Part 2

139 3 2
                                    

"Mga pulis ang bumaril sa mga magulang mo." Tumaginting sa tainga ko ang sinabi ni kapitan. Katabi ko siya ngayon habang pinagmamasdan ang katawan ng aking mga magulang na naliligo sa sarili nilang dugo.

Sa totoo lang, hindi ko alam kung anong emosyon ang una kong pagbibigyang magpakita. Galit? Sakit? Pagtangis? Ewan ko. Ang tangi kong alam, labis akong nangangatog.

Pinanood ko ang mga kapatid ko sa 'di kalayuan. Umalingawngaw sa ere ang kanilang panaghoy na kung sasabayan ko ay baka makisali pa ang langit sa labis na lungkot.

Wala pa yatang alas singko ng umaga nang magising ako sa lakas ng pagkatok sa nangangalawang naming pinto. Doon nga ay bumungad sa amin sina kapitan at ang ilang tanod para ipaalam sa amin ang nakagigimbal na balita.

Sabi ng mga pulis na gumawa noon sa aking mga magulang, matagal na raw nilang minamanmanan sina mama at papa. Ika nila ay nasa drug watchlist ang mga ito. May nakita pa ngang pakete ng ipinagbabawal na gamot sa duguang kamay.

Pero hindi! Napakaimposible. Alam ko at ng aking mga kapatid na walang katotohanan ang mga iyon. Ni paninigarilyo at alak nga ay hindi man lang sinubukan ng aking mga magulang.

Nagsampa ako ng demanda sa mga pulis na bumaril sa mga taong nagbigay sa akin ng buhay. Ngunit sa ilang buwan na pakikipaglaban ko upang makuha ang hustisya ay wala rin akong napala. Nakalaya ang mga hunghang na kumitil kina papa dahil sa pera.

AKO na ang nagtaguyod ng pamilya namin mula noon. Nagsimula na akong mag-overtime sa trabaho para may pandagdag sa panggastos. Naglakas-loob na rin akong magbenta ng kung ano-anong cosmetics sa mga katrabaho ko.

Napansin ko ang pagbabago sa mga kapatid ko. Si Kuya Amboy na pinakapanganay ay naging lasinggero. Gabi-gabi siyang umuuwi nang lasing. Lahat ng kinikita niya sa pagpe-pedicab ay napupunta lang sa pambili ng alak.

Si Ate Pats na sumunod sa kaniya ay agad nagpakasal sa tatlong buwan palang niyang nobyo. Sa una'y tutol ako dahil hindi pa namin lubos na nakikilala ang lalaki pero wala rin kaming nagawa. Kagustuhan din ni ate ang nasunod. Ika niya, iyon ang mas nakabubuti sa tingin niya, ang magpakasal sa lalaking sa tingin niya ay bubuhay sa kaniya.

Ngunit nagkamali siya. Wala pa silang isantaong naikakasal ay umuwi siya nang luhaan sa bahay. Puno ng latay at sugat sa katawan. Ang malala ay buntis pa siya.

"Ginagawa akong punching bag ni Nestor. Wala siyang pakialam kahit buntis ako sa anak namin. Madalas pa niya akong sabihang hindi kaniya ang dinadala ko. Na anak ko ito sa iba!" rinig kong tungayaw niya habang naglalabas siya ng sama ng loob sa mga bunso namin.

Tuluyan na ngang hiniwalayan ni Ate Pats ang asawa niya. Dumating ang araw ng panganganak niya at nagsilang siya ng napakagandang sanggol– si Jewel. Ako na muna ang umako sa mga pangangailangan niya lalo pa at hindi naman nagbibigay ng sustento ang magaling nitong ama.

Ako ang pangatlo sa aming magkakapatid. Ang sumunod naman sa akin ay si Girlie. Nakikita ko namang ayos siya ngunit isang beses ay sinabihan na lang niya ako na titigil siya sa pag-aaral. Umalis siya sa bahay dala-dala ang mga gamit niya. Nalaman ko na lang na sumama siyang mamundok kasama ang kapwa niya estudyanteng may mga ipinaglalaban. Ika nga ng iba, rebelde silang maituturing.

Si Jerry ang sumunod kay Girlie. College student na siya. Akala ko ay walang ibang magiging problema sa kaniya ngunit nalaman ko na lang na may sinuntok siyang kaklase. Comatose ang lagay. Wala akong choice kundi sagutin ang hospital bills ng bata na hindi rin biro ang halaga.
Suspensiyon ang inabot ng aking kapatid. Masuwerte na nga siyang maituturing dahil disi siyete anyos lang siya. Kung nagkataong nasa legal na edad na siya, eh, paniguradong sa kulungan siya pupulutin.

Ang panghuli naman ay sina Obet at Julia. Grade 9 si Obet at ang panghuli naman ay Grade 8. Ayos naman ang kanilang pag-aaral ngunit masyado lang mahirap pasunurin ang dalawa.

Si Obet ay lulong sa computer-an. Inaabot pa ng madaling-araw sa kalalaro kasama ang barkada. Si Julia naman, sa kabilang banda, ay nabarkada sa mga maluluho kaya humihingi ng pera sa akin pambili ng kung ano-ano. Kapag hindi napagbibigyan ay nagmamaktol at nagbabantang maglalayas.

Living on Obliviousness [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon