I
IMINULAT ni Ella ang mga mata at napagtanto niya na nasa likod siya ng bahay nila. Madilim ang kalangitan pero alam niyang hindi gabi. Malakas ang buhos ng ulan at nagngangalit ang hampas ng hangin. Sa di kalayuan malinaw na naririnig ni Ella ang malakas na ragasa ng ilog.
Tila sinuntok ang sikmura ni Ella dahil napagtanto niya kung anong araw siya napadpad. Umaga na nakatakda silang magkita ni Ken. Mabilis na tumayo si Ella, walang pakielam kahit putikan siya at basang basa na nang ulan.
May bagyo sa araw na iyon. Natatandaan ni Ella na hindi naman direkta sa kanila ang bagyong iyon ngunit sa labis na lakas nahagip pati ang kanilang barangay. Natatandaan ni Ella na mahigpit siyang sinabihan ng kaniyang mga magulang na manatili sa loob ng bahay.
Sa naisip napatingin si Ella sa bahay nila. Hindi niya naririnig dahil sa lakas ng ulan at hangin ngunit alam niya na nasa sala ang mga magulang niya, nanonood ng telebisyon, nakaantabay sa bagyo.
Sumunod na nilingon ni Ella ang kakahuyan, kung saan niya naririnig ang malakas na ragasa ng ilog. Tila nilamutak ang sikmura ni Ella at nagsimulang tumakbo patungo roon. Si Ken, sigurado si Ella na pupunta roon si Ken. Kailangan niya mailayo si Ken doon bago mahuli ang lahat!
Maputik ang daan at ilang beses na muntik madulas si Ella. Subalit hindi siya huminto sa pagtakbo. Papalakas ng papalakas ang tunog ng lumalagaslas na tubig ng ilog. Pabilis din ng pabilis ang tibok ng kaniyang puso at patindi ng patindi ang tensiyon na nararamdamn ni Ella.
Hinihingal na si Ella nang marating niya ang tagpuan nila ni Ken. Wala roon ang binatilyo. Napahinga ng malalim si Ella. Gumana ba ang pagkumbinsi niya kay Ken na huwag magpunta sa tagpuan nila? Nagawa ba niyang baguhin ang nakaraan?
Sana. Huwag kang dumating Ken. Please.
Habang paulit-ulit iyong sinasabi sa isip ay napako si Ella sa kinatatayuan at napatitig na lamang sa ilog. Napakataas ng tubig doon at lumalampas na ang tubig patungo sa kinatatayuan ni Ella. Tila ba galit na galit ang ilog, tila isang buhay at mabangis na hayop na nag-aamok. Alam ni Ella na dapat siyang matakot sa ilog. Subalit nang mga sandaling iyon mas matindi ang pagnanais niyang masiguro na hindi nga darating doon si Ken.
Noon nakarinig si Ella nang yabag ng tila tumatakbo palapit sa direksyon niya. Tinalikuran ni Ella ang ilog at humarap sa direksyon kung saan nanggagaling ang yabag. Nalaglag ang puso ni Ella at nataranta nang makita si Ken na tumatakbo palapit sa kaniya. Nakasuot si Ken ng kapote at may kipkip na kung anong nakabalot sa plastic bag upang marahil ay huwag mabasa.
"Ken!" malakas na tawag ni Ella kay Ken. "Sinabi ko na sa iyo na huwag tayong magkita ngayon," tarantang sigaw niya.
Mabilis na nakalapit si Ken. Tumingin ito kay Ella at kumunot noo. "Bakit? Ayaw mo ba akong makita?"
Umiling si Ella. "Hindi sa ganoon. Pero delikado, malakas ang ulan at –"
Hindi naituloy ni Ella ang sasabihin dahil biglang hinawakan ni Ken ang braso ni Ella at bahagya siyang hinigit palapit. Tumitig si Ken sa mga mata ni Ella. Nakagat ni Ella ang ibabang labi dahil nakita na naman niya ang kislap ng lungkot sa mga mata ni Ken.
BINABASA MO ANG
Back In Time
Paranormal"Hindi ka marunong magmahal!" Iyon ang sumbat ng isang katrabaho ni Ella sa kaniya. Hindi iyon totoo. She was in love with someone before. She loved him so much that she could die for him. Subalit isa na lamang iyong bahagi ng nakaraang ayaw nang b...