Dito lang din napansin ni Paul ang malalim at kalmadong boses nang babae.

Pumasok si Paul kasunod ng maedad na babae at nagulat siya sa laki ng lugar dahil sa labas ay tila maliit lamang ito pero ngayon na nasa harapan na niya ang katotohanan, hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakikita.

Isang malaking tanggapan ng mga bisita ang unang sumalubong sa kaniya at ang mga ilaw na nakasabit ay para bang kumikinang sa liwanag. Napansin din niya ang mga bintana na sa pagkakaalala niya ay wala naman siyang nakitang ganoon kadami nito sa labas dahil halos nakadikit na ito sa katabing bahay.

Lumapit siya sa isang bintana para na rin sana lumanghap ng hangin at pagkasilip niya ay namangha siya sa kaniyang nakita. Isang malawak na hardin ang natanaw niya at mayroon doon na iba't ibang klase ng bulaklak at puno. May mga pailan ilan ding ibon ang lumilipad lipad. Pinagmasdan ito maigi ni Paul habang nagtataka kung papaano nagkarooon nang ganito kalaking lugar sa isang napakaliit na lupain.

"Paul."

Napaharap pabalik sa loob bigla sa gulat si Paul at saka niya naalala na nandoon nga pala ang babaeng nagpatuloy sa kaniya. Lumayo si Paul mula sa bintana at bumalik sa malapit sa pintuan.

"Po? Ano po iyon?" Pagulat niyang sabi.

"Galing sa anong departamento?"

"Departamento po ng mga Tagapana."

"Ah." Maiksing sagot ng babae.

Kinuha nito ang isang papel na nakaipit sa isang libro na nasa ibabaw ng mesa. Madahan niya itong binuksan na para bang ayaw niya itong magusot kahit kaunti.

"Nakasaad dito sa sulat na ito galing sa aming departamento na ikaw ang anghel na bagong salta dito sa lupa dahil sa naparusahan ka na magkatawang tao sa dahilan na pagsuway sa utos ng Diyos..."

Tumingin muli ito kay Paul sabay iniling ang ulo. Tinupi niyang muli ang papel na kaniyang hawak at ibinalik ito sa pagitan ng isang libro at matapos nito ay lumakad siya papunta sa likod ng mesa sabay kinuha ang isang blangkong papel at itim na panulat.

"Para madali tayong matapos dito, uumpisahan ko na ang pagbibigay ng instruksyon..."

Lumapit ng mabilis si Paul para makinig sa babae.

"Ang iyong misyon ay may kalakip na dalawang bagay, una, kinakailangan mong ibalik ang paniniwala muli sa Diyos ni Cally Mendoza, na nakatira sa No.7, Amor Street, Narra Subdivision, Manila City..." Nakatingin ang babae sa papel habang sinasabi ito at sinusulat.

"A-ano po?" Singit ni Paul.

"Ikalawa...-" Patuloy ng babae at di pinansin si Paul. "Kinakailangan niyang makatuluyan si Luigi Lastimosa na nakatira naman sa No. 24, Gold Street, Narra Subdivision, Manila City."

"Ah. Nasa iisang lugar lang po sila?" Tanong muli ni Paul.

Hindi pa rin siya pinansin ng babae at nagpatuloy lang ito sa pagsusulat.

"Hindi ko na papahirapin pa ang pagpapaliwanag at didiretsuhin na kita. Si Cally Mendoza, hindi na siya naniniwala sa Diyos, nawala na ang paniniwala niya simula noong inabandona sila ng mga magulang nila at iniwan sa kanilang tiyahin na hindi rin naman naging mabuti sa kanila. Si Luigi Lastimosa naman ay lumaki sa napakarelihiyosong pamilya. Mabait siyang tao ngunit pihikan ang kaniyang mga magulang pagdating sa mapapangasawa niya o sa babaeng nakakarelasyon niya."

Tumigil saglit ang babae para huminga ng malalim at saka ulit nagpatuloy sa pagsasalita.

"Ang iyong misyon ay hindi magiging matagumpay kung isa sa dalawang bagay na nabanggit ko ay hindi mo magagawa. Kinakailangan na ang dalawang iyon ay matapos mo."

"Pero iyong ano po...-" Singit ulit ni Paul pero hindi pa niya natatapos ang sasabihin ay nagsalitang muli ang babae.

"Mayroon kang animnapu't isang araw upang tapusin ang dalawang misyon na ito upang makabalik ka sa Paraiso at makapasok muli sa Banal na Palasyo. Mababalik ka na din sa pagiging anghel at sa iyong mga tungkulin at gayon din ang iyong busog at palaso, mapapasaiyo na muli ang mga iyon. Kung hindi naman -"

Tumigil ang babae sa pagsusulat at pagsasalita sabay tumingin ng seryoso sa mga mata ni Paul.

"...ay kakaharapin mo ang Kaparusahang Walang Hangganan." Sumusulat muli ang babae habang sinasabi ito at habang nakatingin kay Paul.

Hindi niya inalis ang tingin kay Paul at sabay tiniklop ang papel na kanina ay kaniyang sinusulatan. Iniangat niya ito sa ere at bigla na lang nawala mula sa kamay niya. Kasunod nito ay binuksan niya ang isang kahon na nakalapag din sa mesa at kinuha ang isang pilak na susi. Inabot niya ito kay Paul.

"Iyan ang susi mo sa iyong apartment."

"A-apart-ment?" Ulit ni Paul.

"Apartment ang tawag sa isang maliit na lugar na inuupahan ng mga tao dito. Tungkol naman sa bayad mo para sa apartment, bibigyan kita ng trabaho bukas nang sa ganon ay makabayad ka sa upa."

"Bayad? Upa?" Nagtatakang tanong ni Paul.

"Oo. Nandito ka sa mundo ng mga tao. At isa kang tao ngayon, kinakailangan mong mamuhay kung papaano namumuhay ang mga tao. Maiintindihan mo rin ang mga bagay bagay dito pero sa ngayon pumunta ka na muna sa iyong apartment upang makapahinga ka at makapaglinis at bihis..."

Tumingin ang babae sa kaniya na para bang nandidiri.

"Nangangamoy ka na." Kinamot nito ang ilong niya sabay sumimangot kaunti.

Napatingin si Paul sa kaniyang sarili at doon din niya naamoy bigla ang nangangalingasaw niyang maruming damit. Tumango siya at tinanong ang babae kung saan ba ang apartment na tinutukoy nito at itinuro naman ng babae ang isa pang pinto sa kanan niya at sinabing doon ang daan. Agad na pumunta naman si Paul sa itinuro na pinto, binuksan niya ito at napatigil bigla nang maalala niyang hindi pa niya alam kung ano ang ngalan nang kanina pa niyang kausap na babae. Lumingon si Paul pabalik habang nakahawak sa pinto.

"Nakalimutan ko po itanong. Ano po ang pangalan niyo?"

Lumingon ang babae na noo'y nasa harap na ng isa pang pinto ngunit sa may kaliwang parte naman ng tanggapan.

"Ria. Mula sa Departamento ng mga Gabay." Sagot nito.

Tumalikod na muli ang Anghel na si Ria upang pumasok sa pintuan.

Ang Anghel Ko na Mala-KupidoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon