Dalawampu't Isa

0 0 0
                                    

Gihandom nako ang kalinaw, kasakit ang mi-abot.

🍂—

Narinig ko ang tawag ng aking mga kasama sa bahay, isinisigaw ang aking pangalan. Kailangan ko na daw lumikas. Pero paano?

Paano ang aking modules? Paano ang aking mga proyekto? Kailangan na silang matapos ngayon...

"Susunod na po ako, Itay!" sigaw ko kahit alam kong hindi na nila ako maririnig ng maayos dahil sa layo na ng kanilang itinakbo. Napalinga-linga na ako sa loob ng aking silid, hindi wari sa kung ano ang dapat unahin. Ang pagtapos ng aking mga gawaing akademiko, o ang pag-impake sa aking mga kagamitan. Walang oras na sinayang, agad kong inayos ang aking mga kagamitan. Kinuha ko ang pinakamalking bag na meron ako at isinalampak lahat ng bagay na maaari kong maligtas, wala akong ibang magawa kung hindi ay iligtas na din ang sarili ko.

Alam ko sa aking sarili ang kagustuhang mawala sa mundo, pero dahil sa bagyong dumatal, tila ako'y nagising sa mahimbing na pagtulog at gumalaw upang mabuhay pa ng mahaba.

Paglabas ko na sa aming tahanan ay nasa bandang bewang ko na ang unti-unting tumataas na lebel ng rumaragasang tubig. Kahit hirap na ako sa aking paglalakad ay pilit kong sinuong ang bahang nanghihila sa kamatayan. Nanlalamig na ang aking katawan kahit na triple na ang suot kong damit pang-lamig.

Pagdating ko sa lugar kung saan kaming lahat ay pansamantalang lumikas, kitang-kita ng aking mga mata ang lungkot at hapis mula sa mukha ng aking mga kapitbahay at ng aking mga kamag-anak. Hinanap ko kung nasaan ang aking pamilya ngunit wala sila kahit anino.

Nasaan sila inay at itay? Ang mga kapatid ko?

"Ikaw ba'y hinahanap ang iyong mga magulang?" Napalingon ako sa lalaking tumapik sa aking balikat at nakita ko ang aming matandang kapina si Tatang Lusyo. Hindi ako makapag-salita dahil sa nginig at takot kung kaya ay tumango na lamang ako.

Itinuro ng kanyang kanang kamay ang itaas na parte ng isang gusali at sinabing, "Naroon sa ikatlong palapag ang pamilya mo, umakyat ka na doon. Nasa gitnang silid sila." Pagkatapos kong marinig iyon ay agad akong kumaripas sa pagtakbo patungo sa kung nasaan sila.

Ngunit...

Nang pumasok ako sa silid kung saan sinambit ni Tatang Lusyo ay nakita ko ang kumpulan ng mga tao sa loob. Nakita ko ang aking pamilya ngunit nag-hihinagpis sila. Pati mga kapitbahay naming naroon ay nagtatangis. Tinanong ko kung ano ang nangyari sa isang lalaking nasa tabi ko at ang sinagot niya lamang ay,

"Patay na si Tatang Lusyo habang nagliligtas ng mga kabataan sa bagyo. Labis kaming nalungkot sa nangyari."

Natigil ang mundo ko. Anong ibig niyang sabihin? Nag-uusap pa kami ni Tatang Lusyo kanina, paano nangyari ang yaong kaganapan?

Agad na kumunot ang noo ko habang naglalakad ako papalapit sa aking pamilya. At nang makita ako ay agad nila akong niyapos. Umiiyak habang sinasambit ang aking pangalan habang tinitignan kung maayos ba akong nakarating at walang sugat. Hindi ako makasagot sa kanila, masyadong nagulat ang aking sistema sa nangyari.

May buhay na nawala sa kasagsagan ng bagyong dumatal. At ang kaluluwa ng isa sa kanila ay tumulong pa sa aking mahanap ang pamilya ko. Hindi ko alam kung ano ang una kong gagawin.

Ang yapusin pabalik ang aking pamilya o ang gumalaw at tumulong?

WUOBURNS :: Winonraiah Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon