Kabanata 7 : Cally

13 5 0
                                    

     Ang lamig ng simoy ng hangin pagkalabas nina Paul at Ria. Naninibago si Paul at naiilang sa mga tingin ng mga nakakasalubong niyang tao dahil ito ang unang beses na nakikita siya ng mga ito. Sinuway siya ni Ria na umarte na normal lang ang lahat at huwag magpahalatang may itinatago.

     Malayo layo din ang nilakad ng dalawa mula sa apartment papunta sa pinakasakayan ng mga 'jeep' ika-nga ni Ria na ipinaliwanag din naman niya nang mabilis kay Paul kung para saan iyon at kung papaano ang gagawin kung sakaling sasakay siya dito. Pinara ni Ria ang isang paparating na jeep at huminto ito sa harapan nila. Naunang sumakay si Ria at hahawakan sana ni Paul ang kamay nito upang alalayan nang bigla niyang maalala na hindi nga pala siya maaaring dumikit o humawak sa isang anghel dahil baka mawalan siya ng malay kung kaya ay hinayaan na lang niya ito at pagsakay ng isa ay siya namang sunod ni Paul.

     Umupo siya sa tabi ni Ria ngunit iningatan niyang mapadikit dito.

     "Ibayad mo 'to sa driver." Utos ni Ria kay Paul habang iniaabot ang isang papel na pahaba at kulay pula.

     Nag-aalangan si Paul kunin ito dahil hindi niya alam ang gagawin pero kinuha na rin niya ito sa takot na baka mainis sa kaniya si Ria. Inabot ni Paul ang papel na pahaba sa tinutukoy na driver at pagkaabot ay sinabi ni Ria na bayad iyon para sa dalawa at sa pangatlong kanto sila bababa. Nakatingin lang si Paul habang nangyayari ito at inoobserbahan niyang maigi kung ano ang mga dapat niyang tandaan. Ilang segundo pa ay may inabot ang driver at sinabing 'sukli niyo ho'. Kinuha ni Paul ang inaabot ng driver at ibinalik ito kay Ria.

     "Ayan na." Mahinang sabi ni Ria kay Paul.

     "Po?" Nagtatakang tanong ng isa.

     Tumabi at tumigil ang jeep sa harap ng isang coffee shop. Isang babae na may mahabang itim na buhok na nakasuot ng blusang dilaw na may terno na palda ang sumakay. Naupo ito kaharap sina Paul at Ria. Hindi napigilan ni Paul na mapatitig dahil napansin niyang napakaganda nito. Patuloy lang siyang tumitig dito habang umaandar ang jeep. Sa kabilang banda, hindi siya napapansin ng babae kahit nasa harap niya ito dahil abala ito sa pagbabasa ng isang libro at tila ba ay masyadong nakatutok ang atensyon niya doon. 

     Mga ilang saglit pa ay narinig na lamang ni Paul ang boses ni Ria na nagsabing bumaba na. Sa gulat at pagmamadali ay biglang napatayo si Paul at nauntog ang ulo niya sa kisame ng jeep.

     "Aaacckk!" Ingit ni Paul pagkatama ng ulo niya. Agad niya itong kinapitan. Napalingon ang babae sa kaniya nang marinig ang malakas na tunog gawa ng pagkakauntog ni Paul ngunit hindi na nagtagpo ang kanilang mga tingin dahil nakatalikod na si Paul at mabilis na lumalakad pababa ng jeep.

     "Nagkatagpo na kayo ng misyon mo." Bigla nanamang sabi ni Ria pagkababa nila at habang naglalakad sa isang mahabang kalsada.

     Hawak-hawak ni Paul ang kaniyang ulo at madahan itong hinahaplos para mawala ang sakit.

     "Misyon ko? Alin po?" Tanong ni Paul habang tumitingin tingin sa paligid. 

     "Oo. 'Yung babae na kaharap natin kanina sa jeep. Siya si Cally Mendoza."

     Natigilan si Paul sa narinig at tila ba ay para siyang gulong-gulo sa mga nangyayari.

     “Sandali lamang po.” Mabilis niyang sabi. Huminto sila sa harap ng isang tindahan na may karatula sa taas na nakasulat sa malalaking titik: BOTIKA.

     “Ano ‘yun? Dalian mo at baka mahuli tayo sa pupuntahan natin.” Inip na sabi ni Ria.

     “Naisip ko lang po, mayroon na po ba tayong plano sa kung papaano natin magagawang paglapitin sina Cally at Luigi na nabanggit ninyo kagabi? May naiisip na ako kung papaano ko maibabalik ang paniniwala ni Cally sa Diyos ngunit ang isang parte ng misyon, doon po ako nag-aalangan.”

     Napakunot ng noo si Ria at tumitig maigi sa mga mata ni Paul.

     “Tayo? Natin?” Tanong nito.

     “Opo.” Sagot ni Paul sa siguradong sigurado na tono.

     Ngumiti si Ria at sabay napatawa ng pigil.

     “Mukha yatang nalilito ka sa mga bagay-bagay. Ang misyong iyan ay dapat mong kompletuhin. Hindi tayo, hindi natin.”

     “Po? Pero akala po ba anghel kayo na mula sa mga tagapag gabay? Hindi po ba’t dapat ako ay tinutulungan niyo?”

     Napatingin sa kaniya si Ria na tila ay hindi makapaniwala sa narinig niya.

     "Tinutulungan? Ano nga ba itong tawag mo sa ginagawa ko ngayon? Para sa 'yo ba ay hindi ito pagtulong?"

     "Ah... eh... hindi naman po sa ganoon. Ang akala ko lamang po ay tutulungan niyo ako sa buong proseso ng misyon ko."

     Nagbuntong hininga si Ria ngunit hindi ito buntong hininga ng taong nawawalan na ng pasensya o ng tao na naiinis na bagkus ay nakakaramdam siya ng awa kay Paul dahil tila hindi pa nito naiintindihan ang buong punto ng mga nangyayari sa kaniya.

     "Alam mo, tila 'di mo yata naiintindihan ang pinagkaiba ng pagtulong sa pangungunsinti. Sa tingin mo ba ang isang anak na nasa hustong gulang na ay mapapabuti kung bukod sa inihain na ng mga magulang nito ang kakainin niya ay susubuan pa nila ito kahit may sarili naman itong pag-iisip at kakayahang gawin ang mga bagay na kailangan niyang gawin?"

     Napatingin si Paul sa ibaba, at kahit naiintindihan niya ang punto ni Ria sa mga sinabi nito ay may parte pa rin sa loob niya na gustong igiit ang katwiran niya.

     "Kaya lang po--" Hindi pa man siya tapos ay pinutol na kaagad siya ni Ria.

     “Paul—” Simula ni Ria. “Ikaw ang naparusahan, ikaw ang dapat mag-isip ng paraan at magplano kung papaano mo gagawin ang misyon mo ng maayos at nang hindi lumalabag sa utos ng Diyos. Tama ka, ako nga ay isang gabay na anghel ngunit ang tungkulin ko ay gumabay lamang na naaayon sa utos ng Diyos, at hindi kasama sa tungkulin ko ang mangialam sa mga bagay na hindi ko dapat pinapakialaman.”

     “P-pero…”

      “Husto na. Ituring mo na lang na isa 'yang leksiyon na hindi porke kaya natin, ay gagawin na natin. Lalo na ang pakakapuntahan ng mga nakatadhanang mangyari.”

Ang Anghel Ko na Mala-KupidoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon