"Archie! Lia! Dito tayo!" pasigaw na sabi nito habang kumakaway kaway pa.Nakita namin ang isa sa mga naging kaklase namin at kaibigan na rin namin ni Archie. Umiling na lamang ako at nauna nang lumapit, sumunod naman sa akin si Archie.
"Ang tagal niyo namang dumating, kanina pa kaya ako dito. Akala ko nga nakapagpa-enrol na kayo." bungad nito nang makalapit ako sa kaniya.
"Alam mo naman na malayo kami sa bayan, Lila. Mabuti nga malapit ka lang dito, hindi ba ang usapan naman natin alas diyes tayo magkikita?" sabi ko naman sa kaniya na ikinakamot lamang niya ng ulo. Halata naman kasi na excited na siya mag-enrol, pareho kami ng kurso na kukunin kung kaya't sabay na rin kami na magpapa-enrol.
Binati naman ni Archie si Lila at pumila na rin kami dahil parami na nang parami ang mga estudyanteng dumadating para magpa-enrol kahit na unang araw pa lamang ng enrollment. Napagdesisyunan na rin kasi namin na mag-enrol na sa unang araw pa lamang para hindi na kami maaabala sa mga gagawin namin habang bakasyon.
Matapos ang isang oras mahigit ay natapos na kami na makapagpa-enrol, hindi na rin naman na nag-aya kung saan si Lila dahil may gagawin pa raw siya sa kanila. Nang nasa paradahan na kami ay tinanong ako ni Archie kung may gusto akong puntahan, kaya sinabi ko kung pwede na puntahan namin ang pwesto ni Nanay.
Nang makarating kami sa pwesto ni Nanay, nakita namin siya na mayroong binbentahan. Nang makita kami nito ay kaagad kaming tinanong kung tapos na kami magpa-enrol.
"Opo nay, dumaan lang po kami para sabihin na nakapag-enrol na kami. Mabuti nga po maaga kami na nag-enrol dahil paubusan po pala ang slot sa kursong Education " sabi ko naman.
"Aba'y mabuti na nga lang talaga at maaga niyo naisipan. Diretso na ba kayong uuwi? pwede niyo bang idaan yung isang bilao ng maja blanca kila Mang Caloy dahil nakalimutan ko na idaan sa kanila kanina at ipadala sa Tatay mo dahil naaligaga ako sa pag-aayos ng paninda. Mamaya pa kasi ang dating ng Tatay mo, baka magsimula nang maaga ang selebrasyon nila. Mabuti at dumaan kayo dito." sabi naman ni Nanay, tiningnan ko naman si Archie dahil ang alam ko ay may kikitain pa siya at baka magtagal pa siya doon. Maaari namang ako na lang ang maunang umuwi para maibigay na rin ang order ni Mang Caloy.
"Opo, Tita Ada. Wala pong problema, may kikitain lang kami saglit tapos uuwi na rin kami kaagad." sabi naman nito.
"Maraming salamat, Archie. O tanghalian na, kumain na ba kayo? Gusto niyo bang kumain, bibilhan ko kayo." sabi naman ni Nanay na tatayo na sana sa kinauupuan ng pigilan siya ni Archie.
"Okay lang po, Tita. Huwag na po, kakain na lang kami ni Aurelia pag-uwi. Pabili na lang po ako ng limang cassava tsaka limang latik po na paborito ni Nanay." sambit ni Archie, agad ko naman naalala na pinangakuan ko pala si Oliver na bibilhan ko siya ng pasalubong. Nagpaalam muna ako sa kanila at pumasok sa may loob pa ng palengke para bumili sa bilihan ng mga matatamis.
Bumili ako ng dalawang balot ng tira-tira candy stick at limang maliliit na bandi para naman sa amin nila Tatay at Nanay. Matapos ko makabili ay agad akong bumalik kila Nanay at nakita ko si Archie na pasakay na ng kaniyang motor.
"Oh nariyan na si Lia, sige na. Magi-ingat kayo sa daan at Archie ayusin ang pagmamaneho." sabi at paalala ni Nanay, nagpaalam naman na kami at umalis na.
Nagtaka ako nang huminto kami sa isang maliit na parang tindahan sa may gilid ng kalsada. Bumaba naman na ako at tiningnan ang loob ng tindahan, para siyang bilihan ng mga accesories.
BINABASA MO ANG
Untying Unscramble
General FictionNamuhay sa isang simpleng pamilya at payak na pamumuhay sa isang liblib na bayan si Ma. Aurelia Madrid. Lumaki siya na mulat sa mga bagay na tanging mga tao lamang na nasa simple o mababang uri ng pamumuhay ang nakararanas, nasanay sa mga bagay na m...