MAGHAHATING gabi na ngunit hindi pa rin ako dinadalaw ng antok. Makailang ulit kong sinubukang ipikit ang aking mga mata, nagbabaka sakaling sa pamamagitan nito ay makatulog ako, ngunit hindi ito gumana, waring may kung anong tumatakbo sa aking isip na hindi ko mawari.
Panay ang biling ko sa pangdalawahang higaan, hindi alintana kung magising man ang kaibigan kong si Isabel na kasalukuyan ng mahimbing ang tulog sa itaas ng double deck. Naririnig ko pa siyang naghihilik, siguro ay isa iyon sa mga dahilan kung bakit hindi ako makatulog. Nasanay kasi akong walang kasama sa kuwarto.
Sandali ko pang nilinga-linga ang paligid, madilim sa loob ng silid at tanging ilaw sa labas na tumatagos sa bintana ang siyang nagmimistula kong liwanag. Nang hindi ako makatiis ay dahan-dahan akong tumayo at sandaling sinilip si Isabel na noon ay nakatalikod, nakaharap ito sa pader. Hindi ko tuloy makita ang mukha niya. Dahil sa nahihiya akong mang istorbo ay hindi na ako nag-abala pang gisingin siya. Plano kong lumabas at magtungo sa kusina para kumuha ng tubig, bigla kasi akong nakararamdam ng pagkauhaw. Tutal naman ay malapit lang ang kusina sa maids quarter. Kinakailangan mo lang lumiko sa dulo sa kanang pasilyo at pagkatapos ay naroon na ang dirty kitchen ng mansion kung saan kami kumain kanina.
Palabas na sana ako nang bigla kong maalala ang bilin ni Isabel bago matulog.
"Kahit anong mangyari, huwag na huwag ka nang lalabas pagtungtong ng hating-gabi. Isa iyon sa pinakamahigpit na alituntunin sa bahay na ito. Kaya't hangga’t maaari ay sundin mo ang lahat ng bilin ko kung gusto mong tumagal ka dito."
Sinubukan ko siyang tanungin kung bakit at kung anong mayroon sa gano'ng oras, ngunit sa halip na sagutin niya ako ay napansin kong tila nainis lamang siya sa pagiging matanong ko. Dagdag pa niya na alisin ko raw ang pagiging mausisa, hindi raw iyon makakatulong sa trabaho. Bukod do'n ay ayaw ng mga Hidalgo ng pinakikialaman sila.
Sa totoo lang, sa pagtungtong ko pa lang sa mansyon, marami na akong napansing kakaiba. Maghapon ko kasing hindi nakita ang mag asawa na lumabas, maliban na lang nang salubungin nila kami kaninang umaga. Iniisip ko lang, hindi ba nagugutom ang mga ito at hindi man lang sila kumain? Higit sa lahat, tila hindi ko rin nakikita ang anak nilang si Uno, kanina kasi ay hindi naman ito humarap sa amin. Akala ko ba'y maselan ang kalagayan nito, ngunit bakit tila wala naman akong nakitang ibang tao na nag-aasikaso sana dito. Hindi ba dapat ay may personal nurse ang anak nila? Pero bukod sa akin ay wala na silang katulong sa bahay.
"Tsk." Bulong ko sa aking sariling at pagkatapos ay tila baliw na umiling-iling. Pinilit kong kalimutan ang mga bagay na gumugulo sa aking isipan at saka nagpatuloy sa paglabas. Hindi ako nakinig sa bilin ni Isabel, wala naman sigurong mangyayaring masama kung hindi ako sumunod. Masyado na rin akong nauuhaw at hindi ko na ito kayang tiisin. Ano lang ba naman ang pumuslit ako sandali.
Sa may pasilyo pa lang, kinakabahan na ako. Sinikap kong huwag makagawa ng kahit maliit na ingay. Para akong magnanakaw na takot mahuli. Kung tutuusin ay tubig lang naman talaga ang kailangan ko.
Nang nasa kusina na ako'y hindi ko na tinangka pang buksan ang ilaw upang hindi na rin makakuha ng atensyon ng ibang tao sa bahay. Dahan-dahan kong binuksan ang ref at pagkatapos ay saka kinuha ang pitsel na naglalaman ng malamig na tubig. Nang akmang kukuha na sana ako nang baso, hindi ko alam kung guni-guni ko lamang ba, pero para bang may nakita akong anino na dumaan sa gilid ng aking mga mata. Sa gulat ay mabilis ko itong nilingon, muntik ko pang mabitawan ang hawak kong pitsel. Ngunit nang sipatin ko ang lugar kung saan ko nakita ang anino ay wala naman akong nakita kung sinong naroon. Mas lalo akong kinilabutan, pakiwari ko'y hindi ako nag-iisa. Sa loob ko ay para bang may mga matang nakamasid sa akin, hindi ko lamang matukoy kung nasaan.
Sa sobrang takot, nagmadali na akong uminom at pagkatapos ay ibinalik ang pitsel sa ref. Pabalik na sana ako sa kuwarto namin ni Isabel nang makarinig ako ng mabibigat na yabag pababa sa hagdan. Mas lalo akong kinabahan, nag-aalala akong maabutan ako ng kung sino sa kusina. Ayaw kong makagalitan nang dahil lang sa hindi ko pagsunod sa bilin ni Isabel. Kung bakit ba naman napakatigas ng ulo ko at hindi nakikinig.
Nang masigurong naibalik ko na sa ayos ang lahat ay nagsimula na akong humakbang. Hindi pa man ako nakakalayo nang bigla naman akong makarinig ng malakas na sigaw sa hindi kalayuan. Mayamaya pa ay unti-unti iyong humihina hanggang sa tuluyang mawala. Sa pakiwari ko ay may pumipigil dito.
Sa mga oras na ito ay mas lalo akong nilukuban ng takot, ramdam ko na rin ang malamig na pawis na namumuo sa aking mukha. Labis ang pagsisi ko kung bakit lumabas pa ako. Ano ba itong pinasok ko? Anong klase ba ng pamilya ang paglilingkuran ko? May mga lihim ba silang itinatago kung kaya't gano'n na lamang ang bilin sa akin ni Isabel. Hindi ko na alam, gulong-gulong ang isip ko.
Natatakot man ay mas nangibabaw ang kuryosidad kong malaman kung ano ba talagang nangyayari. Dahan-dahan akong lumapit sa pintuan at bahagyang sumilip kung ano ba ang ingay na narinig ko. Mula sa kinalalagyan ko ay matatanaw ang hagdan sa sala, kaya't tamang-tama lang ang pwesto ko para makita kung sino man ang taong bumaba kanina.
Sa hindi inaasahan ay natanaw kong nakabukas ang malaking pintuan. Mula doon ay ang hindi mabilang na tao na nakatayo sa sala, nakasuot ang mga ito ng salakot na siyang tumatakip sa kanilang mga mukha. Madilim ang paligid kaya hindi ko masiguro kung sino ba ang mga ito. Basta't ang alam ko, para bang nakita ko na rin ang gano'ng senaryo, hindi ko lang matandaan kung saan at kailan. May kutob akong may mangyayaring hindi maganda.
Ilang sandali pa ay namataan ko si Donya Beatriz at Don Juanito na nakatayo paharap sa mga naroon. Sa isip ko tila ba may pagtitipon na magaganap. Sa hindi kalayuan ay nahagip naman ng mga mata ko si Isabel na seryosong nakatingin sa mag asawa. Sa pagkakatanda ko ay iniwan ko siya kanina sa kwarto, kaya't papaanong naroon din ito? Bakit hindi man lang niya ako inabisuhan sa magaganap ngayong gabi.
Kalaunan ay sumenyas si Don Juanito, pinalapit niya ang dalawang kalalakihan na nasa harap at saka may ibinulong. Hindi nagtagal ay mabilis na tumalima ang mga lalake. Pagbalik ng mga ito ay may bitbit na silang babae na walang malay, sa tantiya ko ay tila minor de edad pa ito. Mas lalong dumami ang katanungan sa isip ko. Gano'n pa man ay mas pinili kong tahimik na magmasid. Ayaw kong makialam sa takot na pati ako ay madamay.
"Dalhin na ang babae sa bulwagan." Mayamaya pa ay matigas na utos ni Don Juanito. Kasunod no'n ay isa-isa nang naglakad ang mga taong naroon kasama na si Isabel. Wala akong ideya kung saan nga ba sila pupunta.
Balak ko pa sana silang sundan at malaman kung anong gagawin nila nang bigla na lang akong mapasigaw sa gulat. May mga pares ng kamay ang humawak sa balikat ko mula sa likuran at nang lingunin ko ito ay halos lumuwa ang mga mata ko. Gusto kong mapamura sa takot. Isang lalake na may tatlong ulo ng aso. Tumutulo ang malapot na laway nito sa hubad at mabalahibo niyang katawan. Nakakasindak ang itsura nito lalo pa ng ilabas niya ang matutulis na ngipin.
"Saan ka pupunta?" Tanong ng nilalang sa malaking tinig. Pagkatapos ay sabay-sabay na umalulong ang mga ulo.
Dahil do'n ay nakuha namin ang atensyon nina Donya Beatriz at ng iba pa. Nang lingonin ko sila ay nakatuon na ang mga tingin ng mga ito sa akin. Hindi nagtagal ay unti-unting naging pula ang mga mata ng mga nila. Para bang sinasapian sila ng masamang espirito. Hindi naman ako makapagsalita na para bang nalunok ko ang sariling dila.
Sa sobrang taranta ay napaatras ako, hanggang sa mabangga ko ang lalakeng may tatlong ulo ng aso. Hindi sinasadyang mapaupo ako sa sahig. Nanginginig ang buo kong katawan. Wala akong magawa. Namalayan ko na lang na tumutulo na ng kusa ang mga luha ko. Halos mabingi na rin ako sa sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko.
"M-maawa kayo..." nauutal na pakiusap ko. "W-wala akong k-kasalanan."
"Intrimitida!" Rinig ko namang sigaw ni Donya Beatriz sa hindi kalayuan. Nakita ko pa ang reaskyon niyang galit na galit sa akin. Inaawat naman siya ni Don Juanito at sinabing hayaan na ang kanilang Panginoong Cerberus sa kung anong plano nito. Hindi ko maintindihan, sino ba ang tintukoy nila?
Ilang saglit lang at tumango si Don Juanito sa halimaw na nakatayo sa harapan ko. Nang tignan ko ito ay palapit na nang palapit ang nilalang sa akin. Akma na sana niya akong dadakmain nang hindi nagtagal ay naramdaman ko na lang na nanlalabo ang paningin ko. Kasunod no'n ay tuluyan na akong mawalan ng malay.
BINABASA MO ANG
HELL HOUSE
HorrorBLURB: Isang kahig isang tuka. Ganiyan maituturin ang buhay ni Louisa. Kaya naman nang magkaroon ng pagkakataong makapagtrabaho sa Maynila ay hindi na siya nagdalawang-isip na sunggaban ito. Para sa kaniya ay isang biyaya ang alok ng kaibigan niyang...