NAGPATULOY lamang ako sa paglalakad, nagbabakasaling makita si Señorito Uno. Ngayon ko lang nalaman na marami palang pasikot-sikot sa mansion. Halos magkakamukha rin ang mga pintuan ng kwarto. Habang nagtatagal ang paghahanap ko kay senyorito, pakiwari ko ay naliligaw na ako. Hindi ko na rin matandaan kung saang pasilyo ako nanggaling kanina. Kaya't sa halip na bumalik ay dumiretso na lamang ako sa paglalakad.
"Nakakaasar," inis na bulong ko. Hindi ko tuloy mapigilang magngitngit. Kung bakit ba naman kasi sinundan ko pa ang lalakeng iyon, e, 'di sana ay hindi ako namomroblema kung saan ako lalabas.
Ilang minuto rin ang lumipas. Para bang palayo na ako nang palayo sa pinanggalingan ko kanina. Nagsisimula na namang umusbong ang kaba sa aking dibdib. Hindi ko na malaman kung ano ang gagawin.
"Paano kaya kung sumigaw na lang ako para makuha ang atensyon ng mga kasama ko." Suhestiyon ko.
"Subalit kapag ginawa ko 'yon pihadong malalagot na naman ako kay Donya Beatriz." Biglang bawi ko rin sa sinabi. Para na akong baliw na nagsasalitang mag-isa.
Magdadapit-hapon na ngunit hindi pa rin ako nakakabalik. Kinakailangan ko ng mahanap ang daan palabas bago kumalat ang dilim. Idagdag pang paulit-ulit na tumatakbo sa aking isip ang mga bilin ni Isabel na mas lalong nagbibigay sa akin ng pangamba. Magaan nga ang trabaho, ngunit sandamakmak naman ang bawal gawin. Sa halip na maging komportable ako sa trabaho'y mas lalo pa akong nag aalangan dahil sa takot na magkamali.
Hindi na ako nagpatumpik-tumpik at malalaki ang hakbang na naglakad. Nang malapit na ako sa dulo ng pasilyo, hindi sinasadyang makarinig ako ng mga nag-uusap. Tinig iyon ni Don Juanito at Donya Isabel na para bang may kinakagalitan. Sa pagtataka, sinundan ko na lang kung saan nagmumula ang ingay. Alam kong kapag natunton ko ang mga ito ay mahahanap ko rin ang lagusan palabas ng mansion.
Ilang sandali pa ang lumipas nang makakita ako ng pintuan. Mula dito ay tanaw kong kalat na ang dilim sa labas. Hindi nagtagal ay nagsimula na ring sumindi ang mga ilaw kaya naman kumalat ang liwanag. Sa sobrang tuwa ay nagmamadali akong tumakbo. Ngunit natigilan din ako nang makita sina Don Juanito at Donya Beatriz na pinagagalitan si Mang Berting. Dali-dali akong nagkubli sa likod ng pintuan at palihim na nagmasid. Nang una ay hindi ko maintindihan ang pinag-uusapan nila. Basta ang alam ko ay nakakaramdam ako ng awa para sa matanda. Hindi kasi ito kumikibo at diretsong nakayuko. Samantalang patuloy naman sa paninermon si Don Juanito.
"Hindi ba't pinagsabihan na kita Berting na huwag makikialam. Ilang beses ko ring sinabi sa 'yong bawal kang pumasok sa loob ng mansion, ngunit ano itong ginawa mo? Sinuway mo ang utos ko!" Nanggigigil na sigaw ni Don Juanito at pagkatapos ay padabog pang ibinato kay Mang Berting ang hawak na tabako. Kulang na lang ay mapaso ang matanda. Hindi rin nakaligtas sa paningin ko ang pagkagulat nito. Gusto ko sanang umalma at ipagtanggol si Mang Berting dahil sa hindi ko kayang tignan ang pagtrato ng mag asawa sa kaniya. Ngunit ano bang laban ng alilang kagaya ko? 'Di hamak na mas may kapangyarihan silang mayayaman kaysa sa amin. Nasisiguro kong kayang-kaya nilang baliktarin ang sitwasyon kapag nagkataon.
Mas pinili ko na lamang kimkimin ang galit na nararamdaman. Saka ko mariing ipinikit ang mga mata habang sinusubukan kong pakalmahin ang sarili."Lumalaki na yata ang ulo ng matandang 'yan, Juanito. Hindi porke't matagal ka nang nasa amin ay pwede mo ng gawin ang lahat ng maibigan mo." Segunda naman ng Donya. Sa tono ng mga ito ay para bang may nagawang malaking kasalanan ang matandang hardinero.
"P-patawad po. H-hindi ko naman s-sinasadya ang n-nangyari. N-nagkataon lamang po na n-napadaan ako kagabi." Kandautal na paliwanag ni Mang Berting. Nang marinig iyon ay doon ko lamang napagtanto na tungkol pala ito sa nangyari nang nagdaang gabi. Nakonsensya tuloy ako, alam ko namang ako ang dahilan kung bakit nahuli ang matandang katiwala. Kung hindi sana ako sumuway sa alituntunin ng mga Hidalgo, hindi rin sana umabot sa puntong nawalan ako ng malay.
BINABASA MO ANG
HELL HOUSE
TerrorBLURB: Isang kahig isang tuka. Ganiyan maituturin ang buhay ni Louisa. Kaya naman nang magkaroon ng pagkakataong makapagtrabaho sa Maynila ay hindi na siya nagdalawang-isip na sunggaban ito. Para sa kaniya ay isang biyaya ang alok ng kaibigan niyang...