AKALA ko ay tuluyan na akong makakikita, subalit hindi pa pala. Siguro ay tatlumpung segundo lang ang itinagal no'ng magkaaninag ko sa kaunting liwanag; tatlumpung segundo ko lang nakita ang malabong bulto ng katawan ni Jandrei.
Hindi pa ako pinahintulutan ng kalangitan na tuluyang makakita. Ngayon ay nababalot pa rin ng kadiliman ang aking paligid; walang makitang kahit katiting na liwanag.
"Tay, bakit hindi kayo pumalaot ngayon? May problema ba?" pangungulit ko kay itay habang hinihinwa niya 'yong mga sangkap ng pakbet—ulam namin mamayang lunch.
Nagising kasi ako kaninag madaling araw dahil sa pagkatok ni Jandrei sa bintana ng aking kuwarto. Pagkabukas ko sa bintana ay agad niyang tinanong kung bakit hindi pa kami lumalabas ni itay samantalang alas sais na.
Tinanong ko si itay, mula sa kuwarto ko, kung hindi ba siya papalaot. Syempre, nilakasan ko ang boses ko. Isang matipid na "hindi ako papalaot" lamang ang sagot niya.
Nagpaalam din kaagad si Jandrei dahil may aayusin daw siya sa rest house nila. Sa rest house nila kasi siya nakatira ngayon kasama ang matandang lalaking caretaker.
"Ay palaka!" Halos mapatalon ako sa gulat nang marinig ko ang pagbasak ng kaldero sa sahig naming gawa sa kawayang pawid.
"Ano ba'ng ginawa ninyo tay—"
Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko nang sunod kong narinig ang mas malakas na kalabog, na tila may bumagsak na mas mabigat. Tuluyang bumundol ang kaba sa aking dibdib nang marinig ko ang mahinang pagdaing ni itay. Baka natumba siya!
"Eray..."
Agad kong tumayo sa tulong ng aking tungkod. Nanginginig ang aking mga tuhod at nag-iinit ang sulok ng aking mga mata dahil sa kaba. Akma akong lalakad ng walong hakbang mula sa aming sala papunta sa aming kusina, subalit sa ikatlong hakbang pa lamang ay nadapa na ako.
Unang tumama ang dalawang tuhod ko sa sahig tapos ay naitungkod ko naman ang aking mga siko—lumikha iyon ng malakas na kalabog. Napangiwi na lang ako dahil sa pagkirot ng buto ko sa magkabilaang siko at tuhod.
"Eray..."
Tuluyang rumagasa ang aking mga luha dahil sa inis dahil wala akong magawa. Pinilit kong gumapang na lamang habang kumikirot pa rin ang aking mga dugo. Bahagya ko namang iwinasiwas ang aking kanang kamay upang makapa sana si itay, subalit hindi ko siya makapa.
Tila temporary na nabura sa aking isipan kung ilang hakbang o gapang ba dapat ang gawin ko para marating siya.
"T-Tay, sorry..." wika ko habang humihikbi.
Kahit na sumigaw ako ng tulong, walang makaririnig sa akin dahil nga magkakalayo ang mga bahay rito. 'Yong mga kapatid naman ni itay, matagal nang umalis sa islang ito. Si Jandrei naman, siguradong malayo rin ang rest house nila mula rito.
BINABASA MO ANG
✓Ang Hiraya ni Eray
Fiksi RemajaAng tanging nais lang naman ni Airyza ay masilayang muli ang liwanag, subalit patuloy pa rin siyang nilalamon ng kadiliman. Noong dumating sa buhay niya ang taong nag-akay sa kaniya patungo sa liwanag, doon ay nasaksihan niya ang kapighatian. Liwana...