Ikaw ang Hiwaga ng Pagmamahal

9 2 0
                                    

Bakas sa mga matang nangingislap
kung gaano kang kaytagal nagpanggap,
kung paanong sinuong mag-isa ang landas ng hirap
tungo sa araw ng iyong pagtanggap.

Binigo ng mga pangako, alaala nga’y tukso,
mga gunitang nakapanlulumo’y umaaligid sa ’yong kwarto;
pinaglalaruan ang kinukulayan mong mundo,
pinaniniwala kang lahat ay ’di totoo.

Ngunit ang diwang ito’y nais makiusap,
hayaang balutin ka sa aking mga yakap,
kukumutan ng aking pagtanggap
sapagkat ang kaligayahan mo, para sa ’kin na’y sapat.

Tatak sa isipang ika’y mahiwaga,
higit pa sa materyal na bagay ang tunay mong halaga;
hindi ka nararapat magpaalipin sa tanikala,
sa mga gapos ng nakaraan, ika’y pakakawala.

Hali ka’t tayo’y lumipad.
Lumakbay sa ating sariling mundo’t magliwaliw magdamag;
ligaya’t pag-asa ang alay kong pagmamahal,
kung iloloob ng Panginoon, tayo ay magtatagal.

Kaya kapit, mahal.
Paninindigan ang sinimulang ugnayan.
Ilalaban ang bawat isa,
sapagkat sa kabila ng dulo ng walang hanggan
ikaw at ikaw lang
ang nag-iisang tahanan,
pahingahan,
ang pakakasalan,
at ang kahulugan
ng aking pagmamahal.

Between: A Collection of PoemsWhere stories live. Discover now