NOONG mga nagdaang araw, walang oras yata akong hindi nakangiti. Hindi ko maitago ang aking kagalakan dahil pareho na kami ni Jandrei na masaya. Wala pang dumarating na unos, subalit pinaghahandaan na namin ito.
"Tay, madilim na ba sa labas?" tanong ko nang marinig ko ang boses ni itay na kagagaling lamang mula sa palengke.
Sinabi ko na sa kanya noong mga nakaraang linggo na sasama ako sa pagbebenta, pero hindi niya ako pinayagan. Nakapag-adjust na rin naman kasi ako, at sa tingin ko ay kaya ko rin namang magbenta. Nakapaglilinis na nga ako ng bahay namin. Ako na rin ang naghuhugas ng mga pinagkainan at naglalaba ng mga damit.
Pero, sinabi ni itay na dito na lang daw ako. Sapat na raw 'yong ako ang gumagawa ng gawaing bahay. Kung maaari nga ay ayaw niya akong paglabahin dahil baka hindi ko raw kaya, pero iginiit ko naman na kaya ko na.
"Alas kuwatro ni labat katon maliliwawa ni (alas kuwatro pa lang kaya maliwanag pa)," tugon niya. Mula sa kinauupuan ko rito sa sala ay narinig kong may ipinatong sa mesa ng kusina si itay. "Bakit mo naman natanong?"
"Ano... k-kasi po..."
Gusto ko kasing sorpresahin si Jandrei sa rest house nila. Gusto ko ay siya rin ang pupuntahan ko. Palagi na lang kasing siya ang pumupunta sa amin.
"Hay, Eray, sabihin mo na kasi. Huwag ka nang mahiya."
"Gusto ko po sanang puntahan si Rei sa kanila. Palagi kasing siya na lang ang bumibisita rito," sagot ko. Medyo nahihiya pa nga ako kay itay dahil idadawit ko pa siya sa love life ko.
Hindi ko rin naman kasi kayang pumuntang mag-isa roon.
"Ngayon na ba? Eksakto dahil gusto ko ring makita si Pareng Rafael. Matagal na kaming hindi nagkakausap," pagsang-ayon ni itay.
Napatango na lamang ako. Kaya pala noong unang ipinakilala ako ni Jandrei kay Tito Rafael ay alam niya kaagad na anak ako ni itay.
"Sasamahan na kita," aniya. Ihinawak niya na ang kamay ko sa braso niya.
Agad na kaming lumakad para hindi kami gabihin. Hindi na rin naman ako naiilang pa sa mga pinsan ni Rei. Okay na kami ni King tapos ay mabait naman sa akin si Ate Nechole. Wala rin namang sinasabi sa akin si Ivan. Si Karen naman, wala akong pakialam sa sasabihin niya.
Mabuti na rin itong ako ang pupunta kay Rei dahil lagi na lang na siya ang pumupunta sa amin. Buti na lang din, alam ni itay ang daan papunta sa rest house dahil minsan na raw siyang nakarating doon.
Mayamaya'y tumigil na kami sa paglalakad. "Nandito na tayo sa tapat ng gate nila. Kakatok na ba ako?"
Tutugon na sana ako sa sinabi ni itay, subalit may narinig akong mga usapan. Boses iyon nina Jandrei at mga pinsan niya. Nasa labas lang yata sila ng rest house nila.
BINABASA MO ANG
✓Ang Hiraya ni Eray
Teen FictionAng tanging nais lang naman ni Airyza ay masilayang muli ang liwanag, subalit patuloy pa rin siyang nilalamon ng kadiliman. Noong dumating sa buhay niya ang taong nag-akay sa kaniya patungo sa liwanag, doon ay nasaksihan niya ang kapighatian. Liwana...