Life Over Dream

1 1 0
                                    

Pangarap o buhay, alin nga ba sa dalawa? Maaari bang huwag na lang akong mamili sa kanila? Maaari rin bang sila na lang dalawa?Napakahirap, oo, takot ako dahil alam ko, isa man sa pipiliin ko, magbabago pa rin ang buhay ko.

Isa akong masayahing babae, puno ng pangarap sa buhay. Gusto kong makapagtapos ng pag-aaral at maging Architect. Madali kong magagawa iyon dahil sa pursigido ako, isa pa kaagapay ko ang buo kong pamilya. Mahirap parin kami kahit subsob na sa kakatrabaho ang aking mga magulang. Isang jeepney driver at isang public employee, ito ang kanilang trabaho. Walo kaming magkakapatid, at ako ang panganay, ang pinakaunang dapat katulong nila ng pagsalba sa kahirapan. Malaking responsibilidad ito para sa akin, ngunit handa ko parin itong harapin. Alam ko kailangan ko itong gawin dahil dito rin nakasalalay ang magiging buhay ko pagdating ng panahon. Subalit nakilala ko siya, isang taong nagbigay ng kapanatagan sa aking mundo. Pareho kaming estudyante, pareho rin kaming may pangarap sa buhay. Nag-ibigan kaming dalawa at hindi iyon alam ng aking ina at ama. Gusto kong ipaalam sa kanila ngunit sa tuwing babanggitin ko ito ay biglang may mangyayaring problema. Sa pera? Palagi naman, problema sa bahay, sa bayarin, sa gastusin higit sa lahat problema sa pag-aaral naming lahat. Hindi ko alam kung papaano nila kami binubuhay, kung iisipin, marami kaming magkakapatid, higit sa lahat kakarampot lang ang kinikita nila para sa pang araw-araw naming pangangailangan. Ang daming alalahanin sa bahay kung kaya sa tuwing kasama ko siya, nawawala ang lahat ng iyon. Pinapasaya niya ako, binibigyan niya ng kapanatagan ang buhay ko. Kaya, mas lalong nagsisikap ako sa aking pag-aaral kasi nga isa na rin siya sa mga pangarap ko.

Isang taon na lang ang hihintayin ko, gagradweyt narin ako sa wakas. Napakasaya ko, ngunit mas dama ko ang kasiyahan ng aking mga magulang. Ako ang magiging unang makikinabang sa lahat ng pagsisikap nila, ako ang magiging produkto ng kanilang pangarap. Mas lalo pa akong nagsumikap dahil gusto kong manguna sa lahat. Cum laude, Magna cum laude, o ang Summa cum laude? Kahit saan diyan, handa kong tanggapin magkaroon lang ako ng panghahawakan upang makapagtrabaho agad. Subalit, hindi ko ito naisip at napaghandaan. May mga pagkakataon pala na magkakaroon ka ng hadlang sa iyong buhay at pangarap. Ang pagkakamali. Isang pagkakamaling makapagpapabago ng iyong kapalaran.

Dalawang linggo bago ko nalamang buntis ako. Gumuho bigla ang mundo ko at halos mamatay ako dahil sa lakas ng hampas nito sa buhay ko. Tulala, lumuluha, ni hindi ako makapagsalita. Tahimik lamang siyang nakatanaw at nag-iisip. Alam niya at tinanggap niya naman agad ang nangyari subalit napakahirap ito para sa akin. Magiging ina ako sa batang hindi nakaplanado. Natakot ako na ipaalam ito sa aking pamilya, isang masamang balita ito sa kanila. Ang lahat ng pagsisikap nila para sa akin ay mawawala na parang isang usok. Ang batang ito din ang magiging hadlang sa mga pangarap ko. Abortion.

Dalawang linggo din akong nag-isip. Papaano ko ipagpapatuloy ang aking pag-aaral kung buntis ako? Magiging katawa-tawa ako sa lahat ng tao kapag pumasok pa ako na malaki ang tiyan. Naisip kong ituloy ang napagpasyahan ko noong una. Idinulog ko ito sa kanya at nagalit siya sa akin. Nag-away kaming dalawa. Umuwi ako sa amin na bagsak na bagsak ang kalooban. Napansin iyon ni ina. Tinanong ko siya kung papaano nila kami binubuhay, ang sagot niya ang nagpabago sa aking pananaw. Pagmamahal. Hindi ko matanggap ang naging desisyon ko, magiging ina ako subalit binalak kong patayin ang magiging anak ko. Ang sama kong tao. Umiyak ako sa harapan niya. Sinabi ko ang lahat, akala ko pagagalitan niya ako at palalayasin subalit, niyakap ako ni ina. Alam ko nasaktan ko siya, sinaktan ko ang pamilya ko dahil nagkasala ako subalit ayokong dagdagan muli ang kasalanan ko. Pangarap o buhay? Hindi ko parin kayang sagutin.

Nagkaayos kami ng ama ng anak ko, pinagpatuloy niya ang pag-aaral niya, habang ako ay tumigil muna upang paghandaan ang paglabas ng aming anak. Dumating ang sandaling pinakahihintay namin, isang anghel na babae ang ibinigay ng Dios. Ngayon alam ko na ang sagot sa katanungan ko noon. Buhay ang pinipili ko, dahil ang buhay na nasa harapan ko ngayon ay siya ko na ring naging pangarap at papangarapin magpakailanman.

Random Stories for the ContestWhere stories live. Discover now