I
"AALIS ka na? Nakakalungkot naman. Kailan ka namin makikita ulit niyan?" malungkot na sabi ni Maricel nang dumating ito at ang mga kaklase nila noong high school sa bahay ni Ella kinagabihan.
Sinabi kasi ni Ella sa mga ito na balak na niyang bumalik ng maynila bukas ng umaga. Determinado na siyang simulan ang pagbago sa buhay niya. Dahil napagtanto niya kanina na kung babalikan man siya ni Ken gusto ni Ella makita nito na maayos ang buhay niya. Na hindi niya kinalimutan ang sinabi nito na huwag kakalimutan ang katangian niya na gustong gusto nito.
Ella wanted Ken to see that she's doing her best to fulfill her dream. Nagsayang na si Ella ng labing dalawang taon kaya ayaw na niyang madagdagan pa iyon kahit isang araw lang.Kaya kailangan na niyang bumalik ng maynila. Maraming kailangang asikasuhin si Ella sa siyudad.
"Ayoko kasing sumabay sa maraming tao na siguradong uuwi ng linggo ng hapon," sagot na lang ni Ella. Mukhang hindi pa rin kumbinsido si Maricel. Kahit sina Warren at Aljon iginigiit na manatili siya ng isang araw pa.
Napangiti si Ella habang pinagmamasdan niya ang mga kaibigan niya. Napakalaki talaga ng iniba ng hitsura ng mga ito kaysa noong mga teenager pa sila pero ang mga ugali hawig pa rin. Kahit tuloy kaninang umaga lang umiiyak siya habang tinitingnan ang sketch pad na bigay ni Ken, hindi maiwasan ni Ella ang makaramdam ng saya habang pinapanood ang mga kaibigan niya.
Napansin ni Ella kanina mula ng dumating ang mga kaibigan niya na pati memorya ng mga ito naapektuhan ng pagbalik niya sa nakaraan. Kanina nabuksan ang paksa tungkol sa isang pangyayari daw noong second year high school sila na bigla na lang daw tumalino si Ella lalo na sa math. At noong nagalit daw siya dahil akala niya masama ang trato ng mga ito kay Ken.
Ang pagbabago ng memorya ng mga kaibigan ni Ella at pag-iiba ng mood nila kompara noong unang gabi niya sa probinsya ay isa na namang patunay na talagang bumalik si Ella sa nakaraan.
"Ella, huwag ka muna umalis," sabi na naman ni Maricel.
"Babalik naman ako," nakangiti pa ring sabi ni Ella.
"Sinabi mo rin iyan dati pero –" Napahinto sa pagsasalita si Maricel at napamaang kay Ella. Na mukhang napansin ni Aljon at Warren dahil tumingin din ang dalawa kay Ella at napatanga din.
Tumaas ang kilay ni Ella pero natawa sa ekspresyon sa mukha ng mga ito. "Bakit ganiyan ang hitsura niyo?"
"May naiba sa iyo!" sabay-sabay na bulalas ng tatlo.
"Umaliwalas ang mukha mo. Hindi katulad kahapon na parang ang lungkot mo at kahit nandito ka parang wala ka," sabi ni Maricel.
"Ngayon tumatawa at ngumingiti ka na. Parang noong mga bata pa tayo," sabi naman ni Warren.
Saglit lang na natigilan si Ella bago lumambot ang ngiti. "Pagod lang ako kahapon."
Umiling si Aljon. "Hindi lang iyon dahil pagod ka. Mula pa noong high school tayo ganoon ka. Pagkatapos ng nangyaring aksidente sa inyo ni Ken at noong bigla na lang siya umalis at hindi na bumalik, nawala na ang ngiti mo at hindi na namin narinig ang tawa mo. Nag-alala tuloy kami nang sabihin mo sa amin na sa maynila ka magkokolehiyo. Lalo na nang hindi ka na bumalik."
Ngayon napagtanto ni Ella kung gaano niya pinag-alala ang mga kaibigan niya. Dahil lang hinayaan niya ang sariling matalo ng pighati. Naiba man ang nakaraan ganoon pa rin ang ginawa niya. Ikinulong ang sarili sa pader at hindi hinayaan ang kahit sino na makapasok. Subalit hindi na uulitin ni Ella ang naging pagkakamali niya.
"Huwag na kayong mag-alala sa akin. Okay na ako. At pangako babalik talaga ako. May kailangan lang akong asikasuhin sa maynila," alo ni Ella sa mga kaibigan niya.
BINABASA MO ANG
Back In Time
Übernatürliches"Hindi ka marunong magmahal!" Iyon ang sumbat ng isang katrabaho ni Ella sa kaniya. Hindi iyon totoo. She was in love with someone before. She loved him so much that she could die for him. Subalit isa na lamang iyong bahagi ng nakaraang ayaw nang b...