KABANATA 4 (KALUSKOS SA KABILANG PADER)

7 2 0
                                    

KINABUKASAN, nagising ako dahil sa ingay ng lumagalasgas na tubig. Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata at sinanay sa liwanag. Napansin kong mataas na pala ang sikat ng araw sa labas kaya naman napatingin ako sa orasan na nakasabit sa pader, mag aalas nuebe na ng umaga. Akma na sana akong babangon para maghanda, nang makaramdam ako ng pagkahilo. Nang kapain ko ang aking ulo, saka ko pa lang napagtanto ang benda na nakalapat dito.

"Ano bang nangyari?" tanong ko sa aking sarili. Wala kasi akong maalala. Ang natatandaan ko lang ay noong lumabas ako ng kwarto at nagtungo sa kusina, bukod do'n ay wala na. Ni hindi ko nga alam kung papaano akong nakabalik sa higaan.

Abala ako sa pag-iisip nang lumabas si Isabel mula sa banyo. Basang-basa siya at halatang katatapos lang maligo.

"Gising ka na pala." Bungad niya habang pinupunasan ang buhok ng tuyong tuwalya.

"A, e, oo. Tinanghali nga ako ng gising." Kakamot-kamot na sagot ko.

"Naku, ayos lang. Tanghali rin namang bumabangon ang mga amo mo kaya walang problema," turan niya at saka nagpatuloy sa paglalakad at pagkatapos ay umupo sa tabi ko.

"Isabel," tawag ko. Nagdadalawang-isip pa ako kung itutuloy ko pa ang pagtatanong.

"Humm.. ano 'yon?" tugon niya na hindi naman tumingin sa akin.

"Tungkol kasi sa sugat ko, anong nangyari?" Pagkasabi no'n ay napansin kong biglang nagbago ang kilos niya. Hindi ko alam kung nagkakamali lang ba ako pero parang nakita kong nanginig ang mga kamay niya. Mabilis rin niya kasi 'yong itinago nang makitang nakatingin ako. Hindi nagtagal ay humarap siya sa akin at itinigil ang ginagawa.

"Wala kang maalala?" seryosong tanong ni Isabel at tinitigan ako ng mata sa mata. Umiling lang naman ako. Sa totoo lang, blangko ang isip ko. Wala akong matandaang kahit na ano. 

Nang masiguro niyang nagsasabi ako ng totoo ay saka pa lamang siya nagpatuloy sa pagsasalita.

"Hindi ko rin alam ang buong pangayayari, Louisa. Pero kaninang madaling araw, nakita ka ni Mang Berting sa kusina na walang malay. Kaagad naman niya akong tinawag para tulungan ka. Hinala naming dalawa na baka noong matumba ka ay hindi sinasadyang tumama ang ulo mo sa matigas na bagay. 'Yon siguro ang dahilan kung papaano kang nagkaroon ng sugat." Paliwanag niya.

"Gano'n ba? Bukod do'n may sinabi pa ba siyang iba?" Hindi ko alam pero hindi ako kumbinsido sa kwento niya. Parang may parte ng isip ko na nagsasabi na may inililihim sa akin si Isabel.

Pasimple kong sinusuri ang bawat galaw niya. Hindi mapakali ang mga mata niya at tila nag iiwas ng tingin sa akin.

"Hmm. W-wala naman." Nag-aalangan niyang sagot. "Nagtataka lang kami kung anong ginagawa mo do'n ng gano'ng oras, e, hindi ba't binilinan na kitang huwag ng lalabas kapag malapit ng mag alas dose ng hating gabi? Pasalamat ka na lang na si Mang Berting ang nakakita sa iyo at kung nagkataon na si Don Juanito, baka hindi ka pa nagsisimula ay wala ka na sa mansyon." Pananakot pa niya sa akin. Pagkabanggit sa pangalan ng matanda ay bigla namang kumirot ang sugat ko.

"Ahhh..." daing ko at saka yumuko.

"L-louisa, ayos ka lang ba?" Natataranta niyang tanong na kaagad akong dinaluhan.

Hindi naman ako kaagad na nakasagot, may kung anong kumukutkot sa utak ko. Sa sobrang sakit ay napahawak na ako sa sentido at pagkatapos ay bahagya itong hinilot.

"Sumakit lang ng konti ang ulo ko."

"Gusto mo bang patingnan na natin 'yan sa doktor? Baka kasi kung napaano ka na. At saka para na rin maresetahan ka ng tamang gamot." Suhestiyon niya. Nang mapagtanto kong pagkakagastusan na naman 'yon ay mabilis akong tumanggi. Masyado ng nakakahiya kung mang-aabala na naman ako at pagkagastusan ni Isabel.

"Hindi na. Mayamaya lang ay mawawala din ito," malumanay kong sabi.

Hindi nagtagal ay nadako sa ibang direksyon ang paningin ko. Nang walang anu-ano'y nanlaki ang mga mata ko nang makakita ng babaeng duguan sa pintuan. Nakatayo lamang ito habang ang mga paa ay nakalutang sa ere. Hindi ako makaimik. Hindi ko rin magawang ituro 'yon sa kaibigan ko. Basta ang alam ko, naririnig ko lamang si Isabel na paulit-ulit na tinatawag ang pangalan ko.

Ilang segundo rin akong nakipagtitigan sa babae. Pakiwari ko'y may gusto siyang iparating na hindi niya masabi. Ang kaninang takot na nararamdaman ko'y bigla na lang napalitan ng awa.

Tangka ko na sana itong kakausapin nang marinig ko ang tinig ni Donya Beatriz na isinisigaw ang pangalan ni Isabel. Kasabay no'n sa isang iglap lang ay bigla na lang itong naglaho.

"Louisa, ano ba? Kanina pa ako salita nang salita dito hindi ka naman nakikinig." Medyo galit na wika ni Isabel.

"P-pasensya na."

"Maghanda ka na at pagkatapos ay sumunod ka na sa akin sa labas. Pupuntahan ko lang si Donya Beatriz." Pagkuwa'y paalam niya. "Unang araw mo, Louisa, kaya naman ayusin mo ang trabaho." Hindi na niya hinintay ang sagot ko at saka tuluyan ng umalis.

Ilang segundo rin siguro akong nakatulala at hindi pa rin maipaliwanag kung ano at kung sino iyong babaeng nakita ko. At saka bakit sa akin ito nagpapakita? Gano'n pa man ay pilit kong pinaniwala ang sarili kong guni-guni lamang ang lahat. Ayaw ko namang ikwento kay Isabel at baka sabihin niyang may problema na ako sa pag-iisip. Minabuti ko na lamang itong sarilinin.

***

NANG tanghalian ay nagpasya ng umuwi ni Isabel, kailangan na rin kasi niyang pumasok dahil sa ilang araw na siyang wala sa trabaho. Nangako naman siyang bibisitahin ako isang beses sa isang linggo. Ibinigay na rin niya ang address kung saan siya tumutuloy sa Maynila, para kung sakali raw na magkaproblema ako ay alam ko kung saan siya pupuntahan. Abot-abot naman ang pasasalamat ko sa mga tulong na ginawa niya para sa amin ni Tatay.

Samantala, inutusan naman ako ni Donya Beatriz na unahing linisin ang sala, matagal na raw kasi itong hindi nagagalaw mula nang umalis 'yong dati nilang katulong na pinalitan ko. Itinuro na rin niya ang mga dapat at hindi ko dapat gawin. Pati na rin ang mga kwartong hindi p'wedeng pasukin.

Kakaiba talaga ang mga patakaran sa bahay na 'to, ang daming bawal. Kung sa bagay, pabor sa akin kung hindi ko na kailangang linisan ang lahat ng silid sa mansion. Kahit papaano ay mababawasan ang magiging trabaho ko.

Habang naglilinis, napansin kong halos lahat ng kagamitan nila sa bahay ay mga luma na. Kung hindi ako nagkakamali, mukha itong mga kagamitan noong una pang panahon. Mula sa chandelier, mga banga, upuan, mga tokador at iba ay halos antigong lahat. Sigurado akong kapag ibinenta kahit isa sa mga gamit dito ay papalo sa libo ang presyo. Nakakamangha din kung papaano nilang napanatiling maayos at maganda pa rin ang mga gamit nila sa hinaba-haba ng panahon.

Lumipas ang maghapon na hindi ko napapansin ang oras dahil sa sobrang pagiging abala. Kagaya kahapon, hindi ko na naman nakitang bumaba 'yong mag-asawa at saka 'yong anak nilang si Uno. Ang weird lang talaga ng mga tao sa bahay na ito. Para silang mga aswang na sa gabi lang lumalabas para kumain. Bahagya naman akong natawa sa haka-haka ko. Sino ba naman kasing mag-iisip na may aswang pa sa panahon ngayon? Isa pa, imposible namang magkaroon ng gano'ng mga nilalang sa siyudad. Kung tutuusin ay baka mas matakot pa ang mga aswang dito dahil mas halang pa ang bituka ng mga normal na tao sa ka-Maynilaan. Napapailing na lang ako sa mga naiisip. Tama nga si Tatay, marahil sa hilig kong manood at magbasa ng mga katatakutan, kung anu-ano tuloy ang pumapasok sa isip ko.

Ipinagpatuloy ko na lang ang ginagawa at saka maingat na kumilos. Mahirap na, baka mamaya ay makasira pa ako. Hindi pa man nagtatagal ay nakarinig na naman ako ng mga kaluskos. Natigil ako sa pagpupunas at pinakinggan mabuti ang ingay. Pakiwari ko, tila ba may kumukutkot sa pader sa likod ng mini cabinet na nililinis ko. Bahagya muna akong lumayo, ngunit kasabay no'n ay mas lalong lumakas ang ingay. Nakakangilo ang tunog nito na para bang kinakalmot ang pader.

Dahil sa kuryosidad ay nilapitan ko itong muli at idinikit ang tenga sa dingding. Nang walang anu-ano'y mula sa kabilang pader ay nakarinig ako ng ungol ng mabangis na hayop. Parang gusto nitong kumawala sa kinalalagyan.  Hindi ko naman alam na mayroon palang alaga ang mga Hidalgo, hindi rin kasi 'yon nabanggit ni Isabel. Bukod do'n ay wala ring ibinilin si Donya Beatriz.

Maglalakad na sana ako para puntahan ang pintuan at tingnan kung anong mayroon sa kwartong iyon nang bigla na lang sumulpot ang isang lalake. Nakatingin lang ito mula sa malapit habang nakakalokong nakangisi. Sa tantiya ko ay halos kaedaran ko lang ito. Mataas at makisig ang pangagawatawan. May itsura rin ito at nahahawig kay Don Juanito. Naisip ko tuloy na baka ito na ang tinutukoy ni Isabel na anak na lalake ni Donya Isabel.

Pasimple kong inayos ang sarili at saka nagsalita.

"H-hello po, señorito." Bati ko na nahihiya pang itaas ang kamay.

"Lagot ka kay, Mommy!" Tumatawang sagot naman niya sa akin. "Bleeehhh..." habol na dumila pa at saka nagtatakbo. Kapansin-pansin ang isip bata niyang pagkilos kilos.

Bahagya naman akong nakaramdam ng panlulumo. Sayang kasi ang gandang lalake ni Uno dahil sa kalagayan niya. Marahil kung normal lang siya kagaya ng ibang mga kalalakihan, pihadong maraming kababaihan ang iiyak ng dahil sa kaniya.

"Teka lang, señorito, magpapaliwanag ako!" pagkuwa'y natatarantang habol ko. Baka kasi totohanin niya ang pagsusumbong sa ina. Paniguradong malalagot ako kapag nagkataon.

Sinubukan ko pang habulin si Uno ngunit sa kasamaang palad ay hindi ko na siya naabutan. Pagliko sa pasilyo ay hindi ko na siya nakita. Mukhang tinaguan na ako ng loko.

HELL HOUSETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon