HABANG naglalakad palabas ng gym kung saan nag-practice ng volleyball kasama ang varsity team ay umagapay at tinawag si Princess ng kanilang coach na si Ms. Aida.
"Are you relly, really sure ayaw mong maging captain?"
Umiling siya. "Ayaw ko po talaga, miss. Sorry po, ah. Hindi ako pang-leader. At saka ayaw kong maging bida."
Ang totoo ay gusto rin naman talaga niyang subukan kung ano ang pakiramdam ng maging isang team captain. Kaya lang ay narinig niya ang usapan ng mga mayayamang teammates. Hindi raw matatanggap ng mga ito kung siya ang mapipili bilang bagong captain sa oras na umalis na sa grupo ang graduating nang si Cynthia. Ayaw ni Princess na pagmulan iyon ng away o inggitan kaya hindi na niya hinangad ang posisyon. Minsan na siyang napasok sa gulo sa loob ng campus at ayaw na niyang maulit pa iyon. Ayaw na niyang bigyan ng sakit ng ulo ang nanay niya.
"Kakaiba ka talaga. Habang lahat, nagpapakamatay na maging captain, ikaw tinatanggihan mo lang. Nakita kong may leadership skills ka. One time, I heard you talking strategies with half of your teammates. Hindi lang dahil sa tingin ko, ikaw ang pinakamagaling sa team sa ngayon kaya gusto kong ikaw ang maging captain, alam ko rin na kaya mong i-lead ang team mo."
Wala siyang interes sa maraming bagay. Sa volleyball lang siya naging interesado dahil nalaman niyang doon lang siya magaling. Noong fourth year high school lang natuklasan ni Princess na nasa paglalaro pala ng volleyball ang kakayahan niya. Kaya nag-try out siya sa varsity team noong pumasok sa DLRU. Natanggap naman agad siya.
"Tsamba lang po 'yon."
Bumuntong-hininga si Ms. Aida at nagpaalam na siya rito. Paglabas ni Princess sa gym ay natanaw kaagad niya si Ronan na nakaupo sa tree bench. Nagtama pa talaga ang mga mata nila. Kapag minamalas nga naman. Ito pa talaga ang huli niyang nasilayan bago umuwi.
Naglakad si Princess palampas sa puno pero humarang sa kanya si Ronan. As usual, seryoso na naman ang mukha nito.
"Ano na naman?" Inunahan na niya ito sa pagsasalita. "May mali na naman ba akong nagawa?"
"Totoo bang ikaw ang papalit kay Marianne?"
Natigilan si Princess nang ma-realize kung ano ang ibig nitong sabihin. Lumagpas sa balikat nito ang tingin niya. "Pusang gala!"
"Pusang gala?" Lumingon ito sa direksiyong tinitingnan niya at mukhang may hinanap doon. Inakala sigurong nakakita siya ng stray cat sa campus.
Nalukot sa frustration ang mukha ni Princess nang maalala na um-oo siya nang tanungin ng dean nilang si Mrs. Cabral kung gusto niyang mag-relieve kay Marianne sa pagsali sa Campus Queen. Ang akala kasi niya ay biro lang iyon kaya game siyang pumayag pero seryoso pala ang dean. Sino ba naman kasi ang magseseryoso sa sinabi nito?
Siya, si Princess Batumbakal, ay sasali sa annual beauty pageant ng DLRU at kakatawan para sa Business Administration department? Kalokohan. Alam niyang she got the looks, pero sa ibang aspeto ay bagsak na siya. Ano ba ang laban niya sa dalawang beses nang naging Campus Queen na si Charlotte Agoncillo at sa ba ba boom na si Ayla Tiffany Lopez na pantasya ng mga kalalakihan sa DLRU? At sa iba pang kasali na lahat ay sikat at rich girls? Sino namang tanga ang bibili ng tickets niya kung sakali?
"They said you agreed to relieve Marianne. Why would you do that?"
Bumalik ang tingin ni Princess kay Ronan. Teka, bakit parang masama ang loob nito dahil siya ang napili ng dean na lumaban sa Campus Queen pageant? Kunsabagay, kahit siya ay hindi naniniwalang puwede siyang ipanlaban kay Charlotte Agoncillo.
"Bakit hindi?" pero sa halip ay tanong niya.
Bumuntong-hininga ito na para bang na-frustrate sa sinabi niya. "I don't want to offend you. And I apologize if my opinion would hurt your feelings. But I don't think you should go for it. Alam mo naman sigurong hindi lang ganda ang kailangan sa pageant na 'yon. Hindi rin enough na popular. Likability. 'Yon ang pinakakailangan para manalo as Campus Queen."
At least ay aminado naman si Ronan na maganda siya. Pinalipad ni Princess ng palad ang buhok na nakalugay at ni hindi niya sinuklay. Likability. Tama ito, bagsak na bagsak siya sa criteria na iyon dahil alam niyang ayaw sa kanya ng mga mayayamang estudyante sa DLRU.
"Sino ba'ng may sabing kailangan kong manalo?"
"Huh?"
"Sasali na nga ako, kailangan ko pang manalo? Ang effort, ha."
Halatang napantastikuhan ito sa sinabi niya. "What? Kaya nga sasali para manalo, 'di ba?"
Umiling si Princess. "Sabi nila, it's not the winning but the taking part that count."
Mukhang napikon si Ronan sa narinig. "Counts. With an 's.'"
Naningkit ang mga mata niya. "Kulang lang ng isang letter, eh."
"Is that how you view things? No wonder you don't seem to want to achieve anything."
"Bakit? Sa tingin mo, gusto kong sumali do'n? Akala ko kasi nagdyo-joke lang si Ma'am Cabral kaya sumakay lang ako. Seryoso pala siya. Pusang gala 'yong si Ma'am. Wala palang sense of humor 'yon."
"Actually, she has. Because she chose you to take part in one of the biggest competitions among departments."
"Bakit? Sa tingin mo, kung gusto talaga ni Ma'am Cabral na manalo tayo, bakit ako pa ang gusto niyang sumali doon, ha?"
Hindi nakasagot si Ronan. Mukhang napaisip din.
"Alam kong hindi ako mananalo. Pero hindi ako puwedeng umatras kasi nakasalalay doon 'yong grades ko. Ngayon, kung gusto mo talaga akong umatras, humanap ka ng papalit sa 'kin o kaya kumbinsihin mo 'yong dean natin na 'wag na lang ako." Itinaas niya ang kamay at nag-wave dito ala-beauty queen. "Babu." At nilagpasan na niya ang atribidong lalaki.
"Ten thousand pesos."
Napahinto sa paghakbang palayo si Princess sa narinig. Nilingon niya si Ronan at nakalingon din sa kanya. "'Yon ba 'yong premyo kapag nanalong Campus Queen?" Pero narinig niyang walang cash prize na makukuha sa school pageant na iyon. Korona at plake lang.
"'Yon ang makukuha mo kapag umatras ka."
Pinakatitigan niya si Ronan at ang fierce look nitong sinasabi ni Marie Tessa. "Teka nga. Walang perang premyo kapag nanalo sa Campus Queen pero kung 'di ako sasali, magkakapera ako?"
"Gano'n na nga."
"Sinasabi mo bang susuhulan mo 'ko para hindi ako sumali?"
"If that's the only way to convince you."
Naramdaman ni Princess ang pag-iinit ng bungo pero itinago niya ang galit. "Sa tingin mo, masisilaw ako sa ten tawsan?"
"How about twenty?"
"Iniisip mong mukha akong pera dahil mahirap lang ako?"
"No. I'm just saying you should be practical. Accept the money and back out from the competition."
Ang sarap nitong hambalusin pero naghunos-dili si Princess. "Iyo na 'yang pera mo. Mahirap nga ako pero may dignidad ako. Tse!" Pairap niyang tinalikuran si Ronan.
Hindi siya na-offend nang ipahayag ni Ronan na ayaw nitong maging pambato siya ng department nila dahil hindi naman talaga siya para doon. Pero ang alukin siya ng salapi dahil mahirap lang siya, ibang usapan na.
BINABASA MO ANG
Campus Girls Series #3: The Slum Princess
RomansaCurrently on preorder! Visit my FB page facebook.com/heartyngrid to learn more.