SINABI ko sa sarili ko na kailagan nang itigil ang lahat: ang buhay ko para wala nang mabigatan pa dahil sa akin, at ang pag-iibigan namin ni Jandrei para hindi na siya mahirapan sa akin sa huli. Subalit, lahat ng mga iyon ay hindi natuloy.
Nadugtungan pa ang buhay ko, at dahil doon ay naranasan ko ang pag-ibig. Bukod pa roon, naituloy pa ang pagmamahalang tinangka kong putulin. Pero, ano nga ba'ng kahahantungan namin dahil sa desisyon kong magpatuloy?
Dahan-dahan kong hinila papalayo ang kamay ko, subalit kusa na lang pumatak ang luha ko.
Hindi ko pala talaga kayang bitiwan ang kamay niya at ang kaniyang pag-ibig...
Mabilis ko siyang kinapa. Nang mahawakan ko ang balikat niya ay agad ko siyang niyakap nang mahigpit.
"H-Hindi ko pala kaya..." sambit ko at mas hinigpitan ang pagkakayakap sa kaniya. Niyakap niya rin ako pabalik.
Hindi ko pala kayang mawala siya sa tabi ko. Gusto ko pang masilayan ang kulay ng pag-ibig kasama siya. Gustong makita ng bulag na katulad ko kung gaano kakulay ang pag-ibig...
Napakagat na lang ako sa aking labi matapos kong maalala ang eksena kahapon nang umaga. Hindi ko talaga malilimutan ang May 20!
Dinama ko na lang pagdampi ng malamig na hangin sa mukha ko habang nakadungaw ako sa bintana. Dahil hindi ko na nakikita ang kalikasan, dadamhin ko na lamang ang kagandahan nito.
Muling umihip ang hangin at sa pagkakataong ito ay mas malakas na. Mula sa pagkakaupo sa aking kamang katabi lamang ng bintana ay napangiti ako.
"Ay isda!" Halos mapatalon ako sa gulat nang may mainit na palad na humaplos sa pisngi ko.
Mayamaya'y nakarinig ako ng isang paghalakhak. "Jandrei!!!"
Mas lalong lumakas ang tawa niya kaya lumayo ako sa bintana. Hindi ko na narinig pa ang kaniyang pagtawa, subalit wala pang isang minuto ay may kamay na tumakip sa mga mata ko mula sa likuran ko.
"Good morning, my beautiful Eray!" bulong niya sa tainga ko. Tila may kung ano namang kumiliti sa batok ko.
"H-Huwag mo nang takpan ang mga mata ko. Bulag ako, 'di ba?"
Narinig ko ang pagbungisngis niya. "Ay, hehe! Oo nga pala!"
Inalalayan niya na lang ako sa paglalakad palabas, at ilang minuto lamang ay huminto na kami.
"Kulaan ta (nasaan tayo)?"
Mas malakas na kasi ang hangin dito sa kinaroroonan namin, kaya't dinig na dinig ko ang pagaspas ng mga ihinahanging dahoon.
"Sa silong ng puno ng mangga."
Hinawakan niya pa ang aking braso at inalalayan akong umupo sa isang ugat nitong puno. Sigurado akong ugat iyon dahil magaspang at matigas ito. Umupo rin siya sa tabi ko. Mayamaya'y may nag-strum ng gitara. Tatanungin ko sana siya kung siya ang tumutugtog nang bigla siyang umawit.
BINABASA MO ANG
✓Ang Hiraya ni Eray
Teen FictionAng tanging nais lang naman ni Airyza ay masilayang muli ang liwanag, subalit patuloy pa rin siyang nilalamon ng kadiliman. Noong dumating sa buhay niya ang taong nag-akay sa kaniya patungo sa liwanag, doon ay nasaksihan niya ang kapighatian. Liwana...