Ikaw ang Una't Huli

1 0 0
                                    

Hindi ako ang unang maniningala,
unang nagtapat ng nadarama,
pag-irog sa iyo’t pagsinta,
na nag-alay ng pagmamahal,
at minahal mo ring pabalik.

Hindi ako ang unang naghatid
mga paruparong may pahiwatig,
hindi ang unang nagsambit
salitang nagpapupula ng pisngi’t kilig
na kinagiliwan mo sa pakikinig.

Hindi ako ang unang kinasabikan
sa umagang bubungad ang pangalan,
umagang batì, tawag, kulitan,
hindi ang unang hinintay
na sa pagsikat ng araw ay masisilayan.

Hindi ako ang unang pinangarap
na makasama, mapanaginipan, mayakap
mahigpit at hindi pakakawalan,
o ang ’yong pahahalagahan,
mamahalin at pangangalagaan.

Hindi ako ang unang naging pahinga
o tahanang mauuwian sa pag-iisa,
bangkong sandalan sa tuwina
o unan na sumaksi sa mga luha
at kumot na nakayakap sa paghinga ng pusong nangamba.

Hindi ako ang unang dahilan
ng mga ngiti, ng sayá at pag-asa,
o ng sakit, pighati, pagdurusa,
hindi ang unang nakasama sa agos at ragasa
sa hirap at ginhawa.

Hindi man ako ang naging una
habang ikaw ang aking naging una
maramdaman mo sana
na ikaw at ako ang magiging huli
sa mga susunod na araw, buwan, taon, o magpakailanman,
at sa walang hangganang sandali.

Mahal ko,
mahalaga ka’t mananatiling may halaga.
Mahal ko,
palaging mahal kita.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Sep 30, 2022 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Between: A Collection of PoemsWhere stories live. Discover now