Aurelia
Alas kwatro y media pa lamang ay nagising na ako kahit na mamaya pang alas otso ang pag-alis ko para pumunta ng bayan at makapagpa-enrol para sa unang taon ko sa kolehiyo. Balak ko kasi na tulungan muna si Tatay na magdala ng mga binhi ng palay sa maliit na sapa na nasa may bandang likod bahay namin. Paglabas ko ng aking maliit na silid ay nakita ko si Tatay na umiinom ng kaniyang kape.
"Magandang umaga, anak. Maaga pa, hindi ba mamaya pa ang punta mo ng bayan?" bati ni Tatay.
"Magandang umaga po, tay. Opo pero tutulungan ko po muna kayo sa pagdala ng ibababad na binhi sa sapa, ang simula naman po ng pag-enrol ay alas diyes pa po. Kaya ayos lang na tulungan ko muna po kayo" sabi ko naman sa kaniya na ikinatango naman ni Tatay.
"O siya sige, kung iyan ang gusto mo. Mag-almusal ka muna at pagkatapos mo ay gagayak na tayo, nasa kusina ang nanay mo" sambit naman niya, nagpaalam naman ako na lalabas muna.
Ang kusina namin ay nasa may gilid ng aming bahay pati ang paliguan na mayroong maliit na pwesto upang may lugar para makapagbihis. Ang aming bahay ay parang bahay kubo lamang na mayroong dalawang maliliit na kuwarto at isang katamtaman na kuwarto para kila Nanay at Tatay. Mayroon din na maliit na sala at maliit na banyo na sasakto lamang na pang-isahang tao. Kung kaya't ang aming kusina at paliguan ay nasa may gilid na lamang ng aming bahay.
Nakita ko si Nanay na naglalaga ng saging at kamote na siyang umagahan namin ngayon. Nakita naman ako nito kaagad at tinanong kung bakit maaga ako ngayon.
"Sige na, magtimpla ka na riyan ng kape at malapit na rin maluto itong saging at kamote" sabi niya, kaya agad naman akong nagtimpla ng kape.
Pagkatapos ko kumain ng almusal kasabay ni Nanay, bumalik ako sa loob para magpalit ng damit.
"Ayos ka na ba, Lia? Tara na para hindi na tayo matagalan at ika'y may lakad pa." sabi ni Tatay nang makita na akong lumabas muli ng aking silid.
"Opo tay, halina po" aya ko naman kay Tatay, nagpaalam na muna kami kay Nanay na abala na ngayon sa pagluto ng kaniyang mga panindang kakanin.
Dala namin ni Tatay ang ilang mga sako, lubid at ang isang sako ng binhi. Pasan-pasan ni Tatay ang sako ng binhi habang dala ko naman ang mga sako at lubid na gagamitin sa pagbabad ng mga binhi.
Pagkalipas ng ilang minuto ay narating na namin ang maliit na sapa, agad na nilapag ni Tatay ang sako ng binhi.
"Lia, pakisalin ang kalahati ng binhi sa isang sako at itatali ko lamang saglit ang lubid sa puno." utos ni Tatay na agad naman akong tumalima.
Kinuha ko ang isang sako at isinalin ang kalahati ng mga binhi. Kailangan kasi na hindi puno ang sako upang maluwag ang espasyo ng mga binhi kapag natubuan na sila ng ugat. Kaya kailangan na kalahati lamang ang laman ng isang sako. Matapos ko mailagay ang kalahati ay itinali ko ito, maging ang sako na pinagkuhaan ko. Sakto naman na natapos na si Tatay sa pagtatali ng lubid sa isang puno, kaya agad ko namang itinali sa dulo nito ang isang sako ng binhi habang nagtali muli si Tatay ng isa pang lubid sa puno.
Matapos na maitali sa may dulo ng lubid ang isa pang sako ay sabay namin na dahan dahang inihulog sa may sapa ang dalawang sako ng binhi.
"Babalikan na lamang natin 'to pagkalipas ng tatlong araw" sabi ni Tatay habang sinisigurado na naihulog ng maayos ang mga sako.
"Hindi ba't isang linggo ang kinakailangan para masiguro na may ugat na talaga ang mga binhi, Tay?" tanong ko kay Tatay.
"Kailangan kasi natin maitanim ang mga binhi bago dumating ang sumunod na linggo dahil kinakailangan kami sa kabilang bayan ng buong isang linggo sa susunod na linggo dahil tag-ani na ng palay sa sakahan ng Lolo Henrick mo at sasama na rin ako sa pangingisda ng mga tiyuhin mo. Mabuti na lamang at nauna tayo na nakapag-ani, hindi nagkasabay ang petsa ng pag-ani. Dagdag kita rin iyon, anak." sabi naman ni Tatay.
BINABASA MO ANG
Untying Unscramble
General FictionNamuhay sa isang simpleng pamilya at payak na pamumuhay sa isang liblib na bayan si Ma. Aurelia Madrid. Lumaki siya na mulat sa mga bagay na tanging mga tao lamang na nasa simple o mababang uri ng pamumuhay ang nakararanas, nasanay sa mga bagay na m...