Unexpected Marriage 1

93 1 0
                                    

SAMANTHA FAYE RAMOS

Naglalakad ako pabalik na ng bahay namin galing botika bitbit ang biniling gamot ng aking Inay Cora ng mapadaan ako sa karendiryang pinagtatrabahuhan ng Ate Shienna ko. Malayo pa lang ay dinig na dinig ko na ang pagbubunganga ni Aling Pricilla. Hindi ko alam kung sino na namang tauhan nito ang pinapahiya sa harap ng maraming taong nakapila sa labas.

Halos araw-araw ay iba't ibang mukha ng serbidora ang nakikita ko sa karendirya n'ya. Walang tauhan na tumatagal dito maliban kay Ate Shienna at Ate Lea dahil sa ubod ng sama ng ugali nito.

Nang malapit na ako sa pwesto ng kainan ay nakipagsiksikan ako sa mga taong nakapila para makiusyuso na din kung anong meron. At animo'y may pinapanood na palabas at nagkakandahaba ang mga leeg ng mga nakapila. Lunch break na kaya maraming taong nakapila sa karendirya nito.

“Ano pang tinatanga-tanga mo d'yan!? Ligpitin mo na yang mga pinagkainan at linisin ang mesa! Ang haba na ng pila o, napakakupad nito! Bilisan mo d'yan at lumipat na yung iba sa kabila!”

Maluha-luhang nakita kong tumalima agad si Ate at binilisan na ang pagliligpit ng mga pinagkainan.

Kaagad sumiklab ang galit sa dibdib ko ng makita kong si Ate Shienna pala ang binubungangaan ni Aling Pricilla sa harap ng maraming tao. Na'kwento sa akin ni Ate dati na palagi silang pinapagalitan ng amo nila kahit maraming tao. 'Di ko akalain na ganun kalala ang ginagawa nitong pamamahiya sa kanila.

Hindi na akong nagdalawang isip pa at nakakuyom ang mga kamaong mabibilis na hakbang na sumugod ako papasok sa loob ng karendirya. Nagulat pa sa akin si Aling Pricilla sa biglang pagpasok ko na animo'y susugod ng g'yera. Pati na ang Ate ko nang bigla ko itong hatakin sa braso palabas ng karendirya. Gulat na gulat pa itong nabitawan ang ginagawa at napasunod sa malalaking hakbang ko palabas habang hatak-hatak ito ng mahigpit sa braso.

Ngunit kaagad ding nakabawi sa pagkagulat ang matanda at ako naman ang binungangaan nito.

“Hoy babae! Saan mo naman balak dalhin si Shienna!?”

“Uuwi na!”

Sigaw ko ditong nakatalikod habang hatak-hatak pa rin ang Ate ko na pilit nagpupumiglas sa mahigpit kong hawak sa braso niya.

“Hah! Uuwi na!? Sino kang kutong-lupa ka at basta na lang papasok dito at pauuwiin si Shienna!?”

“Kapatid nya! At ikaw sino ka ba at anong karapatan mo para ipahiya ang Ate ko dito sa harap ng maraming tao!?”

Balik sigaw ko ulit dito ng lingunin ko ito. Huminto ako sa gitna ng maraming tao sa labas. Masama kong tiningnan isa-isa ang mga itong nakatingin sa amin at nagbubulungan.

“Sam, tama na. Maraming tao, nakakahiya. Umuwi ka na. 'Wag kang gumawa ng gulo dito.”

Mahinang sabi ni Ate sa akin habang pilit na binabaklas ang kamay kong mahigpit pa din na nakahawak sa braso niya.

Hindi ko siya pinansin. Nakipagsagutan pa din ako kay Aling Pricilla. Hindi ko mapigilan ang aking sarili na hindi ipagtanggol ang kapatid ko.

“Sino ako!?” Nakapamaywang pang turo ni Aling Pricilla sa sarili niya. “Ako lang naman ang may-ari ng karendiryang 'to at nagpapasahod diyan sa makupad mong kapatid!”

“So, pwerki ikaw ang may-ari at nagpapasahod sa Ate ko kung mamahiya ka ganun-ganun na lang!?Anong klasing amo ka!? Kaya walang tumatagal magtrabaho d'yan sayo dahil asal hayop ka!”

“Sam! Ano ba! Tama na!”

Pagalit na bulong ulit ni Ate sa akin. Habang pilit na hinahatak pa din niya ang braso sa mahigpit kong pagkakahawak. Pero di ko siya pinapakinggan at binibitawan.

Unexpected Marriage: Bud Brothers Series 1 |COMPLETED|Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon