Kabanata VI

71 30 3
                                    

MAALIWAS ang kalangitan at masisilayan mula sa himpapawid ang mga ibong masayang nagliliparan.

Umihip nang marahan ang hangin na siyang nagpapasayaw ng mga dahon sa kagubatan. Tumama iyon sa aking mukha kaya't gumalaw rin ang ilang hibla ng aking buhok na nakatabing sa aking mukha. Maingat kong sinampay ang mga damit ng Heneral sa labas ng gusali sapagkat ako ang nautusan niyang gawin ang mga ito. Ibig ko sanang tumakas subalit ako ay kinakabahan na baka sa aking pagtakbo ay may puputok na rebolber at tatama iyon sa aking ulo kaya 'wag na lang.

"Pasalamat ka, malakas ka sa 'kin kundi naku sa kagubatan 'to pupulutin mga damit mo," nanggigigil kong saad at panay pa ang turo sa mga damit na nakasampay sa sampayan na para bang kinakausap ko ang mga ito. Kung may makakita man sa ginagawa ko ngayon ay tiyak pag iisipan akong may saltik sa utak.

"Berto!"

Muntik nang malaglag ang aking sinturon sa pagkabigla. Hindi ko mawari kung maihahampas ko ba ang damit na aking hawak sa kung sino man ang tumawag sa 'kin.

Lumingon ako dito at ngumiti ng pilit, "May ipapalaba ka ba sa 'kin, Señor?"

Si Sho Horikoshi lang pala. Nakasuot ito ng damit pangdigmaan sapagkat galing lamang ito sa pagdaluhong sa karatig lungsod. Ako ay nakakatiyak na nakauwi na rin ang heneral at ang kaniyang mga hukbo.

Umiling lang ito at nakapameywang na lumapit sa 'kin, "May ibig akong ipagtapat sa iyo, Berto," seryosong saad ni Sho sa 'kin at umakbay pa.

Nakakarami na ang isang 'to. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako sanay na tawaging Berto. Clara nga kasi at hindi Berto.

"Tila'y mabigat ata ang iyong dinadala, komportable ka bang ibahagi sa 'kin ang bumagabag sa iyong isipan, Señor?" Tugon ko gamit ang panlalaking boses. Kaunti na lang talaga mapapaos na ako nito.

"Hangga't maaari, Sho na lang ang itawag mo sa 'kin, Berto. Hindi ko matiis pang mapakinggan kapag ako ay tinatawag mo ng ganiyan, mukha akong matanda sa panulukan ngunit makisig nga lang," saad niya sabay hawak sa kaniyang tiyan habang tumatawa.

May saltik ba siya? Alam ko namang siya ay isang makisig na binata at tinitiyak kong maraming dalaga ang mahuhumaling sa kaniya subalit maluwag ata ang turnilyo niya sa utak.

"Kung iyan ang iyong kagustuhan." Umupo na lang muna ako sa mga trosong nakaimbak at tiningnan si Sho. "Sige na, may ipagtatapat ka pa, 'di ba?" dagdag ko pa kaya't umupo na rin siya sa aking tabi.

"Ganito kasi iyon, may nobya ako dati na labis kong naiibigan subalit may hindi magandang nangyari."

Umismid muna ako at tinaasan siya ng kilay, "Oh, tapos?"

Huminga muna ito nang malalim bago nagpatuloy, "May pagkakataong ibig kong sorpresahin ang aking nobya kapag sa tuwing ako ay galing sa pagsasanay ngunit isang araw pagkauwi ko sa aming tahanan ay agaran akong lumapit sa kaniyang likuran at hinalikan siya sa leeg. Alam mo ba kung ano ang nangyari sa tagpong iyon, Berto?"

"Hindi," naguguluhan kong saad sabay kagat sa aking kuko na tila ba'y dala na din ng kuryusidad dahil sa kaniyang kuwento na kahit alam kong inuuto lang ako ngunit nagpahikayat pa rin ako.

"Tumawa lang ang aking nobya sabay sabi, ‘tumigil ka Koyasashi, mamaya na tayo maglampungan at nang matapos ko na ito’," saad ni Sho at ginaya pa ang boses ng kaniyang nobya at iwinasiwas pa ang kamay nito sa ere. "Ang pinagtataka ko lang, Berto. Pangalan ko ay Sho at hindi Koyosashi!" dagdag pa niya.

Matapos niyang sabihin iyon ay pumapadyak siya sa lupa na parang bata na inagawan ng laruan, panay din ang suntok niya sa ere kaya't hindi ko alam kung tatawa ba ako o maaawa. Naramdaman ko pagkadismaya at pagkamuhi na lumukob sa kaniyang katauhan .

"Tama na 'yan," awat ko sa kaniya ngunit ayaw pa ring tumigil sa kaniyang ginagawa. Sa kagustuhan kong pigilan siya ay napunta ang kaniyang kamao sa aking mukha. Ayun, sumapol.

Anak ng mga anak ni Aling Conchita!

Nang dahil sa nangyari ay tumigil ito at ang atensiyon niya ay napunta na sa 'kin. "Ayos ka lang?" tanong niya pa na may halong pag aalala kaya hindi ko mapigilang ambahan siya ng suntok.

Sa pagkakataong ito ay nandilim ang aking paningin at kahit si Sho na miyembro ng kauna-unahang militar sa bansang Japan ay nawalan na ako ng paki. Lintik lang ang walang ganti!

NATAGPUAN na lamang namin ang aming mga sarili sa loob ng gusali na pinapagalitan ni Heneral Shun Amasawa. May bukol ako sa may bandang noo at si Sho naman ay may pasa sa dalawang mata.

"Sore wa subete jikodeshita, shōgun," (Aksidente lamang ang lahat, Heneral) malumanay na tugon ni Sho sa aming kaharap na si Heneral na may dala pang pamalo. Panay ang lakad nito sa aming kinatatayuan na para bang isang magulang na handa nang hatawin ang kaniyang mga anak.

"Ayamatte ryōme o nagurimashita yo ne?" (Aksidente mong nasuntok ang dalawa mong mata, ganoon ba?) Tanong ng Heneral at napailing na lang ng ilang beses.

"Sore wa sonoyōni miemasu, ippan," (Parang gano'n na nga, Heneral) saad ni Sho bago tumawa nang malakas sabay hampas sa aking balikat na tila ba'y walang nangyaring away sa amin kanina. Nang mapansin ni Sho na siya lang ang tumatawa sa buong silid ay agad din itong tumigil.

MALALIM na ang gabi at tanging lampara lamang ang nagbibigay liwanag sa buong silid. Maririnig na rin sa labas ang mga tinig ng kuliglig na tila'y nagbibigay saya at tinig sa payapang kagubatan.

Kanina lamang ay napag alaman kong isang doktor si Soledad, malayo ako kumpara sa kaniya sapagkat katulong lamang ako ng aking Amang doktor kapag ito ay nanggagamot sa San Labirtad.

"Kumusta ang kalagayan ng mga bihag?" Tanong sa 'kin ni Mateo habang nakaupo ito sa kaniyang higaan. Maayos ang pustura nito sapagkat bago itong ligo.

Napabuga lamang ako ng hangin bago siya tapunan ng tingin, "Maayos naman ang kanilang kalagayan subalit hindi pa rin ako mapakali."

Umangat ang makapal nitong kilay, "May dapat ba akong ikabahala, Señorita Clara?"

Umiling lamang ako ng ilang beses at nag iwas ng tingin. Ako ay nakatitiyak na may maitim na balak ang Koronel kay Soledad at Mercedes sapagkat ang lagkit nitong tumitig sa dalawang dalaga. Ibig ko sanang ipagbigay alam kay Sho at heneral Shun subalit inunahan ako ng kaba.

Hindi ko batid kung papakinggan nila ang aking munting tinig.

"Tulungan mo 'ko, Mateo," seryosong saad ko habang siya naman ay tahimik lamang na nagmamasid sa durungawan ng selda. Panay ang pagtaas baba ng kaniyang dibdib, palatandaang siya ay kinakabahan sa maaari kong naging hiling sa kaniya.

"Ano ang maitutulong ko sa 'yo?"

"Itakas natin sila dito."

Kasabay nang paghampas na malamig ng hangin sa aking mukha ay siyang pagkalampag sa hindi kalayuan. Mula sa selda ng mga bihag, mula sa selda nina Mercedes at Soledad.

"Huwag! Parang awa niyo na, 'wag!" Sigaw ng isang babae.

Ako ay nakatitiyak kung kanino ang tinig na iyon. Iyon ay galing kay Soledad.

AishitemasuTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon