Chapter 3

500 10 0
                                    

Kumabog ang puso ni Taliyah nang mabungaran niya ang matalim na titig ng kanyang ama.

"One of my Amigos saw your husband with other woman! What's happening, Taliyah?" Mababanaag ang iritasyon sa tinig nito. "Ginagawa mo ba talaga ang parte mo bilang asawa?"

Napalunok si Taliyah.

"Dad," anas niya sa kinakabahang tinig.

"Hindi magloloko ang asawa mo kung wala kang pagkukulang." Bago pa muling makapagsalita si Taliyah ay muling umingos ang kanyang ama nang mapansin nito ang kanyang suot.

"At ano 'yang hitsura mo? Hindi ka mukhang Mrs. Villaron, nagmumukha kang maid ni Max. Ayusin mo naman ang sarili mo, Taliyah! Nakakahiya sa pamilya Villaron at sa mga Amigos ko."

Napayuko na lamang si Taliyah.

"Yes, Dad. Sorry po."

Napabuntong-hininga ang matanda.

"By the way, I heard you got hospitalized? Anong nangyari? Anong kaartehan iyon?"

Tila sinaksak ang puso ni Taliyah. Mula pagkabata ay tila wala nang pakialam ang ama nila sa kanya ngunit hindi pa rin niya maiwasan ang masaktan. Kung kanina, nasaktan siya sa nadatnan sa loob ng bahay, ngayon naman ay nadudurog ang puso niya sa asta ng kanyang ama.

Muling bumuntong-hininga ang kanyang ama.

"Ano pa nga bang aasahan ko sa'yo? Mas bagay talaga sa ate mo ang posisyon na 'yan. Ang layo mo sa ate mo. Ang ate mo, matalino at maraming achievements sa buhay."

Noon na naputol ang pisi ng pagtitimpi ni Taliyah. Napakuyom siya ng kamao kasabay nang pag-angat niya ng tingin. Hindi nito nagawang maikubli ang namumula niyang mata dahil sa pigil na pag-iyak.

"Matagal ko nang alam 'yan, Dad. Hindi niyo po kailangang ipamukha sa'kin. Simula pagkabata, hindi ka pumalyang ipamukha sa akin na wala akong kwenta."

Nagbagting naman ang ngipin ng kanyang ama sa narinig.

"At nagagawa mo na akong sagutin ngayon?"

Bago pa muling makahuma ang kahit sinuman sa kanila ay tumikhim ang katulong na si Cedes.

"Mawalang-galang na ho, sir pero kauuwi lang ni Ma'am Taliyah galing sa hospital. Baka po pwedeng hayaan niyo na muna siyang magpahinga."

Tumalim ang titig ng matanda bago ito muling bumaling sa kanyang anak.

"Fix yourself.  Dala mo ang apelyido ng mga Cosme kaya huwag kang gumawa ng kahihiyan!" Mariing turan nito bago humakbang paalis ng bahay.

Nang tuluyang makalabas ang kanyang ama sa pinto ay noon na kumawala ang pinipigilang luha ni Taliyah.

"Manang," anas niya kasabay ng kanyang pagluha. Kaagad naman siyang dinaluhan at niyakap ng matandang katulong.

"Mahirap ba akong mahalin, manang? Pati sa sarili kong pamilya, wala akong halaga."

Hinagod ng matanda ang kanyang likod upang iparating ang kanyang simpatiya.

"Ito ba ang parusa ko dahil bunga ako ng kasalanan o dahil nagkaroon din ako ng mabigat na kasalanan?"

Kumawala siya sa pagkakayakap sa katulong bago siya muling nagsalita.

"Sumpa man, manang, pinagsisisihan ko po ang nagawa ko. Hindi ko iyon sinasadya."

Humawak naman ang matanda sa pisngi nito.

"Tahan na sa pag-iyak, ineng. Hindi ko alam ang buong kwento ng buhay mo, ineng ngunit sa sandaling panahon na nakilala kita, nakita ko kung gaano ka kabuting tao." Kitang-kita ang sinseridad sa mga mata ng matanda kasabay nang marahang pagpunas nito sa kanyang pisngi.

Dark Secrets Series: Pain and PleasuresTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon