KABANATA 2 (ANG PAGDATING NI LOUISA SA MANSION NG MGA HIDALGO)

6 2 1
                                    


ISANG linggo na ang nakakaraan magmula nang alukin ako ni Isabel ng trabaho. Dahil sa hirap ng buhay hindi na ako tumanggi. Sa katunayan ay nakuha ko na ang isang buwan kong suweldo. Kailangang-kailangan kasi ni Itay ng gamot, kaya naman kinapalan ko na ang mukha ko at nakiusap kay Isabel na kung maaari na ba akong bumale. Hindi naman niya ako tinanggihan at dali-daling tumawag sa mga magiging amo ko sa Maynila. Hindi pa man lumilipas ang isang araw ay naiabot na sa akin ni Isabel ang tatlumpung libong piso. Sa tanang buhay ko ay ngayon lamang ako nakahawak ng gano'n kalaking halaga, kaya naman natuwa ako.

Bago umalis sa bayan ng Villa Isla ay inihanda ko na ang lahat ng aking kakailanganin. Binili ko na rin ng pang isang buwang gamot at vitamins si Itay. Pati paggo-grocery ay hindi ko nakaligtaan. Ang natirang pera naman ay iniwan ko na sa aking ama, upang kahit papaano ay mayroon siyang allowance habang nasa malayo ako.

Alas kwatro pa lang nang madaling araw ay bumiyahe na kami ni Isabel. Sinundo pa niya ako sa bahay gamit ang kulay abuhin niyang fortuner. Pakiramdam ko tuloy ay napaka-espesyal ko dahil nag abala pa siyang puntahan ako. Kung tutuusin, dapat nga ay ako mismo ang sumasadya sa kanila dahil ako itong may kailangan.

Buong biyahe ay wala akong ginawa kundi ang magmasid at mamangha sa mga lugar na dinaraanan namin. Sa loob yata ng limang taon ay ngayon lang ulit ako nakalabas sa bayan ng Villa Isla. Palibhasa'y simula nang magkasakit ang aking ama, wala na akong inatupag kundi ang magtrabaho at alagaan siya. Kaya naman hindi na ako nagkaroon ng pagkakataon na makapamasyal sa iba't ibang lugar.

Si Isabel naman, walang inatupag kundi ang magkwento nang magkwento. Iyong iba ngang sinasabi niya ay hindi ko na naiintindihan dahil sa abala ako sa panonood sa magagandang tanawin. Ang ginagawa ko na lamang ay tumango nang tumango at kung minsan ay ngumingiti para hindi lang niya mahalatang nasa iba ang atensyon ko.

Makalipas lang ang apat na oras ay nakarating na kami sa aming destinasyon. Nakatayo ang mansion ng mga Hidalgo sa Quezon Ave. malapit lang sa EDSA. Mabuti na lang talaga at may sarili kaming service, marahil kung wala ay makikipag-agawan pa kami ng sasakyan sa mga commuters. Baka kapag nagkataon ay inabot na kami ng hapon sa daan.

"Narito na tayo." Pagkuwa'y agaw pansin sa akin ni Isabel at pagkatapos ay inihinto niya ang sasakyan sa harap ng malaking gate, sa taas nito ay may malaki ring arko na may nakasulat na "Hidalgo Mansion". Medyo kinakalawang na ang bakal nito, halatang may kalumaan na.

"Handa ka na ba?" Mayamaya pa ay tanong niya sa akin na sandali pa akong tinapunan ng tingin.

Tumango naman ako at pagkatapos ay luminga-linga sa paligid. Kanina ko pa kasi napapansin na parang magkakalayo ang bahay dito. Bakante rin ang katabing lote ng masion. Kung sisiyatin, parang ang bahay lang ng mga Hidalgo ang nahihiwalay sa karamihan.

"Sigurado ka bang magiging ayos ka lang na iwan kita dito? Dahil kung hindi ay maaari naman kitang samahan ng ilang araw." Nag-aalala pa niyang dugtong.

Mabilis naman akong tumanggi at sinabing hindi na kinakailangan. "Masyado nang malaking abala kung magpapasama pa ako sa 'yo, Isabel. At saka napakatanda ko na para alalayan mo. Alalahanin mong dalawampu't anim na taong gulang na tayo," medyo natatawa ko pang pagpapaalala sa kaniya nang ipagdiinan ang edad namin. Napailing naman si Isabel sa sinabi ko at pagkatapos ay natawa na rin.

"Oo na, Louisa. Huwag mo nang ipagmalaking matanda na tayo at mas lalo lang akong nai-stress na hanggang ngayon ay hindi ka pa rin nagkakanobyo."

"Alam mo namang hindi pa ako handa para diyan." Kakamot-kamot kong tugon nang maipasok ang usaping pag-ibig. Ewan ko ba, magmula kasi nang tumatak sa isipan ko ang lahat ng responsibilad ko sa buhay, pati ang umibig ay kinalimutan ko na rin. Mas pinagtuunan ko na lamang ng pansin ang kalagayan ng aking ama at kung papaano kaming makaka-survive sa araw-araw.

HELL HOUSETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon