Chapter 02

98 5 0
                                    

Namamangha kong inilibot ang paningin ko sa loob ng mansyon. Pakiramdam ko ay nasa loob ako ng isang palasyo. "Sobrang ganda at ang laki po ng mansyon, Manang, ano? Mabuti na lang po at hindi kayo naliligaw." Natawa naman si Manang at humarap sa akin, huminto kami sa tapat ng malaking litrato ng isang pamilya.

"Tama ka, iha, tunay na maganda at malaki ang mansyon na ito, parang isang palasyo. Ito ay sa mga magulang pa ni Tyron at ipinamana sa kanya bilang nag-iisang anak." Tumango-tango ako.

Napakaganda at swerte talaga kung ipinanganak kang mayaman, dahil hindi mo kailangang dumanas ng hirap at magbanat ng buto para makakain ng tatlong beses sa isang araw. Napaisip tuloy ako, kung sakaling tulad nila'y may pera rin kami, hindi sana namatay sina Mama at Papa sa sakit at hindi ko rin sana kailangan magtrabaho agad ng maaga; nag-aaral sana ako ngayon.

"Napakaswerte po ni Sir dahil meron siyang buong pamilya at mga bagay na hindi madaling makuha ng iba, tulad namin," ani ko habang nakatitig pa rin sa family picture nila.

"Kung tutuusin, iha, ay napakaswerte na nila, pero may mga bagay na hindi kayang bilhin ng pera. Iyon ay ang kaligayahan. Kahit gaano karami ang pera ng isang tao, hindi siya pwedeng bumili ng kaligayahan, kahit saang tindahan o malalaking mall pa siya magpunta." Napatingin ako kay Manang dahil may punto siya.

Naglakad kami patungo sa dulo ng pasilyo kung saan ang daan papunta sa likod ng mansyon. Naroon ang malawak at malaking garden na tila dati ay napapanood ko lang sa telenovela sa TV. May malinis at malawak na pool sa gilid nito. Dahan-dahan akong naglakad at lumapit sa pool. Doon, pinagmasdan ko ang aking repleksyon sa malinis na tubig. Nakasuot ako ng puting loose shirt at maong na pantalon, at nakatali ang buhok ko. Sa itsura ko pa lamang ay matitiyak mo na kung ano ang aking estado. Napailing ako sa naisip—bakit ba ako namomroblema sa itsura ko, trabaho naman talaga ang ipinunta ko dito.

Nang matapos akong ilibot ni Manang sa buong mansyon, tinulungan niya akong mag-akyat ng gamit sa itaas. "Salamat po, Manang. Ako na po ang bahala dito. Susunod po ako sa baba mamaya," saad ko at ngumiti.

"Sige, nasa baba lang ako," sabi ni Manang bago siya lumabas ng silid at naiwan akong mag-isa.

Isa-isa kong inilabas ang mga damit ko at inilagay sa malaking kabinet. Grabe, kahit ata ako ay pwedeng isilid sa kabinet na ito, sobrang laki! Sa huling tiklop ko ng mga damit, nahagip ng mata ko ang litrato namin ng pamilya. Dahan-dahan ko itong kinuha at hinaplos. Nalulungkot akong hinaplos ang picture nila Mama. Masayang-masaya kami sa litratong iyon kasi ito ang unang beses na nagkaroon kami ng family picture, pero hindi ko alam na ito rin pala ang huli. Ilang taon na, pero masakit pa rin sa akin ang pagkawala nila; hindi na mawawala ang sakit at pangungulila ko.

Nalulungkot man, pinili kong ngumiti. "Ma, Pa, huwag po kayong mag-alala dyan. Aalagaan ko po ang kapatid ko tulad ng palagi niyong bilin sa akin noon. Hindi ko po siya pababayaan, pangako po 'yan." Hinalikan ko ang litrato at muling inilagay sa bag ko. Kapag may pera na ako, ipapalagay ko ito sa maayos na picture frame. Nang matapos ko nang ayusin ang mga gamit ko, nagtungo na ako sa baba para magsimula sa trabaho ko.

Nakita ko si Manang Rita na nagwawalis ng sala kaya mabilis akong lumapit sa kanya. "Manang, ako na po nito," nakangiti kong saad habang inabot ang walis tambo.

"O siya, at ako'y kukuha ng mga kurtinang pangpalit natin," sagot niya, kaya tumango naman ako.

Maingat kong iniangat ang mga bagay habang nagwawalis, ingat na ingat akong may masagi dahil unang araw ko ng trabaho at ayaw kong pumalpak. Siniguro ko ring malinis at walang natirang dumi ang bawat sulok ng bahay. Halos mag-aalas dose na nang matapos ako sa pagwawalis pa lang. Hindi ko akalaing pagpapawisan ako roon.

Pagod akong naupo sa sofa at nag-inat. Nakakangawit!

"Aena, iha!" narinig kong tawag ni Manang Rita.

"Po? Narito po ako sa sala," sagot ko habang papunta sa dining area.

Love AffairTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon