Kabanata XVII

68 6 2
                                    

{Kabanata 17}

SA UNANG gabi at sumunod na mga araw ay isinagawa na namin ang pagdaluhong sa kabilang lungsod na kung saan namamalagi ang pangkat ni Koronel Seiji. Natitiyak kong pinaghahanap na kami ng kaniyang mga hukbo.

Suot namin ang kamiso de tsino, salakot at kabilang na roon ang takip namin sa mukha nang sa gayon ay hindi nila malaman ang tinatago naming katauhan. Palaso't pana ang ginagamit naming dahas sapagkat iyon ang nabuo naming plano. Papatayin namin sila sa tahimik na paraan.

Sa bawat pagkawala ng aming mga palaso ay tinitiyak naming tatama ito sa dibdib, leeg o ulo ng nasabing tudlaan, sa madaling salita kailangan naming mapaslang nang mabilis ang mga sundalong hapones na aming mahagilap.

Nang dahil sa tulong ng lubid ay malaya kaming nakakaakyat sa matatayog na gusali na sa iba't ibang kampamento ng mga hapones, sa bawat pook na kanilang pinagpugaran ay wala kaming pinapalampas.

Ang isa ay naging lima, ang lima ay naging sampu, sampu hanggang naging dalawampu, dalawampu hanggang sa umabot sa limampu, limampu ay naging isang daan. Isang daan na ang bilang ng mga bangkay ng nga hapones na aming napatay. Ilang gabi naming pinagpaguran iyon at isa lang ang masasabi ko, nadungisan na ng dugo ng aming mga kaaway ang aming mga palmera.

Nagsisimula na ang labanan sa pagitan ng mga hapones at sibilyan.

“Nakapaskil po sa bawat sulok ng panulukan ang ating mga mukha ngunit may takip, ate Clara. Gayundin po sa ibang lungsod. May pabuya pong makukuha sa kung sino man po ang makakapagturo sa mga nasabing salarin,” nag-aalalang tugon ni Demetrio.

“Magkanong pabuya ang ipinatong nila sa ating mga ulo?” Tanong ni Esme.

“Dalawang daan,” sagot ni Deme.

“Dalawang daang gurami?!” Sigaw naming lahat maliban kay Demetrio.

Umiling lamang siya at napakamot sa kaniyang batok, “Dalawang daang barya. Malaking halaga na rin iyon at maaari ka nang makapagpatayo ng sarili mansion kung susumahin.”

Napatango na lamang kami ng ilang beses. Kung gayon ay nanganganib ang aming mga buhay, sa oras na may magsusuplong sa amin ay natitiyak kong kailangan din ng taong iyon ang salapi.

“Ngunit sa ilang araw na nakapaskil ang ating mukha sa bawat sulok ng panulukan ay wala ni isang kababayan natin ang nagtangkang isuplong tayo sa mga hapones. Hindi ba't nakapagtataka iyon?” Tanong ni Santi. Kasalukuyan niyang nginunguya ang bagong luto na mais.

“Marahil ang kanilang loob ay nasa ating panig,” maikling tugon ni Sylvestre. “Mas mainam kung ganoon nga nang sa gayon ay walang makakahadlang sa susunod nating balak.”

Matapos niyang banggitin ang katagang iyon ay hinugot niya ang kaniyang patalim na nakatago sa kaniyang tagiliran at sinugatan ang kaniyang palmera. Mayamaya, may pulang likido na lumabas doon at hinayaan niya lamang itong dumanak sa lupa. Ang dugo ni Sylvestre ay tila'y may sariling buhay sapagkat nakabuo ito ng letra na ngayo'y nagkadidikit-dikit hanggang sa may nabuong kataga.

‘Opisyal’

“Ano ang ibig sabihin niyan?” Tanong ni Santi kay Demetrio, muntikan pa nitong maibuga ang nginunguya niyang mais.

“Ang mga sundalong hapones na ating napaslang ay nagsilbing tulay sa susunod nating hakbang. Ang susunod nating tudlaan ay magsisimula sa maliit na antas na opisyal hanggang sa pinakatuktok, maliban na lang kay heneral at señor singkit,” aniya. Nagtitimping tumawa ang binata. Maging kami ay nagtakip na lamang ng mukha sapagkat nasilayan namin sa mukha ni Esme na ito'y namumula.

AishitemasuTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon