PAMILYAR ang mukhang bumungad sa akin nang mapatigil kami sa isang bahay na may kalakihan. Sa bungad pa lamang ay may mga tao nang nakaabang sa amin kabilang na roon si Ate Pats at ang dalawang bata na kasama niya nang makita niya kami sa may simbahan.
Nang makababa ako sa kotse kasama sina Ms. Charlene at si JV ay dinaluhong kami ng mga taong nag-aabang sa akin. Umiiyak nila akong niyakap na para bang matagal na nilang gustong gawin iyon sa akin.
"Leslie/Ate."
"KINONTAK kami ng manager mo noong araw na umalis ka sa opisina mo," panimula ni Kuya Amboy, ang nagpakilalang kuya ko. "Sa una ay hinayaan lang namin kasi baka kailangan mo lang mag-isip isip pero noong isang linggo ka nang hindi bumabalik, doon kami nagsimulang mag-alala."
Inilibot ko ang tingin ko. Tahimik lang na nakikinig ang iba. Ang iba pa ay nagpapahid ng luha at humihikbi pa.
"Mas lalo kaming nag-alala nang malamang lahat ng gamit mo ay iniwan mo sa opisina kaya lalo kaming naalarma. Hindi namin alam kung saan ka hahanapin o kung saan kami magsisimula o kung may hahanapin pa ba kami. Aaminin ko, kapatid, na naging makasarili ako dahil mas pinangunahan ko ang galit noon. Ikaw ang bumubuhay sa aming lahat at sa panahong nawala ka ay para kaming lamesa na nawalan ng lahat ng paa. Hindi namin alam kung saan magsisimula. Umiiyak na sina Jayjay at Jewel dahil wala na silang gatas. Halos isumpa kita noon, Leslie." Napahikbi si Kuya Amboy sa pagkakataong iyon.
"Sa puntong iyon ay naisip kong kailangan kong kumilos dahil wala namang mangyayari kung iintayin ka namin. Nagpakasipag ako sa pagda-drive sa pedicab maghapon at magdamag. Awa ng Diyos at nakatulong naman iyon para pambili ng gatas nina Jayjay at sa pambayad sa bills dito sa bahay.
Kalaunan, napagdesisyunan kong pumasok sa disenteng trabaho. Pumasok ako bilang serbidor sa isang hotel. May nakakilala sa akin doon mag-asawang mayaman na natuwa sa serbisyo ko kaya niyakag nila akong magtrabaho sa private yacht nila. Sa ngayon ay masasabi kong maayos-ayos ang kita ko at malaki na ang naitutulong ko sa mga kapatid natin. Natubos ko na rin ang tricycle na ibinili mo sa akin, na sa kagaguhan ko noon ay isinangla ko para may pansugal."
"S-Sorry, Kuya Amboy." Nanikip ang dibdib ko. "Sorry kung bigla na lang akong nawala."
Nilapitan ako ni kuya at inalo. "Hindi ka dapat humingi ng tawad. Kung may dapat mang mag-sorry dito, kami iyon. Kung hindi ka pa nga umalis eh hindi pa namin makikita ang mga pagkakamali at pagkukulang namin, eh."
"Tama si Kuya Amboy, ate," ani Julia. "Nang umalis ka, araw-araw kong sinisisi ang sarili ko dahil sa naging utang mo sa credit card na dulot ng paglulustay ko." Nilaro-laro ni Julia ang mga kamay. Nanatili siyang nakatungo dahil sa hiya.
"Napilitan akong umisip ng paraan para mabayaran iyon, baka-sakaling bumalik ka kapag wala ka nang utang sa credit card. Ibinenta ko ang lahat ng pinamili kong branded na gamit pero kulang pa rin iyon, hanggang sa maisip kong maging content creator sa YouTube. Sa una, mahirap pero kalaunan ay kumikita na rin ako. Paunti-unti hanggang sa nabayaran ko na nang buo ang credit card bill kasama ang interes."
"Hindi madaling umisip ng content at manghikayat ng viewers para kumita. Tsaka ko na-realize 'yong mga panahong pinipilit kitang ibili ako ng mga gusto kong gamit. Kinain ako ng konsensiya ko, ate, dahil ramdam ko kung gaano kahirap kumita ng pera."
Lumapit si Julia sa akin. Gusto pa nga niyang lumuhod pero pinigilan ko lang. Sinalubong ko lang siya ng mahigpit na yakap. Iyak siya nang iyak kaya napaiyak na rin ako.
"HINDI ko pinahalagahan 'yong pag-ako mo kay Jewel nang mabuntis at iwanan ako ng asawa ko. Imbes na tumulong ako at maghanap ng trabaho eh inuna ko ang kumerengkeng at maghanap ng AFAM. Ang ending, nabuntis ako at tinakbuhan. Pinagpatayuan mo pa ako ng tindahan. Noong una hindi ko agad napagtanto na kaya mo iyon ginawa e para matulungan ako, pero binalewala lang kita. Ate mo ako at ako ang dapat tumutulong sa iyo pero parang baligtad pa ang sitwasyon. Ako pa ang tinutulungan mo."
Napaiyak si Ate Pats nang sabihin niya iyon. "Nang mawala ka, nagalit din ako kasi sa 'yo rin nakaasa ang gatas ni Jewel, tapos buntis pa ako sa pangalawa ko. Pero na-realize ko na hindi dapat ako magalit sa iyo dahil ako naman ang gumawa ng gusot na ito sa umpisa palang."
"Inayos ko ang buhay ko. Nagkabalikan kami ni Nestor. Buo niyang tinanggap ang ikalawa kong anak. Nagpa-marriage counseling na rin kami para mas matibay ang samahan namin. Isinuko niya ang sarili niya sa awtoridad dahil gusto niyang pagbayaran ang pambubugbog niya sa akin. Ngayong taon din ang labas niya. Sa akin namang ganang, maayos naman na ang kalagayan ko. Ang tindahan na ipinatayo mo sa akin, medyo napalago ko na. Nabilhan ko na rin ng freezer at nadagdagan ko na ng bigasan."
Napangiti ako sa sinabing iyon ni Ate Pats. Nagyakapan din kami.
"Ate, hindi na ako basagulero. Nagbago na ako," ani Jerry. "Katunayan, graduate na ako sa kolehiyo. Isa na akong financial advisor sa isang life insurance."
"Ako, ate. Hindi na ako tumatambay sa computer shop. Mabuti na lang din ate kasi nang tumigil ako sa pagtambay, eh, may nag-amok. Kung hindi ako tumigil, eh, baka patay na ako," paliwanag naman ni Obet.
Nang matapos na magsalita si Obet ay natahimik ang lahat. Para bang may nais silang sabihin pero naghihingian sila ng hudyat kung sino ang magsasalita.
"At si Girlie..." panimula ni Kuya Amboy. "Tinalikuran niya ang pag-akyat sa bundok at muling bumalik sa amin kaso hindi rin siya nagtagal... muli siyang umalis."
"B-Bakit?"
Nagtinginan muna sina Kuya Amboy at Ate Pats bago nagpatuloy si kuya sa pagsasalita. "Puntahan natin siya."
BINABASA MO ANG
Living on Obliviousness [Completed]
SpiritualIsang araw, napagtanto ko na lang na pagod na ako sa buhay. Na gusto kong talikuran na lang ang lahat. Na gusto kong i-restart na lang ang aking buhay gamit ang panibagong pagkatao. Pero paano? ========= Start: September 08, 2022 Finish: September...