Part 9

81 2 1
                                    

Napahinuhod ako ni Lola Mona na tumira na sa kaniya. Sa puntong iyon ay nagkaroong muli ng direksiyon ang aking buhay.

Hindi niya ako pinagtatrabaho. Ika niya ay sapat naman na ang pensiyong nakukuha niya para buhayin kaming dalawa. Retirado siyang prinsipal sa eskuwelahan sa bayan. Ang tangi lang niyang pakiusap ay samahan ko siya sa pananalangin sa umaga at gabi pati na rin sa paglilingkod sa simbahan na akin namang ginagawa.

Sinubukan kong hipuin ang puso ko at kapa-kapain kung may tampo at galit ba ako sa Panginoong sinasamba ni Lola Mona, na dati kong pinaniniwalaan. Wala na, pero nandoon pa rin ang pagdududa at kawalan ng paniniwala. Kampante na ako sa sarili ko na hindi na ako muling maniniwala pa sa Kaniya.

"Kahit anong mangyari, kapitan mo Siya, Liway," ani Lola Mona nang minsang nakaluhod kami sa simbahan. Katatapos lang niyang magdasal. Ako nama'y nagkukunwari lamang. "May dahilan ang lahat ng nangyayari sa isang tao, Liway. At kung ano ang dahilan na iyon? Malalaman lang natin sa tamang panahon basta huwag lang tayong maiinip na hintayin kung kailan darating iyon."

Hindi ko maunawaan ang itinutumbok niya pero tumimo iyon sa utak ko. Ganunpaman, naroon pa rin ang pader na humaharang para papasukin at tanggapin ng sistema ko ang Panginoong pinaniniwalaan ni Lola Mona.

UNTI-UNTI ko nang natatanggap ang panibagong buhay kapiling si Lola Mona. Muli akong nabuhayan ng pag-asa at nakaramdam ng kapayapaang matagal nang hinahanap ng aking puso. Mukhang ito na nga ang hinahanap kong destinasyon, sa piling ng taong itinuturing ko nang pangalawang magulang.

Ngunit mailap sa akin ang tadhana. Isang araw ay nagisnan ko na lang si Lola Mona na hindi na humihinga. Ayon sa doktor na tumingin sa kaniya ay namatay si lola sa kaniyang pagtulog. Cardiac arrest. Iyan ang paulit-ulit na umaalingawngaw sa utak ko.

Sa pangalawang pagkakataon ay muling kinuha ang taong malapit sa akin, at sa puntong iyon ay muling bumalong ang panunumbat sa puso ko.

"Ito po ba ang Diyos mo, Lola Mona?" bulong ko sa sarili habang nakatingin sa krusipiho na nakapatong sa kaniyang kabaong. "Bakit ka Niya kinuha sa akin, lola? Dahilan po ba Niya na pahirapan ako? Iyon po ba ang tinutukoy ninyo?" Hindi ko na napigil ang mapait na pagluha na namalisbis sa aking pisngi.

PINALIPAS ko na lamang ang libing ni Lola Mona at muli, natagpuan ko ang sarili ko sa kalsada. Wala akong dinala kahit ano. Tanging t-shirt, shorts, at tsinelas na pambahay lamang ang suot ko. At kung saan ako dadalhin ng aking mga paa? Hindi ko alam. Basta iiwasan ko nang gumawi sa simbahan. Masama ang loob ko. Masamang-masama.

ILANG araw ang lumubog at ilang buwan ang lumitaw na tumatanglaw sa aking paglalakbay patungo sa kung saan na hindi ko pa alam. Muli na naman akong bumalik sa dating ako bago makilala si Lola Mona. Nanlilimahid at hinahabol ng mga langaw. Para akong dumi ng tao na naglalakad na pinandidirihan ng lahat. Pero wala akong pakialam. Wala rin silang pakialam.

NANG minsa'y mapatigil ako sa paglalakad sa gitna ng kalsada. Itiningala ko ang aking mukha at kinausap ko ang nilalang na hindi ko nakikita.

"Kung totoo ka, bakit mo ako hinahayaang magdusa? Bakit mo ako pinahihirapan?" Pagak akong napatawa. "Bakit ba ako kumakausap sa wala? Hindi ka naman talaga totoo. Isa kang piksyunal na nilalang. Huwad ka. Huwa—"

Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil tumilapon ako papunta sa direksiyon na hindi ko alam. Nagpagulong-gulong ako hanggang sa mapatigil ako at bahagyang tumama ang ulo ko sa semento ng kalsadang nilalakaran ko.

"Miss! Miss!" Pares ng mga paang papunta sa direksiyon ko ang huli kong nakita bago ako panawan ng ulirat.

Living on Obliviousness [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon