Part 8

361 13 3
                                    


NAPANGITI si Princess nang maratnan si Ronan na nag-iisa sa pasilyo sa pagitan ng book shelves. Sinundan talaga niya ang lalaki roon dahil balak niyang sirain ang araw nito sa paraang hindi niya ito kailangang lapitan o kausapin.

Hindi sapat ang nakita niyang pagkabuwisit nito sa tsismis na kumalat dahil sa sinabi niya sa school lobby noong isang araw. Inisip ng schoolmates na nakasaksi sa eksenang iyon na si Ronan ang nag-encourage sa kanya para lumaban sa Campus Queen pageant at tiwala ito sa kanya bilang pambato ng business administration department. Alam niyang narungisan niya ang mataas na tingin ng mga kaeskuwela rito.

Si Ronan Joseph Concepcion Salas na heredero mula sa isang de buena familia ay full support sa isang squatter girl na hindi matalino at walang breeding para mag-represent sa buong department nito. Kahit hindi niya nakita mismo, alam niyang nanggalaiti ito sa galit nang araw na iyon. Nagdiwang ang loob ni Princess noong sabihin sa kanya kahapon ni Marie Tessa na pinag-uusapan ng buong campus si Ronan at marami raw ang na-disappoint sa lalaki.

Bagsak daw siya sa likability? Puwes, idinamay niya ito. Nabawasan ang karisma nito dahil sa kanya. Hindi niya mapapalampas ang panghahamak nito sa pagkatao niya. Tanggap ni Princess ang mga panglalait dahil sa kahirapan niya o hindi pagiging kasing talino ng iba. Pero ang alipustahin siya gamit ang pera ay hindi niya kayang pagpasensiyahan. Kaya gusto niyang asarin si Ronan para amanos sila.

Mukhang nasa mga nakahanay na libro sa shelf ang buong atensiyon ni Ronan kaya hindi siya pansin nito nang magdaan siya sa likuran nito. Napansin ni Princess na inaayos nito ang mga librong nakapasok at nakalabas para magpantay sa shelf. Mukhang tama si Marie Tessa nang sabihing masyadong partikular si Ronan sa kalinisan at kaayusan. Dahil masyado raw itong perfectionist ay nababahala ito sa tuwing makakakita ng marumi o magulo.

Naisip tuloy ni Princess na kaya ayaw nito sa kanya ay dahil alam nitong marumi at magulo sa skwater. At karaniwan sa mga mahihirap ang mga salaula at balahura. Dahil doon ay nakabuo siya ng ideya kung paano ito mas maaasar.

Lumapit siya sa bahagi ng shelf na isang metro mula rito at kumuha ng libro na binuklat at pagkatapos ay basta na lang ibinalik nang wala sa ayos. Tatlong libro na ang nagugulo ni Princess mula sa mga maayos na nakahanay nang makita niya mula sa gilid ng mga mata na nakabaling na sa kanya si Ronan. Ganunpaman ay nagkunwari siyang walang pakialam dito.

Ginulo niya ang lahat ng mga librong mahawakan. Hila, balik, at ang iba ay basta na lang niya ipinatong sa itaas ng mga libro mismo. Sinadya rin niyang ihulog ang ilan pero hindi pinagkaabalahang kunin. Alam niyang nakabaling pa rin sa kanya si Ronan na mukhang nanigas na sa inis habang pinanonood siya sa ginagawang panggugulo sa bawat layer ng book shelf.

Nang sa wakas ay ibinaling ni Princess ang ulo sa lalaki ay napangiti siya nang makitang tama siya ng nai-imagine na hitsura nito nang mga sandaling iyon. Naninigas ang mga panga nito habang nandidilat sa kanya. Nang ibuka ni Ronan ang bibig ay tinalikuran kaagad niya ito bago pa siya sitahin sa ginagawa niya.

Sa school cafeteria ay sinadya niyang umupo sa katabing mesa ng inuupuan ni Ronan at mga kaibigan nito. Dahil wala siyang kaibigan sa school na iyon bukod kay Lester na hindi nagpakita sa kanya nang araw na iyon ay mag-isang kumain ng spaghetti si Princess. Sinadya niyang kumain nang parang dayukdok at walang table manners. Bukod sa tapon-tapon ang pagkain niya sa mesa ay hinayaan niya ang sauce ng spaghetti na magkalat sa palibot ng mga labi niya at baba. Narumihan din ang damit niya pero balewalang pinagpag lang niya iyon.

Nagbunga naman ang ginawa niya dahil halatang napikon si Ronan at mukhang nawalan ng gana sa nakita. Tumayo na agad ito kahit hindi pa tapos sa pagkain sa pagtataka ng mga kaibigan.

Sa klase nila sa security analysis ay sumubo si Princess ng chewing gum at nginuya iyon sa tuwing hindi nakatingin ang professor. Lumingon siya para tiyaking sa kanya nakatingin si Ronan bago iniluwa ang bubble gum at idinikit iyon sa ilalim ng kanyang armchair. Ngumiti siya nang makita ang shock sa mukha nito na napalitan rin gad ng galit. Sa katunayan ay napansin pa niya ang pagkuyom ng kamao nito.

Pero, in fairness, ay kinabahan si Princess nang biglang tumayo si Ronan at tinawag ang atensiyon ni Mrs. Anigue. Ang akala niya ay isusumbong siya ng lalaki sa professor pero nagpaalam lang itong magbabanyo. Napahagikgik na lang siya nang lumabas si Ronan sa classroom. 

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 21, 2022 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Campus Girls Series #3: The Slum PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon