I
NAKATITIG pa rin sa kisame si Ella, gising na gising ang diwa, nang tumunog ang telepono sa apartment niya. Napakurap si Ella at hinayaang tumunog muna iyon ng matagal bago siya bumangon. Sa counter top sa may kusina nakalagay ang landline phone niya kaya kinailangan pa niyang lumabas ng kuwarto para masagot iyon.
"Semana Santa na naman. Baka naman gusto mo ng umuwi ngayong taon dito sa atin Ella?"
Napangiwi si Ella at bahagyang inilayo ang telepono sa tainga niya dahil halos mabingi siya sa malakas na boses ng kaniyang ina. Bakit ba hindi niya naisip na ito lang ang posibleng tumawag sa kaniya sa alanganing oras ng gabi?
"Ella? Naririnig mo ba ako?"
Muling nilapit ni Ella ang telepono sa tainga niya at sumandal sa pader. "Opo 'Nay."
"Ano nga? Uuwi ka na ba?"
Sa totoo lang ayaw umuwi ni Ella sa probinsya nila. Katunayan mula nang mag kolehiyo siya sa maynila hindi na siya umuwi pa doon. Palaging ang mga magulang niya ang dumadalaw sa kaniya sa boarding house niya noong nag-aaral pa siya at ngayon sa nirerentahan niyang apartment mula nang magtrabaho siya.
Ayaw niyang balikan ang lugar na kinalakhan niya. Natatakot siya sa mga alaalang maaaring mapukaw sa kaibutiran ng isip at puso niya kapag bumalik siya roon. Nalalanghap pa nga lang ni Ella ang ulan para nang may lumalamutak sa puso niya. Ang bumalik pa kaya sa probinsya nila?
"Nay may plano kasi ako kaya hindi ako makakauwi."
"At anong plano ang sinasabi mo? Sino ang kasama mo, aber? Mula pa noon sa tuwing dumadalaw kami ng tatay mo sa iyo wala kaming nakita ni isang kaibigan mo. Wala ka ring naikukwento. Kaya hindi ako naniniwalang may plano ka. Pinagloloko mo na naman akong bata ka, ano? Basta umuwi ka. Kapag hindi ka umuwi kalimutan mo ng may mga magulang ka dito. Hmpf!"
Napakagat labi si Ella at napapikit. "Nanay naman."
"Hindi ako madadaan sa tono mong iyan Ella. Aba'y kahit ang mga kababata mo dito sa atin palagi kang hinahanap at tinatanong kung kailan ka babalik dito. Pati mga guro mo noong high school ka kinukumusta ka sa akin. Umuwi ka na at ipakita mo ang mukha mo sa kanila."
Napabuntong hininga si Ella dahil sa pinalidad sa tono ng kaniyang ina. Mula noon maluwag sa kaniya ang mga magulang niya. Palibhasa nag-iisa siyang anak at hindi naman daw matigas ang ulo niya noong kabataan niya. Subalit kapag ginagamit na ng nanay niya ang tonong iyon alam nilang pareho na hindi siya makakatanggi. Kapag ginawa niya iyon mag-aaway na talaga sila.
Kaya sa huli, sa kabila ng nagbabadyang pagalpas ng emosyong agad niyang nirendahan at ibinalik sa pinakatagong bahagi ng sarili niya, ay napatango si Ella kahit hindi naman siya nakikita ng ina.
"Sige na nga. Uuwi ako," pasukong sabi ni Ella.
"Mabuti kung ganoon. Ah, magdala ka ng pasalubong ha? At oo nga pala. Sa bahay gaganapin ang pabasa sa lugar natin sa taong ito kaya asahan mo na maraming taong darating sa bahay natin."
Umawang ang mga labi ni Ella. "Hindi mo iyan sinabi sa akin kanina," reklamo niya.
Maliit lamang ang barangay nila kaya mula pa noong bata si Ella kapag semana santa sa iisang bahay lang ginagawa ang pabasa na dinadaluhan ng buong barangay. Taon-taon nag-iiba ang bahay na dinadausan ng padasal. Mukhang sila ang naka toka para sa taong iyon.
"Sinabi ko man o hindi uuwi ka pa rin naman. O siya sige na, gusto ko lang marinig ang boses mo. Ang tatay mo kasi natutulog na. Tatabihan ko na. Tumawag ka kapag pauwi ka na ha?"
BINABASA MO ANG
Back In Time
Paranormal"Hindi ka marunong magmahal!" Iyon ang sumbat ng isang katrabaho ni Ella sa kaniya. Hindi iyon totoo. She was in love with someone before. She loved him so much that she could die for him. Subalit isa na lamang iyong bahagi ng nakaraang ayaw nang b...