Chapter Four - Flashback

4.7K 135 8
                                    

I

 "ELLA, anong nangyayari sa iyo? Masakit ba ang ulo mo?"

"Ha?"

Nagmulat ng mga mata si Ella at ang una niyang nakita ay ang mukha ng isa sa mga dalagitang nakasalubong niya kanina. Nag-aalala ang ekspresyon sa mukha nito.

Nagulat si Ella at bahagya pang napaatras. She felt disoriented. Pakiramdam ni Ella nagkaroon ng isang malaking blangko sa memorya niya at hindi niya alam kung paanong nasa harap niya bigla ang dalagita. Pakiramdam ni Ella isa siyang dvd player na biglang nag fastforward o kaya nag-skip. Kanina lang ay nakatayo siya sa gitna ng kalsada. Bakit ngayon nasa harap na niya ito? Bakit tila nakaupo na si Ella sa loob ng isang silid? At tila ba magkapantay lamang sila ng taas.

"Okay ka lang? Kanina lang pinag-uusapan natin ang nakakatawang palabas sa telebisyon kagabi tapos bigla kang umaray na parang may masakit sa iyo," sabi ng dalagita na ngayon ay unti-unti nang nagiging pamilyar kay Ella ang hitsura.

Kumunot ang noo ni Ella.  "Maricel?" alanganing tanong niya.

Lalong bumakas ang pagtataka sa mukha ng dalagita. "Bakit?"

Si Maricel nga?! Na mas bata at nakasuot ng high school uniform nila noon.

"May dinaramdam ba si Ella?"

Lumampas ang tingin ni Ella kay Maricel patungo sa nagsalita. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang isang guro ang pumasok sa silid. Natatandaan niya ang gurong iyon. Adviser nila noong second year high school sila.

Kung ganoon talagang nasa loob ako ng classroom? 

Iginala ni Ella ang tingin sa paligid at nakita niyang nakatingin sa kaniya ang mga estudyanteng naroon. Lahat nakaupo sa kani-kaniyang desk chair. Lumingon siya sa kaliwa at nakita niyang nakaupo doon ang isang binatilyo na habang tinititigan ni Ella napagtanto niyang si Aljon na mukhang nag-aalala ring nakatingin sa kaniya. It was weird to see him this young. Kagabi lang ay nakita niya ito na twenty six years old. Ganoon din si Maricel.

"Namumutla ka. Tawa ka lang ng tawa kanina ah," sabi pa ni Aljon.

Ako? Tawa ng tawa?

Noon naisipang ibaba ni Ella ang tingin sa sarili. At marahas na napatayo nang makitang naka school uniform din siya at mas maliit ang mga kamay kaysa dati. Nanlalaki ang mga matang napahawak si Ella sa ulo at napagtanto na maiksi na ang buhok niya.

"Anong nangyayari sa akin?" bulalas ni Ella.

Naitakip niya ang kamay sa bibig dahil bigla napagtanto din ni Ella na pati boses niya iba. Hindi malaki ang kaibahan subalit alam niyang iba pa rin. Napasulyap siya sa bintana ng classroom nila at sa salamin niyon. Nakita ni Ella na ang repleksyong nakatingin sa kaniya ay walang iba kung hindi ang batang si Ella.

Bumalik siya sa pagkabata?!

Pero bakit ganoon, alam niya sa loob niya na matanda na siya. Natatandaan pa niya ang mga alaala niya noong twenty six years old siya. Alam niya na kanina lang ay nasa tuyot na ilog siya at nahulog siya roon. Maging ang mga nangyari bago siya umuwi ng probinsya sa pangungulit ng nanay niya.

Kumabog ang dibdib ni Ella. Kahit anong isip ang gawin ni Ella hindi niya mahanapan ng lohika ang nangyayari sa kaniya. Ang tanging sumasagi lang sa isip niya ay ang babala ng kaniyang ina kaninang umalis siya ng bahay.

Maraming nangyayaring kababalaghan kapag ganitong araw.

Iyon ba ang nangyayari ngayon kay Ella?

Muling napatingin si Ella sa sarili niya. Kinapa ang dibdib niyang ngayon ay halos flat na pati ang mukha niyang mas bilugan kaysa nakasanayan na niya. Mariin niyang kinurot ang sariling mga pisngi. "Aray."

Back In TimeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon