Part 1

395 24 2
                                    


HABANG naglalakad sa school corridor ay aware si Princess sa mga matang nakatingin sa kanya. Alam niyang dyina-judge na naman siya ng mga kaeskuwela dahil sa suot niyang T-shirt na may print na "Parda" pero wala siyang pakialam. Busy siya sa pagnguya ng bubble gum. Mas interesado pa siya kung gaano katagal mawawala ang tamis ng nginunguya niyang bagong labas na brand ng gum kaysa sa opinyon tungkol sa kanya ng mga matapobre niyang schoolmates.

Araw-araw, sa school corridors at sa kahit saang parte ng campus ay puro rich kids ang nakakasalubong ni Princess. Paano ba naman kasi, sa De La Real University siya nag-aaral ng kolehiyo. Sa eskuwelahang iyon na halos puro can afford ang nag-aaral ay naligaw ang isang tulad niyang laking squatter. Nagkataon lang na binuwenas siya nang manalo ng full college scholarship mula sa isang foundation na nagbibigay ng scholarship grant.

Akalain mo iyon, kahit hindi siya matalino ay nagkaroon siya ng scholarship. Ni hindi nag-require ng certain grade maintenance requirement ang foundation. Basta pumasa lang daw. At dahil varsity player si Princess sa volleyball team ng DLRU, may extra allowance pa siyang natatanggap buwan-buwan. Kaya wala siyang kaproble-problema sa financial demands ng pagiging mag-aaral sa eskuwelahang iyon.

Hindi nga kaya ng nanay niyang tindera sa palengke na pag-aralin siya sa prestihiyosong unibersidad na iyon pero ang universe mismo ang naglagay sa kanya roon kaya sino siya para tumanggi? Pero kahit sa isang sosyal na eskuwelahan siya nag-aaral, hindi niya kahit kailan pinagtangkaang itago ang pagiging isang mahirap.

Hindi lang si Princess ang hindi rich kid na nag-aaral sa DLRU. Mayroong iilan na pareho niyang nakapag-aaral lang doon dahil sagot ng isang scholarship program na tulad ng kababata niyang si Lester, o kaya naman ay isang dating mahirap na umasenso nang kaunti na tulad ng dati niyang kapitbahay na si Tonya. Pero bihira talaga ang hindi anak-mayaman sa DLRU. Kaya kung tingnan siya ng ibang mga estudyante roon, akala mo ay isa siyang langaw na nakapasok sa isan fine-dining restaurant na nakatakdang dapuan at dumihan ang kinakaing mamahaling steak ng mga lintik.

Pinalobo ni Princess ang bubble gum habang lumiliko sa pasilyo. Muntik na siyang may makabangaan pero maagap na nakaiwas ang isang babaeng halatang puro designer label ang suot na akala mo ay diring-diri. Balewala lang niyang pinaputok ang bubble gum at hindi pinansin ang ginawi nito.

Hindi naman siya nanggigitata, naligo naman siya at nagwisik ng cologne na bagaman mumurahin ay mabango. Baka naman nandiri ito nang makita ang print ng damit niya. Bigay lang iyon ng kanyang ninang noong birthday niya at nanghinayang siya kaya isinuot niya.

Sanay na si Princess na pinangingilagan o nilalait ng mga matapobreng kaeskuwela kaya hindi na siya naaapektuhan sa ginagawa o sinasabi ng mga ito tungkol sa pagiging "skwater" niya. Totoo naman iyon kaya wala siyang dapat ikagalit. Sa katunayan ay proud pa siya dahil kahit mahirap lang ay nakakapag-aral sa sosyal na eskuwelahang iyon.

Kasalukuyan uling pinalolobo ni Princess ang bubble gum pero hindi siya nagtagumpay nang maramdaman ang pag-agapay ng kung sino sa kanya.

"Para ka nang kambing, alam mo ba 'yon?" tanong ni Lester na sukbit ang knapsack nitong orig Jansport. "Tuwing nakikita kita, lagi ka na lang ngumunguya."

"'Kala mo 'to hindi nahilig sa bubble gum noon kung makasita. Asar na asar ka pa nga kapag tinutusok ko ng daliri ko 'yong pinalobo mo nang malaki."

Umungol si Lester. "Bata pa tayo no'n, Cess. Twenty na tayo ngayon."

"Sa isang buwan pa 'ko magte-twenty, 'no!"

"The point is, hindi na tayo bata para halos araw-araw, magpalobo ng bubble gum."

"'Wag ka nga." Tinulak ni Princess ang balikat nito. "Ba't ba nangingialam ka sa trip ko? Eh, sa nare-relax ako kapag ngumunguya ng chewing gum. 'Tapos kapag pinapalobo ko, natsa-challenge ako kasi minsan, ayaw. Pumuputok agad. Kaya nagta-try and try until I succeed ako hanggang sa mapalobo ko nang malaki."

"Oo, tapos papuputukin mo lang din bandang huli."

"Ano'ng gusto mo? Lagyan ko ng pisi? Gamitin ko sa party?"

Ngumisi si Lester. "Pupunta ka nga pala sa Sunday sa bahay? Birthday ni Nanay. In-invite niya raw kayo ng nanay mo."

Simula nang makapag-asawa uli ang biyudang nanay ni Lester ay umalis na ang mga ito sa Baseco at lumipat sa mas maayos na parte ng Tondo. Kaya siguro naiwan na nito ang ugaling skwater habang lumalaki. May breeding na ito. Isa pa, lumaking matalino ang kababata niya.

Nagtapos si Lester bilang valedictorian noong high school. Kaya libre ang tuition fee nito sa DLRU. Tuwing walang pasok ay mekaniko ito sa talyer ng stepfather. Kaya siguro maaga itong nag-mature kaysa sa kanya. Matalino at responsible ito dahil pangarap na yumaman.

Tanda pa ni Princess ang naging pag-uusap nila ni Lester noong high school sila tungkol sa pangarap.

"Pangarap kong maging self-made millionaire, Cess. Parang mas masarap sa pakiramdam 'yong yayaman ka dahil ikaw 'yong nagdala sa 'yo doon, hindi 'yong ipinanganak ka na lang na mayaman."

"Eh, di go!"

"Ikaw, ano'ng pangarap mo?"

"Pangarap ko? Hmm... wala. Gusto ko lang maging housewife at maging isang ina. Kasi hindi naman ako matalinong tulad mo. Wala rin akong kayang gawin. Tamad din akong mag-effort. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam kung anong talent o kakayahan ko. Parang wala."

"Ayaw mo bang yumaman?"

"Sa tingin mo, yayaman ako? Ikaw, may pag-asa kang yumaman kasi matalino ka. Masipag ka. Madiskarte. Masigasig. Ako, walang mararating 'yong mga ganitong pinagkaitan ng lahat, maliban sa ganda."

"Oo, pupunta kami," sagot ni Princess sa tanong ni Lester pero mukhang hindi na iyon narinig ng lalaki dahil mukhang nasa makakasalubong na nila ang buong atensiyon nito.

Si Kendra Buenavista ang dahilan kung bakit gustong yumaman ni Lester. Ang babae ring iyon ang rason kung bakit pinagpursigihan ng kababata niya na makakuha ng scholarship. Goal nito ang maging schoolmate si Kendra sa college. Crush na crush ito ni Lester simula pa noong fifteen years old ito.

"'Wag masyadong titigan," tease ni Princess sa kaibigan, "baka matunaw."

Inalis na ni Lester ang tingin kay Kendra nang malapit na ang crush. Mukhang ayaw rin nitong mahalata ni Kendra ang paghanga nito.

"Ba't kasi ayaw mo pang digahan?" tanong ni Princess nang makalagpas at makalayo na si Kendra.

"Okay ka lang?" Mukhang napantastikuhan ito sa tanong niya. "Sa tingin mo magugustuhan niya 'ko?"

"Bakit hindi? Guwaping ka naman, ah. Ang dami kayang may gusto sa 'yo sa Baseco noon."

"Hindi 'yon, eh. Mahirap lang ako."

"Hindi ka na poor. Umalis na kayo sa skwater. Gilintera pa nga 'yong bahay n'yo, eh."

"Pero sa Tondo pa rin. Hindi sa Forbes Park."

"Tatlo pa kuwarto ng bahay n'yo, 'no?"

"Seventy square meter lang."

"Dalawa pa nga sasakyan n'yo, 'di ba? Puwera pa 'yong tow car."

"Sa stepfather ko 'yon, hindi sa 'kin. At saka hindi 'yon BMW o Ferrari."

"Eh, kami nga, wala ni scooter."

Bumuntonghininga si Lester. "Kung para sa 'yo, hindi na ako mahirap, para sa tulad ni Kendra, dirt poor pa rin ako. Sa yaman ng pamilya nila, imposibleng magustuhan niya ako. Kaya nga gusto kong yumaman soon. Para maging magkauri na kami."

"Eh, kailan pa? Kapag mayaman ka na, malamang kasal na 'yan sa iba."

Halatang hindi nagustuhan ni Lester ang sinabi niya. Sumingkit ang mga mata nito habang nakatingin sa kanya.

Pinandilatan ito ni Princess. "Totoo naman. Maliban kung manalo ka sa lotto, siguradong matagal pa bago ka maging milyonaryo. Aaanhin mo pa 'yong palay kung nakuha na ng iba 'yong kabayo?" Iningusan niya ang kababata at nilayasan na ito para dumiretso sa commerce building.

Campus Girls Series #3: The Slum PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon