Chapter 03

89 3 0
                                    

Mabilis ang mga galaw ko habang nag-aayos ng sarili. Sinabihan kasi ako ni Manang Rita na isasama niya raw ako sa pamimili ng grocery. Nagsuot lang ako ng simpleng damit at humarap sa salamin. Naglagay ako ng kaunting pulbo at lip tint bago ko itinali ang aking buhok.

"Aena! Tapos ka na ba, iha, mag-ayos?" narinig kong tawag ni Manang.

"Opo, Manang. Pababa na po ako," sagot ko at naglakad na palabas ng silid.

Hawak ang listahan ng mga dapat naming bilhin, diretso kong tinungo ang lagayan ng mga gulay sa vegetables area. Kumuha ako ng mga gulay na nakalista at inilagay iyon sa cart. Nakita ko naman si Manang na kumukuha ng mga ingredients kaya nilapitan ko ito.

"Manang, napakarami po nating dapat bilhin, ano?" Tumango naman ang matanda.

"Bilin 'yan ni Tyron dahil parating na ang mga magulang niya. Kailangan nating bumili ng ihahanda sa pagdating nila," saad ni Manang at nagpatuloy sa pagdampot ng mga dapat naming bilhin.

Inabot kami ng tanghali sa pamimili. Akala ko uuwi na kami, pero sabi ni Manang ay dumaan daw muna kami sa Jollibee. May iniwan din si Sir na pera na pangkain daw namin. Pinasama din niya si Kuya Lito sa amin para maging driver namin.

Nakangiti ako nang makapasok kami sa Jollibee. Dati, pinapangarap lang naming magkapatid na kumain sa ganitong klaseng kainan. Para kasi sa tulad naming mga bata pa noon, kasiyahan na sa amin ang makakain dito. Wala kasing ganito sa probinsya.

Kapag nakuha ko ang sweldo ko, ipapadala ko kaagad 'yun kay Ate Merna para dalhin si Adie sa bayan at pakainin sa Jollibee doon.

"Bait po ni Sir, ano? Binigyan pa tayo ng pangkain," nakangiti kong saad nang matapos kong maubos ang pagkain ko.

"Mabait talaga iyon si Sir Tyron. Ewan ko ba kung bakit napunta iyon kay Ma'am Cayleigh. Hindi bagay," ani ni Kuya Lito, medyo pabulong pa ang sambit nito sa huling linya. Sinamaan naman ito ng tingin ni Manang.

Si Kuya Lito ang nagpasok ng mga pinamili namin sa loob. Nag-aayos ako ng mga pinamili namin nang tumunog ang telepono sa mansyon, senyales na may tumatawag.

"Sasagutin ko lang, iha," paalam ni Manang kaya tumango ako at ipinagpatuloy ko ang ginagawa ko. Inilagay ko ang mga chocolates at fresh milk sa ref.

Bumalik si Manang. "Iha, pinapasuyo ni Sir na dalhin sa opisina niya 'yong naiwan niyang mga papeles kanina. Puwede bang ikaw ang magdala?" saad ni Manang. Tumango naman ako.

"Oo naman po. Nasaan po ba ang mga papeles?" Sandali naman itong nagpunas ng kamay.

"Sandali, iha, at kukunin ko sa silid niya," tumango ako.

Bumaba si Manang na bitbit ang itim na attache case ni Sir at iniabot niya iyon sa akin. "Ipagdadrive ka ni Lito papunta sa opisina niya."

Pumasok si Kuya Lito. "Halika na, Aena." Nagpaalam ako kay Manang at sumunod na kay Kuya Lito sa labas.

Huminto ang sasakyan sa tapat ng mataas na gusali. Namamangha akong inilibot ang tingin sa kabuuan nito. Binuksan ko ang pinto at lumabas, bitbit ang attache case ni Sir bago humarap kay Kuya Lito.

"Hindi ka po sasama sa loob?" Umiling naman ito.

"May iniuutos pa kasi si Sir Tyron sa akin. Susunduin na lang kita mamaya. Ihahatid lang kita sa loob para ituro nila sa iyo ang opisina ni Sir," tumango ako at sumunod sa kanya papasok sa loob.

"Hi, ma'am. Saan po dito ang opisina ni Sir Tyron?" tanong ko sa babae sa front area.

"Ikaw si Aena? Ipinagbilin sa akin ni Sir na papasukin ka," tumango ako.

Love AffairTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon