AYOKO na.
Paulit-ulit iyang umaalingawngaw sa utak ko magmula pa kaninang umaga. Sa totoo lang, matagal ko nang iniisip iyan. Kakaiba lang ngayong araw dahil higit na mas malakas ang sigaw ng isang bahagi ng aking utak.
Ayoko na. Ayoko na sa buhay na ito.
Hindi sa gusto kong wakasan ang buhay ko, kundi gusto kong magpanimulang muli ng panibagong buhay. Kumbaga sa isang video game ay nasa stage 99 na ako pero gusto kong magsimulang muli sa umpisa.
Bata pa lamang ako ay namulat na ako sa hirap ng buhay sa Tondo. Anak ako ng mananahi ng sirang sapatos at payong at anak ako ng isang pedicab driver. Ako lang ang bukod tanging nakapagtapos ng kolehiyo sa pitong magkakapatid. Ang iba kong mga kapatid, bukod sa dalawang bunso, ay hindi na naituloy ang kanilang pag-aaral dahil sa iba't ibang dahilan.
Ako rin naman ay muntik na ring hindi makatapos, ngunit sa pagnanais kong magkaroon ng pagkaalwan ng buhay ay ginawa kong umaga ang gabi at gabi ang araw. Nag-apply ako bilang part time crew sa isang sikat na restawran. Sinabayan ko iyon ng pagbebenta ng RTW pati cakes na pinalalako sa akin ng kakilala kong baker. Paminsan-minsa'y rumaraket din ako bilang brand ambassador ng kung ano-anong produkto sa mga kilalang supermarket.
Nagtapos ako sa kursong Entrepreneurship bilang Magnacumlaude kaya hindi naging mahirap para sa akin ang paghahanap ng trabaho. Kaliwa't kanang kumpanya ang tumatawag sa akin at hindi lumilipas ang isang araw na walang kumokontak sa akin.
Sa lahat ng pagpipilian ay napusuan ko ang isang kumpanya kung saan inalok ako na maging business consultant. Lubos ang aking pagkagulat nang basahin ko ang kontrata ko kung saan nakasaad ang paunang sahod ko. Trenta mil. Idagdag pa riyan ang mga benepisyo na hindi ko na iisa-isahin.
Sa pagkakaroon ko ng trabaho ay kinumbinsi ko ang mga magulang ko na tumigil na sa pagtatrabaho ngunit tinanggihan nila ako. Mababait sina mama at papa. Kulang na nga lang ay ibigay nila sa amin pati ang pagkaing isusubo na lang nila.
"Ayokong pasanin mong mag-isa ang responsibilidad ng pamilya natin, anak," ani Papa nang minsang kausapin ko sila ni Mama. "Siguro, kung may tulong man kaming hihingin sa iyo ng iyong ina ay iyon ang tulungan kaming pag-aralin ang mga kapatid mo. Makita ko lang kayong lahat na nakapagtapos ay mapapanatag na kami ng mama mo."
"Sang-ayon ako sa papa mo, anak. Hindi rin kami basta-basta puwedeng tumigil sa paghahanap-buhay. Hindi pa nakatatapak sa Senior High sina Obet at Julia. Kahit man lang sila ay mapagtapos namin, siguro ay mapapanatag na kami."
Pumunta ako sa likod nina mama at papa. Ipinatong ko ang kamay ko sa tig-isa nilang balikat. "Tutulungan ko kayo, Mama, Papa."
Pinisil nila ang aking kamay bilang tugon sa akin.
BINABASA MO ANG
Living on Obliviousness [Completed]
EspiritualIsang araw, napagtanto ko na lang na pagod na ako sa buhay. Na gusto kong talikuran na lang ang lahat. Na gusto kong i-restart na lang ang aking buhay gamit ang panibagong pagkatao. Pero paano? ========= Start: September 08, 2022 Finish: September...